Balita

TRO laban sa barikada sa pagmimina, ikinagalit ng mga residente ng Dupax del Norte

,

Tinutulan ng mga residente ng Barangay Bitnoy sa Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya ang inilabas noong Oktubre 14 ng isang korte na pagkatig sa isinampang Complaint with Application for Temporary Restraining Order and/ or Writ of Preliminary Injuction ng Woggle Corporation laban sa kanilang barikada. Ipinagbawal ng naturang kautusan ang barikada ng mga residente at ang kanilag pagharan sa pagpasok ng mga tauhan ng Woggle Corporation sa mining exploration site hanggang Oktubre 30.

Ayon sa mga residente, makatwiran ang barikada dahil itinayo ito sa kanilang sariling lupa at walang silbi ang permit sa ekplorasyon ng kumpanya dahil wala itong nailunsad na konsultasyon sa mga residente ng barangay, na isang importanteng rekisito para sa permit.

Sa araw ng pagdinig sa korte noong Oktubre 13, maraming residente at tagasuporta ang dumalo para ipakita ang kanilang pagtutol sa planong pagmimina sa Dupax Del Norte.

Sa kabila nito, pumanig ang korte sa kumpanya at sinabing may karapatan ito na maglunsad ng eksplorasyon dahil sa binigay na permit ng Mines and Geosciences Bureau noong Agosto. Magdudulot din diumano ng “irreperable injury” at gastos sa kumpanya ang barikada dahil sa dulot nitong pag-antala sa gawaing eksplorasyon ng kumpanya. Pinag-utos din ng korte ang sheriff nito na ipatupad ang utos.

Lubos na kinagalit ng mga mga mamamayan ng Dupax del Norte ang di makatwirang desisyon at nanindigan na hindi sila titigil hangga’t hindi napapalayas ang kumpanya sa kanilang bayan. Nanawagan din sila sa lokal na pamahalaan na tumindig at ipagtanggol ang mamamayan.

AB: TRO laban sa barikada sa pagmimina, ikinagalit ng mga residente ng Dupax del Norte