Balita

Unyon sa Gardenia, tagumpay sa panibagong CBA

,

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at paggiit para sa kanilang karapatan, napagtagumpayan ng mga myembro ng Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines Inc. (UPGBPI-OLALIA-KMU), ang pakikipagnegosasyon para sa kanilang panibagong collective bargaining agreement (CBA) noong Hulyo 18.

Nakamit ng unyon ang ₱70 dagdag-sahod kada taon para sa susunod na tatlong taon, dagdag na ₱0.50 sa seniority pay, ₱20,000 signing bonus, ₱7,500 na lump sum, ₱80 meal allowance na may dagdag na ₱35 kapag obertaym, at dagdag na leave credits para sa mga manggagawang mahigit 15 taon na sa pabrika.

Napapayag din ng unyon ang maneydsment na ibigay sa mga manggagawa ang dagdag na sahod (retroactive) para sa mga buwan ng Oktubre 2025 hanggang Hunyo ngayong taon.

Ito ang ikalawang CBA ng unyon at ng maneydsment ng Gardenia. Nagtapos ang unang limang taong kasunduan noong Setyembre 30, 2024 at nagsimula ang negosasyon para sa bagong CBA noong Nobyembre 18, 2024.

Ayon kay Rhoel Alconera, pangalawang pangulo ng unyon at production operator sa pagawaan, malaki ang naitulong ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng kasapian ng unyon sa kanilang panalo.

“Syempre hindi naman natin makukuha lang sa lamesa ‘yan. Kinakailangan natin ng mga pagkilos. Nangyari sa’min ‘yon na nagsagawa ng mga pagkilos para ma-pressure ang maneydsment na mapapayag sa aming hinihiling,” paliwanag ni Alconera.

Noong Enero, nagdeklara ng deadlock ang unyon at halos tatlong buwang nakasalang sa National Conciliation and Mediation Board ang mga hindi napagkasunduang mga probisyon sa CBA tulad ng sahod, katiyakan sa trabaho, seniority pay, bakasyon at pananatili ng bilang ng bargaining units ng unyon. Batid ng unyon na taktika ito ng maneydsment upang patagalin ang negosasyon.

Noong Hunyo, nagsampa sila ng unfair labor practices (ULP) dahil sa sunud-sunod na pagkakaso kay Alconera at iba pang myembro at upisyal ng unyon.

Sinampahan ng reklamong loitering si Alconera ng kanyang superbisor sa panahong nasa pulong ito kasama ang unyon at maneydsment, habang minamarkahang leyt ang ibang myembro kapag hindi nag-oobertaym. Sinampahan din si Alconera ng gawa-gawang kaso na terrorism financing noong 2023 at pinaratangang dating myembro ng hukbong bayan. Ibinasura ang kaso dahil sa kawalan ng ebidensya.

Matatandaan noong 2021 pa naiuulat ang mga kaso ng panggigipit sa mga manggagawa ng kumpanyang Gardenia at Philfoods, kasabwat ang mga pwersa ng PNP at Ntf-Elcac. Sa kabila ng panggigipit ng mga ahente ng estado at ng kumpanya, hindi nagpatinag ang mga manggagawa sa paggiit sa kanilang mga karapatan.

Panawagan ng unyon sa maneydsment ng Gardenia na itigil na nito ang panggigipit sa unyon at tupdin na lamang ang nakasaad sa mga probisyon ng CBA.

AB: Unyon sa Gardenia, tagumpay sa panibagong CBA