Terorismo ng AFP sa Aurora, nagpapatuloy

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isinusuka ng mamamayan ng Aurora ang mga pwersang militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nagpapatuloy na teroristang operasyong kombat nito sa nagdaang buwan. Simula Mayo 20, walang-tigil ang mga operasyon nito sa mga barangay ng Maria Aurora at Dipaculao. Humihimpil sila sa mga barangay hall at eskwelahan sa gitna ng mga sibilyang populasyon, na tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Ginagamit na pagdadahilan ng AFP ang naganap na ilang minutong mga labanan sa pagitan nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Aurora noong Mayo 20, 21 at 28 para manatili sa mga komunidad.

Nakakampo sila ngayon sa mismong day care center, barangay hall at eskwelahan ng barangay Wenceslao, San Joaquin, Baubo, Bazal, Diaat, at Cadayakan, sa Maria Aurora, at sa Diamanin, Toytoyan, Puangi, at Salay sa Dipaculao. Itinayo nilang muli ang kampo ng CAFGU sa Dibutunan, sa Dipaculao. Pati ang baybaying baryo at kapatagan ng San Luis ay hinimpilan na din ng mga pasistang sundalo.

Walang-lubay din ang sapilitang pagpapapulong ng mga sundalo at pulis sa mga residente. Pinagbawalan ang masa na pumunta sa bundok, o sa kanilang mga sakahan sa labas ng baryo. Nagpakana pa ang mga sundalo ng pamimigay ng mga “stub” na katumbas ng ayudang pagkain sa Department of Social Welfare and Development. Ginagamit ito para kunin ang mga personal na detalye at numero sa selpon ng mga residente para sa kanilang paniktik.

Isinasama rin ng mga sundalo ang mga sibilyan sa kanilang operasyong kombat para magsilbing giya. “Hindi kami makatanggi. Sigurado daw kasi na hindi sila maambus ng NPA pag may kasama silang sibilyan,” pagbabahagi ng isang tanod na nakapanayam ng Pulang Silangan, rebolusyonaryong pahayang masa sa East Central Luzon.

Inirereklamo rin ng mga residente ang kaguluhang hatid ng mga sundalo. Nangunguna ang mga ito sa paglalasing, pambabastos sa kababaihan at matatanda, paninindak, at pag-aakusa ng kung anu-anong kaso sa mga sibilyan.

AB: Terorismo ng AFP sa Aurora, nagpapatuloy