Writ of Kalikasan, inihain laban sa konstruksyon ng tulay sa Davao-Samal
Naghain ng Writ of Kalikasan sa Korte Suprema noong Abril 21 ang mga residente, aktibistang maka-kalikasan, at mga organisasyon sa mga komunidad ng Samal Island at Davao City upang ipatigil ang konstruksyon ng Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Project.
Ayon kay Atty. Manuel Quibod, dean ng College of Law sa Ateneo De Davao University (AdDu) at abogado ng mga naghain ng petisyon, dalawang kritikal na ecosystem na ang nawasak ng proyekto–ang Paradise Reef sa Samal at ang Hizon Marine Protected Area sa Davao City.
Inilinaw nilang hindi sila tutol sa mismong proyekto kundi sa lokasyon nitong direktang tatama sa mga protektadong lugar. Mungkahi nilang ilipat sa ibang lugar ang konstruksyon ng tulay upang maiwasan ang lalo pang pagkasira ng ekosistema ng karagatan.
Nagsilbing abogado ng mga nagpetisyon sila Antonuo La Vina, Kaloi Zarate, Jayvy Gamboa, Ericka Uyguangco, at Hazel Acero, habang katuwang nila ang mga paralegal, lokal na eksperto, at mga organisasyon na Sustainable Davao Movement (SDM), Save Samal Reefs Alliance, DYESABEL Philippines, Interfacing Development Initiatives for Sustainability, Inc Ateneo Public Interest and Legal Advocacy (Apila), at Ecological Advocacy of Ateneo de Davao University (Ecoteneo).
Ayon kay Dr. John Lacson, isang syentista, patay na ang mga bahura at 33% ng korales ng Paradise Reef dahil sa konstruksyon ng tulay. Inaasahan ang mas matinding pagkasira kung itutuluy-tuloy ang proyekto. Aniya, kung namatay ang natitirang korales, masisira ang pangunahing pinagkukunan ng mga isda.
Labag din sa batas ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act, Davao City Ordinance No. 0861-22 (Comprehensive Land Use Plan of 2019-2028) at Presidential Decree No 1586 (Philippine Environmental Impact Statement System) ang pagsira sa naturang mga korales.
Ang ₱23-bilyong SIDC ay pinondohan mula sa utang sa Chinese Official Development Assistance (ODA). Nakakontrata ang konstruksyon nito sa China Road and Bridge Corporation.