Tugunan ang hinaing ng mga apektado ng oil spill—NDF-Mindoro

,

Nakiisa ang National Democratic Front (NDF)-Mindoro sa panawagan ng mamamayang Mindoreño na agarang tugunan ang hinaing ng mga pamayanang sinalanta ng oil spill bunsod ng paglubog ng MT Princess Empress sa bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero. Anang NDF-Mindoro, apektado ng sakuna ang hindi bababa sa 76 na mga barangay sa siyam na bayan. Dagdag pa dito ang ibang mga bayan sa karatig na mga prubinsyang inabot ng epekto ng oil spill.

Ang MT Princess Empress ay mayroong kargang 800,000 litrong industriyal na langis o black oil at patuloy na tumatagas. Nasalanta ng trahedya ang 26 na lugar sa dagat na protektado (marine protected area) na nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang anyo ng yamang tubig. Halos 36,000 ektaryang coral reef na tahanan ng mga isda ang pinangangambahang mawasak dahil sa insidente. Kabilang din dito ang 7 sangtwaryo at 533 ektaryang bakawan sa bayan ng Pola.

“Tiyak na pangmatagalan ang pinsalang ito sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga mangingisdang nakaasa sa yamang-tubig,” ayon sa NDF-Mindoro. Liban dito, may panganib din sa kalusugan ang nasabing sakuna. Nagdudulot ng masamang amoy ang black oil na delikado kung malalanghap ng tao. Marami na rin umanong residente ang nagrereklamo na nakakahilo ang amoy ng langis. Pinangangambahan ding napasok ng langis ang mga pinagkukunan ng tubig ng mga komunidad sa tabing dagat.

Pinuna ng NDF-Mindoro ang mabagal na pagtugon ng mga ahensya ng gubyerno para tugunan ang oil spill. Anito, “pinatitindi ng mabagal na pagtugon…ang krisis na nilikha ng oil spill.”

Natulak na rin umano ang mamamayang Mindoreño na sila ang kumilos para lamang maalis na ang langis na lumulutang sa mga baybayin at dalampasigan gamit lamang ang mga bao ng niyog, tabo, at timba, na posibleng makaapekto sa kanilang kalusugan.

Ayon sa NDF-Mindoro, dabat magkaisa ang mamamayan para igiit sa gubyerno ang maagap na pag-imbestiga at paglilinis ng langis sa dagat. Dapat din umanong itulak nila na mabigyan ng ayuda ang libu-libong mangingisdang Mindoreño. “Marapat lang na bumuo ng programang pangkabuhayan para sa mga mamamalakaya na tutugon sa kanilang pangangailangan sa panahon na hindi pa maaaring makapaglaot,” pahayag nito.

Samantala, suportado nila ang panawagang imbestigasyon sa kumpanyang may-ari ng MT Princess Empress, ang RDC Reield Marine Services. “Dapat singilin (ang kumpanya) batay sa kanyang responsibilidad sa insidente…[laluna at] insured sa halagang $1 bilyon at na saklaw ng insurance nito ang mga kaganapan tulad ng oil spill, ang naturang barko. Makatwiran lamang na pasanin ng kumpanya ang gastusin sa cleanup at kumpensasyon para sa mga komunidad sa tabing-dagat.”

AB: Tugunan ang hinaing ng mga apektado ng oil spill—NDF-Mindoro