Balita

Upisina ng DPWH sa Malabon-Navotas, sinugod ng mga mangingisda

,

Nagprotesta sa harap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Malabon-Navotas District Engineering Office noong Setyembre 8 ng umaga ang mga mangingisda ng Navotas City sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas. Binatikos nila ang lokal na ahensya sa malawak na korapsyong kinasasangkutan nito kaugnay sa mga proyektong flood control.

Ang Navotas City ay isa sa mga syudad sa Metro Manila na pamalagiang nakararanas ng pagbaha kahit pa hindi ganoon kalakas ang buhos ng ulan. Ayon sa mga residente at mangingisda, naglaan ng ₱4 bilyong pondo ang gubyerno para sa mga proyektong flood control sa syudad mula 2023 hanggang 2025 ngunit parati pa rin silang lubog sa baha.

“Mga mangingisda ang isa sa mga pangunahing pumapasan sa korapsyon ng mga pulitiko at mga kasabwat nito na contractor. Tinanggalan na nga ng kabuhayan dahil sa mga proyektong reklamasyon at kumbersyon, ngayon ay biktima pa rin kami ng baha dahil sa kapalpakan ng gubyernong ito,” pahayag ni Fernando Hicap, pamansang tagapangulo ng Pamalakaya-Pilipinas.

Ayon sa grupo, ang mga proyektong flood control sa Navotas City ay konektado sa maanomalya at batbat ng korapsyon na Topnotch Catalyst Builders Inc at sa St. Timothy Construction na pag-aari ng mga Discaya. “Hindi ito dapat matapos lamang sa palabas na imbestigasyon sa kamara, lalo na’t tiyak na may mga kasabwat na senador at kongresista sa mga anomalyang ito. Dapat managot lahat ng nakinabang sa pagkulimbat sa pera ng bayan, mula sa mga kontratista, opisyal ng DWPH, hanggang sa mga pulitiko at kay Marcos Jr mismo,” ayon kay Hicap.

Bilang pagpapakita ng kanilang labis na galit, pinagbabato ng mga mangingisda ng mga shell ng tahong ang pader ng DPWH. Ginantihan ito ng panghaharas at pambubuwag ng mga pulis. Tatlo ang naiulat na nasugatan sa mga mangingisda at kanilang tagasuporta.

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), inaasahang lalahok ang Pamalakaya-Pilipinas sa iba’t iba pang protesta at aktibidad sa darating na mga araw para batikusin ang laganap na korapsyon ng rehimeng Marcos.

AB: Upisina ng DPWH sa Malabon-Navotas, sinugod ng mga mangingisda