Pahayag

Pulang saludo sa mga Pulang mandirigma ng NPA Mindoro! 2 sundalo ng 76th IB napatay, iba pa nasugatan, sa engkwentrong labanan sa NPA-Mindoro

Sinasaluduhan ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro ang mga Pulang mandirigma na magiting na nakipaglaban sa mga pasistang 76th IB sa isang engkwentrong labanan noong Nobyembre 26, bandang alas-11 ng umaga sa Sityo Balite, Barangay Lumangbayan, Abra de Ilog Occidental Mindoro. Habang naglalakad ang yunit ng NPA, nakaengkwentro nito ang nag-ooperasyong 76th IBPA, mabilis na nakauna ng putok at organisadong nakapanlaban ang mga Pulang mandirigma. Resulta, napatay ang dalawang pasistang sundalo at nasugatan ang iba pa habang ligtas at organisadong nakakalas ang yunit ng NPA.

Nagtagal lamang ng sampung minuto ang labanan, subalit sa labis na pikon ng 76th IBPA sa tinamong pinsala at sa desperasyong tapusin ang CPP-NPA-NDF, walang tigil itong nagpaputok hanggang lampas alas-12 ng tanghali. Nagpakalat din sila ng mga kasinungalingan kagaya ng ang napatay diumano sa labanan ay NPA at nagkawatak-watak daw ang NPA sa pag-atras. Pinagbalingan din ng galit ng mga pasista ang mga sibilyan, kagyat na kinontrol ang aktibidad ng mga residente, nagsagawa ng panghuhuli sa mga sibilyan at pinagbawalang umalis ang mga taga-barangay Lumangbayan, Udalo at mga karatig barangay. Sapilitan ding pinalilikas ang mga residente sa nasabing barangay.

Patunay ang panibagong labanan sa Mindoro ng kabiguan ng 2nd Infantry Division at 203rd Brigade na bigo itong wakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro kagaya ng banta ni Major General Zabala noong Agosto na tapusin ang CPP-NPA-NDF pagsapit ng katapusan ng 2025. Matibay na testimonya ito na kailanman, hindi mauubos ang determinasyong lumaban ng tunay na hukbo ng masa, ang NPA. Patuloy nitong ilulunsad ang digmang bayan hangga’t ang lipunang Pilipino ay walang tunay na kalayaan mula sa kontrol ng imperyalistang US, hangga’t ang lupa at yaman ng Pilipinas ay pinakikinabangan lamang ng iilang panginoong maylupa at malalaking burgesya-kumprador at hangga’t pinaghaharian ng mga korap, pasista at ganid na mga burukrata kapitalista ang bansa. Patuloy na mag aarmas at lalaban ang mamamayang matagal ng nag aasam ng tunay na kalayaan, demokrasya, kasaganaan, at kapayapaan.

Mamamayang Mindoreño sumampa sa hukbong bayan!

2 sundalo ng 76th IB napatay, iba pa nasugatan, sa engkwentrong labanan sa NPA-Mindoro