Tumitinding militarisasyon sa mga maralitang komunidad sa Cebu, kinundena
Mahigpit na kinundena ng mga Panaghugpong sa Dakbayan-Kadamay-Cebu ang tumitinding militarisasyon sa mga syudad sa Cebu. Pangunahing anyo ng militarisasyong urban na ito ang pagpakat ng mga yunit militar sa mga komunidad ng maralita sa Metro Cebu.
Ayon sa grupo, pinwestuhan ng militar ang benyu sana ng kanilang ika-9 na asembliya noong Disyembre 1. Iniulat ng mga maralita ang presensya ng mga nagpakilalang elemento ng 14th CMO Battalion sa Ermita, Pasil at Mambaling na nag-abang sa mga nakatakdang dumalo sa asembleya. Nag-ulat rin ng presensya ng militar ang mga maralita sa Qiout Pardo, at maging ang mga taga-Mandauae at Lapu-lapu City. Binisita din ng mga sundalo ang mga myembro ng mga homeowners association para sabihan silang huwang dumalo sa asembliya.
“Ginamit nila sa psychological warfare ang paulit-ulit na pagtatanong sa mga kapitbahay kung nasaan ang mga bahay ng mga lider, kahit pa alam na nila ang mga lokasyon nito…at bisitahin ang mga ito nang wala doon ang myembro o lider at ang mga anak o kapatid ang pinipilit na makipag-usap sa kanila,” pahayag ng Kadamay-Cebu.
Nag-ulat din ang katulad na mga panggigipit ang mga myembro ng Movement against Carbon Market Privitization (MACMP).
“Ang mga militar nag-aastang mga pulitiko, pinangangakuan sila (mga manininda) na makakukuha ng ayuda sa TUPAD at tulong mula sa gubyerno kung aalis sila sa organisasyon.” Ang MACMP ay asosasyon ng maliliit na manininda na tutol sa pribatisasyon ng Carbon public market.
Kinundena ng mga maralita ang lantarang panggigipit ng militar sa kanilang mga komunidad.
“Malinaw na malinaw na sa bawat pagkakataong nag-oorganisa at kumikilos ang mamamayan para sa disenteng pabahay at seguridad sa trabaho, ang tugon lagi ng estado ay ang grabeng militarisasyon at supresyon,” ayon sa grupo. Imbes na tugunan nito ang hinaing ng mamamayan, patuloy pa pinopondohan at binibigyan ng pagkakataon ang NTF-Elcac, AFP at PNP na labagin ang mga karapatang sibil at pampulitika ng mamamayan.”
Panawagan nila: Militar sa komunidad, palayasin! Buwagin ang NTF-Elcac at itigil ang pang-aatake sa mga maralitang komunidad!