Upisyal ng NTF-Elcac, inireklamo ng Koalisyong Makabayan sa mga paglabag sa eleksyon
Nagsampa ng kaso ang Koalisyong Makabayan sa Commissions on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila laban kay Ernesto Torres Jr, executive director ng National Task Force (NTF)-Elcac, noong Abril 22. Kaugnay ang reklamo ng laganap na paglabag ng ahensya at mga tauhan nito sa Omnibus Election Code.
Inihain ang reklamo ng mga kandidato sa pagkasenador ng koalisyon na sina Makabayan Presiset Liza Maza, Amirah “Mek” Lidasan, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro. Humarap din sa Comelec sina Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel at Atty. Kristina Conti, ikalimang nominado ng Bayan Muna Party-list.
Partikular na tinukoy ng koalisyon ang pahayag ng NTF-Elcac noong Marso 16 kung saan inakusahan nito ang Makabayan na mayroong ugnayan sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at rebolusyonaryong kilusan. Naglabas ng pahayag ang NTF-Elcac matapos manawagan si Rep. Arlene Brosas na buwagin ang kontra-mamamayang ahensya.
Kabilang rin sa ipinahayag ng ahensya na nahatulang maysala sa kasong pang-aabuso sa mga bata si Rep. Castro, na inaakusahan din nitong may ugnayan sa PKP.
“Tahasan silang nagpapakalat ng pekeng balita na nakasisira sa aming kandidatura. Mali nilang ipinahayag na ako ay nahatulan sa kasong pang-aabuso sa mga bata gayong nagpapatuloy pa ang aming apela sa kaso at wala pang pinal na hatol,” ayon kay Rep. Castro. Aniya, pagtatangka ito ng NTF-Elcac na manipulahin ang boto sa pamamagitan ng disimpormasyon.
Liban dito, inireklamo ng koalisyon ang marami pang kaso ng Red-tagging, pagbababanta at intimidasyon, pagpapakalat ng pekeng impormasyon, interbensyon sa mga pampulitikang aktibidad, paggamit ng pampublikong pondo para sa kampanya at palabag sa batas ng pangagampanya. Naninindigan ang koalisyon na paglabag ang mga ito sa Comelec Resolution No. 11116, kung saan ipinagbabawal ang bullying, diskriminasyon at panggigipit, katulad ng Red-tagging.
Sa nagdaang mga buwan, sunud-sunod ang isinampang reklamo ng koalisyon at mga partido nito sa Comelec kaugnay ng mga kasong ito hanggang sa antas prubinsya. Gayunman, nananatiling walang malinaw na tugon ang Comelec hinggil dito.
“Ang patuloy na Red-tagging at pagpapakalat ng kasinungalingan ng NTF-Elcac laban sa amin ay malinaw na paglabag sa batas elektoral. Hindi lamang ito naghahasik ng takot at panganib sa aming mga kandidato, kundi nagpapakalat din ito ng maling impormasyon sa mga botante,” pahayag ni Rep. Castro.
Nanawagan ang koalisyon sa Comelec na gumawa ng agarang aksyon upang mapanatili ang integridad ng demokratikong proseso ng halalan. “Hindi kami mapatatahimik ng mga taktikang ito ng intimidasyon [ng NTF-Elcac],” paninindigan ni Rep. Castro.
Samantala, para ipagtanggol ang mga amo nito sa NTF-Elcac, naglabas ng pahayag noong Abril 24 ang mga traydor at bayarang “rebel returnees” at kanilang mga grupo laban sa Koalisyong Makabayan. Ang parehong mga personahe at grupong ito rin ang pangunahing nagsasagawa ng red-tagging laban sa koalisyon. Pilit nilang itinatago ang red-tagging sa tabing ng “pagsisiwalat sa katotohanan.”