Balita

Tuluy-tuloy na mga protesta kontra korapsyon, inilulunsad ng kabataan

, ,

Kabi-kabilang pagkilos ang pinangunahan at inilunsad ng mga grupo ng kabataan sa iba’t ibang syudad at prubinsya mula Setyembre 13 hanggang 15 kontra sa katiwalian at korapsyon. Walang-sawa silang nagmamartsa para ipabatid sa mas marami pang kabataan at mga Pilipino ang kanilang matinding pagtutol at pagbatikos sa laganap na korapsyon at mga anomalyang nalantad sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Noong Setyembre 13, isinagawa ang mga protesta sa Maynila, Pampanga, Camarines Sur, Albay at Cebu.

Sa Maynila, magkakasamang nagmartsa patungo sa EDSA People Power Monument ang mga grupo ng kabataan sa pangunguna ng Kabataan Partylist (KPL) at samahang Kalayaan Kontra Korapsyon (KKK). Lumahok rin sa pagkilos ang mga organisasyong bahagi ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region (Bayan-NCR).

Isinagawa ang pagkilos sa People Power Monument para gunitain ang lakas ng taumbayan na nagpabagsak sa diktadurang Marcos. “Kung babalikan natin ang diwa ng People Power, nasa kamay ng taumbayan ang kapangyarihang magdulot ng pagbabago. Lalabanan natin ang korapsyon,” pahayag ng KKK.

Nanawagan si Kabataan Rep. Renee Co sa mga kapwa kabataan na huwag hayaang mawala ang galit na nararamdaman laban sa kurakot na gubyerno. “Alalahanin natin ang gutom na nararanasan at bahang nilulusong natin,” aniya.

Sa Pampanga, inilunsad ng Anakbayan Pampanga at iba pang grupo ng kabataan ang protesta sa Angeles City. Dumalo at nakiisa sa protesta ang mga kabataan mula sa ilang prubinsya sa Central Luzon. Sa kabila ng panggigipit at panghaharas ng mga pulis, itinuloy nila ang pagkilos.

Sa Camarines Sur, nagtipon ang mga kabataan sa Plaza Rizal sa Naga City. Ayon sa Jovenes Anakbayan Naga City, nakakadismaya na ginagamit ng mga pulitiko at burukrata-kapitalista ang bawat proyekto bilang pagkakataon para kumulimbat ng pondo mula sa taumbayan. Partikular nilang binatikos ang pamilyang Co na nakabase sa Bicol.

Kaisa ng mga kabataan sa naturang pagkilos sa syudad ang grupo ng mga magbubukid na Damayan ng mga Paraoma (DAMPA)-Camarines Sur, ang ACT Bicol Union at iba pang samahang masa.

Sa Albay, nagmartsa sa loob ng kampus sa Legazpi City ang mga estudyante ng Bicol University kasabay ng isinagawang programa para sa mga freshman ng unibersidad. Nagkaisa ang mga estudyante sa ilalim ng panawagang BUeños Kontra Korapsyon (BKK). “Ngayon higit kailanman, tinatawag tayo ng lipunan na ipakita ang ating pakikiisa at ipamalas ang ating paninindigan,” ayon sa BKK.

Sa Cebu, sama-samang nagprotesta ang mga grupo ng kabataan at iba pang sektor sa N. Bacalso Avenue, Cebu City. “Ang laban kontra korapsyon ay hindi mahihiwalay sa laban para sa isang makatarungan at demokratikong lipunan, kung saan ang pampublikong rekurso ay tunay na naglilingkod sa mayorya, at hindi nagpapataba sa bulsa ng iilan,” pahayag ng KPL-Cebu.

Isang hiwalay na pagkilos muli ang nilahukan ng mga kabataan sa Plaza Independencia sa Cebu City noong Setyembre 14. Lumahok sa protesta ang iba’t ibang mga grupo kabilang ang Bayan-Central Visayas.

Noong Setyembre 15, nagkaroon ng mga protesta sa Maynila at malawakang protesta sa UP Cebu.

Ilandaang estudyante, guro at istap ng Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Sta. Mesa ang nakiisa sa Black Monday Protest. Panawagan nila na sa halip na waldasin sa korapsyon at katiwalian ang pondo ng bayan, ilaan na lamang ito sa edukasyon ng mga kabataan.

Anang mga grupo, lalong tumitingkad ang katiwalian sa harap ng ₱9.01 bilyong depesito sa badyet ng PUP para sa susunod na taon. “Hindi ito simpleng kapabayaan kundi bahagi ng mahabang kasaysayan ng pandarambong,” ayon sa PUP Rise Against Corruption and Tyranny.

Sa Pasig City, nilusob ng kabataan at mga progresibong grupo ang upisina ng St. Gerrard Construction para kundenahin ang bilyun-bilyong maanomalyang flood control project na pinangangasiwaan ng kumpanya na pagmamay-ari ng pamilyang Discaya. Anila, tinatayang umaabot sa higit ₱200 bilyon ang napunta sa maanomalyang kontrata na may kaugnayan sa mga Discaya.

Sa UP Cebu, higit 1,000 estudyante, guro, kawani at mga myembro ng komunidad ang lumahok sa demonstrasyong pinangunahan ng UP Cebu Kilos Na. Nagmartsa sila sa loob ng kampus at lumabas sa unibersidad para ipabatid sa mga Cebuano ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos para sugpuin ang korapsyon at katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos.

“Bawat piso na ninakaw ay isang buhay na nalunod. Bawat kontratang nag-ugat sa anomalya ay nagmumula sa dugo ng mga taong kanilang pinagsamantalahan,” ayon sa alyansa. Idiniin nila sa protesta na mula pa man sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr, hanggang kay Duterte, at ngayon kay Marcos Jr ay umiiral ang kanilang dinastiya na nagpapatuloy sa pagnanakaw, pang-aabuso, at pasismo.

Panawagan ng mga kabataan na parausahan at kundenahin ang mga Marcos at Duterte sa pang-aalipusta sa masang Pilipino. “Ang ating lakas ay ang ating pagkakaisa. Ang mga lansangan ang ating sandata. Ang galit ng bayan ang kanilang ikinakatakot,” anang UP Cebu Kilos Na.

Samantala noong Setyembre 12, sama-samang nagtirik ng kandila ang mga estudyante ng Leyte Normal University sa kampus nito sa Tacloban City para manawagan ng agarang aksyon sa gubyerno laban sa korapsyon at panunupil. Ayon sa mga nag-organisa ng pagkilos, maituturing na makasaysayan para sa unibersidad ang pagsasagawa ng kilos-protesta.

AB: Tuluy-tuloy na mga protesta kontra korapsyon, inilulunsad ng kabataan