Balita

Tunay na reporma sa lupa, nananatiling panawagan sa anibersaryo ng masaker sa Mendiola

, ,

Ginunita ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at mga demokratikong sektor ang ika-38 anibersaryo ng madugong Mendiola Masaker noong Enero 22. Isinagawa nila ang isang porum sa Bantayog ng mga Bayani para alalahanin ang 13 indibidwal na namatay matapos salubungin ng dahas ng mga tauhan ng noo’y presidente Corazon Aquino ang libu-libong nagpuprotestang magsasaka, halos apat na dekada na ang nakararaan. Sinundan ito ng martsa tungong Mendiola sa Maynila kung saan naganap ang karumal-dumal na krimen.

Sa kabila nang ilang rehimen na ang nagpalit-palitan, wala pa ring natatamong hustisya ang mga biktima ng masaker. Kasabay nito, hindi pa rin nakakamit ang kanilang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.

“Nagpapatuloy ang mga isyung ipinaglaban ng mga nagmartsa sa Mendiola. Hanggang ngayon walang lupa at hustisya ang mga magbubukid,” ayon sa KMP. Kabilang sa mga usaping ito ang mga kawalan ng suporta sa mga manggagawang-bukid, manggagapak, magsasaka sa mga gulayan at palayan na sinalanta ng sunud-sunod na mga bagyo, kasabay ng lahat ng ibang magsasaka na nagdurusa sa matataas na presyo ng mga serbisyo at bilihin.

Tinukoy din ng KMP na patuloy na hinaharap ng mga magsasaka ang ekstrahudisyal na pamamaslang at militarisasyon ng kanilang mga komunidad. Dumaranas sila ng malawakang pang-aagaw sa lupa at pagpapalit-gamit ng ekta-ektaryang lupang agrikultural.

Pinanatili ng mga dinastiya sa pulitika ang kawalan ng lupa, kahirapan sa kanayunan at kawalan ng pagkakapantay-pantay sa bansa, ayon sa KMP. Inihalimbawa nito ang mga burukrata-kapitalistang pamilya ng mga Marcos, Duterte, Villar at iba pa na yumayaman sa kumbersyon ng lupa at mga neoliberal na mga patakaran tulad ng Rice Liberalization law.

Mula 10.3 milyong ektarya noong 1986, nasa 7.27 milyong ektarya na lamang ang mga lupang agrikultural noong 2022. Mas malala, bumagsak nang hanggang kalahati ang lupang tinatamnan ng bigas mula 3.6 milyong ektarya noong 1980 tungong 1.9 ektarya na lamang noong 2012. Ayon sa pinakahuling estadistika ng estado, nasa 21.8 laamang ng pangkalahatang populasyong agrikultural ang nagmamay-ari ng lup noong 2022.

“Hindi namin titigilan ang laban para sa lupa, kabuhayan, at karapatan,” pangako ni chairperson emeritus ng KMP na si Rafael Mariano. “Ang alaala ng mga pinaslang sa Mendiola Massacre ay nananatiling inspirasyon sa aming pagkilos para sa lupa at hustisya.”

AB: Tunay na reporma sa lupa, nananatiling panawagan sa anibersaryo ng masaker sa Mendiola