Pahayag

Tuligsain ang US sa pagbali ng pangakong aalisin ang Typhon missile system

,

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang gubyerno at militar ng US sa pagtalikod sa nauna nitong deklarasyong aalisin ang Typhon missile system nito sa Pilipinas pagsapit ng Setyembre. Kinukundena rin ng PKP si Marcos at kanyang mga upisyal sa depensa sa pagdadahilan para sa US sa kabiguang panindigan ang naunang salita.

Batay sa mga ulat at satellite images, ang Typhon system ay nananatiling nakapusisyon sa Laoag International Airport sa Laoag, Ilocos Norte. Ang paliparan ay hindi nga kabilang sa listahan ng “mga napagkasunduang lokasyon” sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Tinutuligsa ng PKP ang paggamit ng US sa Pilipinas bilang estratehikong base militar para magpakat ng mga armas na magagamit sa agresyon at pag-atake laban sa mga kaaway at karibal nito. Ito ay walang pakundangang paghamak at lantarang paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Katulad ito ng paggamit noon ng US sa Pilipinas para ilunsad ang mga gerang agresyon sa Korea, Vietnam, Iraq, Afghanistan at iba pang mga bansa.

Sa pamamagitan ng estratehikong paglalagay ng Typhon missile system sa hilagang bahagi ng bansa, ginagamit na ng US ang Pilipinas para pagbantaan ang China ng mga patama. Ang Typhon system ay may kakayahang magpalipad ng mga cruise missiles na may layong lampas 1,600 kilometro. Ito ay naaayon sa diskarte ng US na “first-island chain” para sagkaan ang China.

Ang Typhon missile system, kasama ang lahat ng base militar, barkong-pandigma at pasilidad ng US sa Pilipinas, ay pawang mga magnet ng pag-atake. Ang mga gubyerno ng China at Russia ay gumawa na ng tahasang mga pahayag tungkol dito. Dahil dito, nagiging malamang na target ang Pilipinas ng mga kaaway ng US sakaling sumiklab ang armadong sigalot, na ganap na salungat sa interes ng mamamayang Pilipino.

Ang permanenteng presensya ng mga pwersang militar ng US sa bansa ay sumasagka sa Pilipinas na isulong ang malayang patakarang panlabas. Pinipigilan nito ang bansa na magtatag ng mapayapa at mapagkaibigang relasyon sa China at lahat ng iba pang bansa batay sa paggalang sa soberanya ng isa’t isa.

Inuulit ng PKP ang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa agarang pagtatanggal ng US Typhon missile system kasama ang lahat ng tropa at armas ng US sa Pilipinas. Dapat lansagin ang lahat ng base militar at pasilidad ng US. Dapat ibasura ang Mutual Defense Treaty, ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at lahat ng iba pang hindi pantay na kasunduang militar upang bigyang daan ang Pilipinas na manindigan bilang isang bansang nagpapahalaga sa kanyang kasarinlan.

Tuligsain ang US sa pagbali ng pangakong aalisin ang Typhon missile system