Nagpapatuloy ang armadong pakikibaka sa rehiyon at buong bansa 1 opisyal ng kaaway mula sa 68th IBPA patay, 2 pang sugatan sa aktibong depensa ng NPA-Mindoro
Taliwas sa ipinalalaganap ng rehimeng US-Marcos II at AFP-PNP, patuloy na naglalagablab ang armadong rebolusyon sa bansa. Matatag na tinutupad ng NPA ang tungkulin nitong isulong ang armadong pakikibaka para palayain ang Pilipinas sa kuko ng imperyalismo at tanikala ng pagkaalipin at pagsasamantala.
Magiting na lumaban at nagdepensa ang mga Pulang mandirigma ng New People’s Army-Lucio de Guzman Command sa labanan kahapon, March 29, kontra sa nag-ooperasyong tropa ng 68th IBPA ng 203rd Infantry Brigade sa Sityo Salafay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Napaslang sa labanan si 1st Lt. Dean Buen Oyando, ang kumander ng umatakeng tropa, habang nasugatan ang dalawa.
Naganap ang labanan sa pataksil na pag-atake sa yunit ng NPA sa okasyon ng pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng NPA. Taas-kamaong nagpupugay ang Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa ipinamalas na katapangan ng mga Pulang mandirigma laban sa pasistang tropa. Dapat dakilain ang buhay ng mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA na handang magbuwis ng kanilang buhay para sa dakilang layunin ng pambansang kalayaan at demokrasya sa harap ng rumaragasang pang-aatake ng kaaway para sa dakilang layunin ng pambansang kalayaan at demokrasya.
Nagdiriwang ang mamamayang Mindoreño sa mga pinsalang natamo ng 68th IBPA sa naturang labanan. Talamak na nandarahas ang 68th IBPA sa mamamayang Mindoreño laluna sa mga katutubong Mangyan. Tampok na kaso nila ang pagbabanta, intimidasyon at panghaharas sa mga sibilyan, sapilitang pagpapasuko at pagpapatawag sa kampo, iligal na imbestigasyon na nagtulak sa mga katutubong Mangyan Buhid na magpakamatay. Notoryus din ang rekord nila sa pagpapalaganap ng dekadenteng kultura kabilang ang iligal na droga at prostitusyon saanman sila nagtatayo ng mga kampo-militar. Nang magtayo ito ng kampo sa Sitio Mantay ng Barangay Monteclaro, pinagsamantalahan nila ang mga kababaihang Buhid at binabayaran ang mga kaanak ng mga biktima para manahimik na lamang.
Duwag na inaatake ng pasistang tropa ang mga komunidad ng Mangyan sa tuwing may operasyon. Sa labanang ito pa lamang, 112 pamilya o 500 katao na Mangyan Buhid ang napilitang lumikas. Sa karanasan ng mga katutubo sa nagdaang mga operasyong militar, ipinapataw ng mga pasista ang batas militar sa mga komunidad kung saan pinagbabawalan silang mamili ng lagpas sa arawang pangangailangan ng isang pamilya at pinagbabawalang lumabas ng komunidad para bisitahin ang kanilang mga bukid at magkaingin o sakali man ay tinatakdaan lamang ng oras sa bukid. Pinipilit din nila ang mga residente na maghakot ng suplay at mag-igib ng kanilang tubig nang walang bayad.
Samantala, dinakip ng mga militar ang kabataang si Charlize Garzon na tumungo sa Mindoro upang makipamuhay sa mga Mangyan. Pinalabas siyang kasapi ng NPA-Mindoro at niletrato katabi ng mga kagamitang natagpuan sa labanan. Ito ay desperadong hakbang ng naghuhuramentadong kaaway sa pinsalang natamo sa aktibong depensa ng yunit ng NPA-Mindoro. Dapat siyang palayain bilang pagkilala sa karapatan ng sibilyan sang-ayon sa internasyunal na makataong batas.
Hindi pa naghihilom ang mga sugat na natamo ng mamamayan ng Abra de Ilog, Occidental Mindoro, patuloy na isinagawa na ng 203rd Infantry Brigade ang kasunod at mararahas na pang-aatake sa buong isla ng Mindoro. Matatandaang nagdusa rin ang mga magsasakang Mindoreño at Mangyan Iraya sa pambobomba sa mga kabundukan ng Barangay Cabacao, Abra de Ilog na kumitil sa buhay ng tatlong batang Mangyan Iraya at kabataang si Jerlyn Rose Doydora, habang sugatan naman ang ina ng mga bata. Napilitang lumikas ang 188 pamilya ng Mangyan Iraya. Hinuli rin sa operasyon ang kabataang researcher na si Chantal Anicoche, isang Filipino-American. Katulad na katulad ang senaryong nililikha ng 203rd Infantry Brigade sa San Jose. Kung kaya’t sa halip na papanghinaan, patuloy na lalaban ang mamamayan ng Mindoro at iba pang aping uri para ipagtanggol ang karapatan at igiit ang hustisya.
Ang pasismo ng estado at ang lantarang pagtalikod ng AFP-PNP at rehimeng US-Marcos II sa demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino ang siyang nagtutulak sa bayan na mag-aklas at humawak ng sandata. Higit na tumitingkad ngayon ang kawastuhan ng pag-aarmas ng sambayanan para ipagtanggol ang sarili mula sa terorismo at pasismo ng estado, kasabay ng pagsusulong ng rebolusyon para palayain ang sambayanan sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi.
Nananawagan ang Melito Glor Command-NPA ST sa lahat ng mamamayang api at pinagsasamantalahan na humawak ng sandata at sumapi sa NPA. Dalhin sa kasunod na yugto ng panibagong-sigla at lakas ang armadong rebolusyon para sa kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo.