Balita

₱29 dagdag-sahod sa Davao, insulto sa mga manggagawa

,

Malaking insulto sa mga manggagawa ang ₱29 na dagdag-sahod na ibinigay ng regional wage board ng Region XII (Davao Region) noong Pebrero 19. Magkakabisa ang kautusan simula Marso 7.

Itataas ng baryang dagdag ang arawang minimum mula ₱481 para sa mga manggagawang hindi sa agrikultura tungong ₱510, at mula ₱476 tungong ₱505 para sa mga manggagawa sa agrikultura. Wala pa itong kalahati sa ₱1,200/araw na nakabubuhay na sahod.

“Ibig sabihin nito, ang natatanggap ng manggagawa ay makabibili lamang ilang kilong bigas, at hindi na sasapat para sa tumataas na singil sa transportasyon, kuryente, tubig, edukasyon at serbisyong pangkalusugan,” ayon sa Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR). Anito, hindi magandang balita ang ipinag-utos na baryang dagdag-sahod laluna sa gitna ng lumalalang kalagayan ng mga pamilya ng mga manggagawa dulot ng implasyon.

Noong Pebrero 2024, nagpataw ng 20% pagtaas sa singil sa tubig ang Davao City Water District, na bahagi sa 3-andanang pagtaas tungo sa 60% pangkalahatang pagtaas ng singil ng serbisyo. Sa gayon, tumaas ang singil sa unang 10 kubiko metro ula ₱178.50 tungong ₱214.20. Muling itinaas ang singil noong Hulyo 2024 ng karagdagang 10%.

Samantala, apat na beses na nagtaas ang singil ng kuryente sa syudad sa pagdadahilang taas-baba ang generation charge na batay diumano sa presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market. Tumaas ang singil nang ₱0.1379/kwh noong Abril 2024; ₱1.6254/kwh noong Mayo 2024; ₱0.6626/kwh noong Nobyembre 2024; at ₱0.0957/kwh noong Disyembre 2024.

Tulad sa buong bansa, tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa rehiyon. Pinakamataas ang tantos ng implasyon sa mga prubinsya ng rehiyon na umabot sa 5.9% noong Hulyo 2024, na mas mataas sa pambansang abereyds na 4.4%.

Sa buwan na ito, lumikha ng panic ang balitang nagkaubusan ng mabibiling bigas sa mga palengke ng Davao City dulot ng pagkabalam ng pagpasok ng suplay nito mula sa ibang bansa. Noong Disyembre 2024, ang presyo ng bigas sa Bankerohan Public Market, isa sa pinakamalaking palengke sa Davao City, ay nasa ₱45 hanggang ₱56/kilo.

Nanatiling mas pataas ang implasyon sa rehiyon mula Hulyo hanggang Setyembre, at bahagya lamang bumagal pagsapit ng Oktubre hanggnag Disyembre, kasabay ng ibang mga rehiyon.

Ang Davao Region ay binubuo ng Davao City, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro (dating Compostela Valley) at Davao Occidental.

AB: ₱29 dagdag-sahod sa Davao, insulto sa mga manggagawa