Typhon missile system ng US sa Ilocos, iginiit na tanggalin
Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos na kaagad nang tanggalin mula sa Ilocos Norte ang Typhon mid-range capability (MRC) missile system ng imperyalismong US na nakaimbak sa prubinsya. Anang grupo, inilalagay ng US at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa matinding panganib ang buong sambayanang Pilipino sa pagtanggi nitong alisin sa bansa ang misayl.
Kinastigo nila ang rehimeng Marcos at mga kasabwat nito sa buung-buong pagsuko sa US ng pambansang kasarinlan at soberanya ng bansa. “Dapat na manindigan ang mamamayang Pilipino, lalo na ang mamamayan ng Ilocos, na alisin sa bansa sa lalong madaling panahon ang Typhon MRC at palayasin ang mga dayuhang tropa sa teritoryo ng Pilipinas,” pahayag ng Bayan-Ilocos.
Dumating sa Pilipinas ang misayl noong Abril na ginamit sa Balikatan 39-24 war games. Unang itinago ang lokasyon ng naturang opensibong armas bago ito nabunyag na nakapusisyon sa sibilyang paliparan ng Laoag sa Ilocos Norte, isang rehiyong walang nakapwestong upisyal na base miliar ng US o “EDCA site.”
May kapasidad ang Typhom MRC na magpakawala ng Tomahawk at SM-6 na mga misayl na may kakayahang lumipad nang hanggang 1,600 kilometro. Nagmanupaktura ang US ng gayong armas simula lamang 2019, matapos inatrasan nito ang Intermediate-Range Nuclear Forces (INF) Treaty, isang tratadong nukleyar sa pagitan ng US at noo’y USSR na pinirmahan noong panahon ng Cold War.
Ayon sa Bayan-Ilocos, mas lalo lamang nitong pinalalala ang tensyon sa West Philippine Sea at sa malamang ay humantong pa nga sa isa na namang digmaang inter-imperyalista. Ang pagdeploy ng missile system na ito at ang mga war games kung saan ito ginamit ay pawang mga maniobra para udyukin ang China.
Ang presensya ng Typhon MRC sa Pilipinas ay ikinababahala ng maraming bansa at nagbubunga ng dagdag na tensyon sa rehiyon ng Asia. Tinawag ng China ang pagpwesto nito sa hilagang bahagi ng Pilipinas bilang “probokasyon” at nagbabala na pinatataas nito ang risgo ng mga “misjudgment at miscalculation” (magkamali sa tantya o kalkulasyon) sa rehiyon.
Gayundin, itinulak nito ang karibal ng US tulad ng Russia para muling magprodyus ng intermediate at shorter-range na mga nuclear-capable na mga misayl.
“[A]ng pagdagsa ng mga tropang Amerikano, paglalagak ng mga kagamitang pandigma, at panghihimasok ng US sa mga usaping panloob ng bansa ang siyang patuloy na nagdadala ng panganib sa buhay, kaligtasan, at seguridad ng mamamayang Pilipino,” pahayag pa ng grupo.
Nagpahayag rin ng pagkundena sa rehimeng Marcos ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pananatili ng misayl, mga base militar at tropang Amerikano sa bansa. “Ang permanenteng presensya ng mga pwersang militar ng US sa bansa ay sumasagka sa Pilipinas na isulong ang malayang patakarang panlabas. Pinipigilan nito ang bansa na magtatag ng mapayapa at mapagkaibigang relasyon sa China at lahat ng iba pang bansa batay sa paggalang sa soberanya ng isa’t isa,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido.
Sinuportahan rin ng PKP ang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa agarang pagtatanggal ng US Typhon missile system kasama ang lahat ng tropa at armas ng US sa Pilipinas. Nakiisa rin ito sa pananawagang ibasura ang Mutual Defense Treaty, ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at lahat ng iba pang hindi pantay na kasunduang militar upang bigyang daan ang Pilipinas na manindigan bilang isang bansang nagpapahalaga sa kanyang kasarinlan.