Balita

Walang patid ng pagtaas ng presyo ng langis, bunga ng sabwatan ng rehimeng Marcos at kartel ng langis

,

Mahigpit na kinundena ng mga grupong anakpawis at sa transportasyon ang isa na namang pagtataas ng presyo ng langis sa Pebrero 17. Ang pagtaas na ito, na inaasahang aabot sa ₱1.60/litro ng gasolina at ₱0.70/litro ng diesel ay pampito na sa nakaraang pitong linggo ng taong 2026. Simula ng taon, netong tumaas na ang presyo ng gasolina nang ₱3/litro, diesel nang ₱6.40/litro at ang kerosin nang ₱4.40/litro. Ang mga pagtaas na ito ay lalong nagpapabigat sa pasanin ng ordinaryong mga Pilipino.

Sa ginawang pagkilos ng grupong Anakpawis Partylist noong Pebrero 10 sa harap ng isang gasolinahan ng Petron sa Quezon City, binatikos nito si Ferdinand Marcos Jr sa pakikipagsabawatan ng rehimen nito sa malalaking kumpanya ng langis mga pagtaas ng presyo.

“Pinamimihasa ni Marcos Jr ang mga kaibigan niyang negosyante, unang-una na si Ramon Ang,” pahayag ni Anakpawis Party-list National Chairperson Ariel Casilao. Si Ang ay pangulo at may-ari ng Petron, ang pinakamalaking kumpanya ng langis sa bansa. “Garapalang pinalalamnan ng estado ang bulsa ng mga kapitalista sa sabwatan nilang huthutin ang yamang nililikha ng manggagawang Pilipino.”

Noong Nobyembre 2025, nag-ulat ang Petron na lumaki ang kita nito nang 37% o ₱9.7 bilyon. Habang tumatabo ng bilyun-bilyon ang mga kumpanya ng langis, patung-patong naman ang pagpapahirap sa masang anakpawis, pagdidiin ng grupo.

“Yung kakarampot na ngang suweldo ng mamamayan nating nagtatrabaho nang mahusay, kinukuha lang ng mga burukrata-kapitalista para sa kurakot at lalong pananamantala,” anito.

Ninanakaw na kita

Binigyang-diin naman ng grupong Piston kung papaanong kinukuha ng estado at kasabwat nitong mga kumpanya ng langis ang kita ng mga drayber at opereytor sa pamamagitan ng linggo-linggong pagtaas ng presyo ng langis. Anito, habang kumikita nang malinis na tubo na ₱1 bilyon kada buwan ang Petron, nawawalan naman ng ₱24,000 kada buwan na kita ang mga tsuper ng dyip.

“Sa isang tsuper na karaniwang kumukonsumo ng 30 litro kada araw…umaabot sa ₱957 ang arawang nawawala sa kanyang kita dahil sa oil price hike,” ayon sa grupo. “Mas malaki pa kaysa minimum wage ng NCR!”

Mas malala, anito, ang sinasapit ng mga tsuper ng “modernong” dyip, na kumokonsumo ng 60 litro kada araw. Ibig sabihin, nawawalan sila ng ₱1,914 kada araw, o katumbas ng ₱47,850 kada buwan. Ayon sa grupo, dagdag pasanin ito ng mga drayber na nabitag sa pekeng modernisasyon at pumaloob sa mga konsolidadong prangkisa na ngayon ay lubog na lubog sa utang.

Sa mga namamasada naman na mga “rider” ng “moto-taksi,” umabot sa ₱6,000 ang nawawala nilang kita kada buwan habang ₱17,800 kada buwan ang nawawala sa mga driver ng Grab at iba pang TNVS (transport network vehicle service).

Tinawag ng Piston na “inutil” ang rehimeng Marcos sa pagkontrol ng pagtaas ng presyo, pangunahin dahil kasabwat ito ng kartel ng langis na Petron, Shell, at Caltex

“Pinananatili ng gubyernong Marcos ang oil deregulation law, na nagbibigay-laya sa kartel ng langis para magkamal ng bilyon-bilyong kita samantalang naghihirap ang ordinaryong mamamayan,” anito.

Iginiit ng grupo na karapatan ng mga tsuper at drayber ang magkaroon ng nakabubuhay na kita, tulad ng karapatan ng mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod.

AB: Walang patid ng pagtaas ng presyo ng langis, bunga ng sabwatan ng rehimeng Marcos at kartel ng langis