Balita

Unyon ng mga Pilipinang migranteng manggagawa sa Taiwan, itinatag

, ,

Isang press conference at protesta ang inilunsad ng Taidoc Technology Labor Union (TTLU) noong Nobyembre 7 sa harap ng Ministry of Labor sa Taiwan upang ilantad ang mga paglabag sa batas na ginagawa ng Taidoc Technology Co., LTD sa kanilang mga manggagawa. Kasama sa aktibidad ang iba’t ibang organisasyon at unyon sa Taiwan upang magbigay ng suporta.

Ang TTLU ay isang demokratiko at independyenteng unyon ng mga Pilipinang migranteng manggagawa sa Taldoc Technology Co., LTD. Ang kumpanya ang mayor na taga-gawa ng medical device sa New Taipei City, Taiwan. Ito ang pangalawang unyon ng mga migranteng manggagawa sa buong kasaysayan ng bansa.

Ayon sa mga manggagawa, marami sa kanila bulnerable sa abuso dahil nakatali sa kumpanya ang kanilang visa, trabaho, tirahan at ligal na istatus sa Taiwan.

Sa dormitoryo ng mga manggagawa, nagpataw ng curfew ang kumpanya at araw-araw ay “roll call” (pag-tsek kung nasa loob sila ng pasilidad). Pinagbabawalan silang lumabas ng dormitoryo pagkatapos ng curfew. Kapag matutulog sila sa labas ng dormitoryo para dalawin ang kanilang pamilya, kailangan nila maglinis nang 30 araw bilang parusa. Pinaglilinis sila ng kantina, kusina ng pagawaan at palikuran ng pabrika–mga trabaho na hindi nila dapat ginagawa.

Binibigyan din sila ng babala tuwing magreklamo sila o magpahayag ng pagtutol sa mga patakaran. Maaaring tanggalin sa trabaho o palayasin sa bansa ang sinumang makaipon ng maraming babala.

Sinisingil din ang mga migranteng manggagawa ng NT$1,500-1,800 (₱2,850-₱3,420) kada buwan ng mga “broker” o ahensya na naglagay sa kanila sa pagawaan. Wala anumang ibinibigay na suporta, tulong o serbisyo ang mga ahensyang ito.

Kapag mag-renew ng kontrata ang isang manggagawa, kailangan niyang magbayad ng NT$18,000 (₱34,200) o umuwi sa Pilipinas para iproseso uli ang kanyang mga dokumento, kung saan obligado naman siyang magbayad ng NT$50,000 (₱95,000) para sa placement fee. Ang ilan sa mga manggagawa na nalipat sa Taidoc ay nagbayad ng NT$18,000 bilang “transfer fee.” Kung nais ng manggagawa na umalis sa kumpanya, kailangan niyang magbayad ng katumbas sa isang buwan na sahod bilang multa. Iligal ang ganitong kalakaran sa ilalim ng batas sa Taiwan.

Dahil sa mga paglabag sa batas ng kumpanya, nagkaisa ang mga migranteng manggagawa na magbuo ng unyon.

Nang mabuo ang unyon, isa-isang pinatawag ang mga lider upang pwersahin silang umalis sa unyon at bawiin ang kanilang reklamo sa kumpanya. Tinakot sila ng kumpanya na mawawala ang kanilang bonus at mga pribiliheyo. Binantaan silang hindi na makakapag-renew ng kontrata. Sa kabila ng pananakot, wala ni isa ang umalis sa unyon.

Panawagan ng unyon ang kalayaan na kumilos, patas na pagtrato, patas na sistem sa recruitment na walang bayarin, hindi pagganti sa mga manggagawang nagrereklamo at paggalang sa kanila bilang mga tao.

Ayon sa unyon, ang laban ng manggagawa ng Taidoc ay bahagi ng laban ng lahat ng migranteng manggagawa sa Taiwan na tinatrato bilang bagay na madaling itapon at kontrolin. Giit nila, “manggagawa kami, hindi pag-aari.”

____
*Mga organisasyon at unyon na nagpahayag ng suporta sa unyon: Migrante Taiwan, Serve the People Association, International Metal Federation, Independent Trade Union Federation, World Advanced Trade Union, South Asia Circuit Board Union, Central Trade Union, Taiwan International Labour Association, National Household Labor Union, Aachen Trade Union, Migrant Workers International Taiwan Chapter, Taiwan Human Rights Promotion Association, Greenpeace, Taiwan University Labour Association, Teachers’ Literature Society, Zhengda Seed Society, Action to Defend Academic Rights in Taiwan, Taiwan Supervising Enterprise Youth Action, IndustriALL Global Union, Action Labor Union, United Microelectronics Corp. Workers’ Union, Nanya PCB Workers’ Union, Chung Hwa Telecom Union, Taiwan International Workers’ Association (TIWA), National Domestic Workers’ Industrial Union, Askey Workers’ Union, Taiwan Association for Human Rights, Greenpeace Taiwan, NTU Labor Action Group, NTNU Humanities Student Association, NCCU Seeds Collective, Taiwan Students’ Rights Action Network, at Youth Action for Corporate Accountability.

*NT$1=₱1.9

AB: Unyon ng mga Pilipinang migranteng manggagawa sa Taiwan, itinatag