Pahayag

2nd IB, perwisyo at kalamidad ang dala para sa magsasakang Masbatenyo

Umiiyak na nagmamakaawa ang mga magsasaka sa Triple A, kahapon, Nobyembre 27, para hindi lang kunin ang kanilang mga alagang hayop. Subalit, sapilitan pa ring kinuha ng mga pwersa ng 2nd Infantry Battalion Philippine Army ang nasa walong kalabaw at baka ng mga magsasaka, isa sa mga baka ay kinatay pa ng mga ito. Upang gawing lehitimo ang kanilang pagnanakaw, pinagbintangan pa nito ang mga magsasaka na hindi kanila kundi pagmamay-ari ng rebolusyonaryong kilusan ang kanilang mga inaalagaang hayop. Bago ito, nauna na ring kinumpiska ng mga militar ang mga alagang hayop ng mga magsasaka sa mga barangay sa bayan ng Mobo, Milagros at Uson.

Walang awa at nakakapagsiklab ng galit ang ginawang ito ng mga berdugo militar. Ang naturang mga alagang hayop ng mga magsasaka ay produkto at naipundar mula sa kanilang ulan-init na pagtatrabaho, dugo at pawis ang ipinuhunan nila rito.

Napakahalaga ng mga hayop para sa mga magsasaka. Ang kalabaw, ang katuwang ng mga ito upang makapagbungkal at makapagtanim sa kanilang lupang sakahan. Wala silang mga makinaryang pansaka tulad ng traktora, kaya nakaasa sila sa kanilang kalabaw upang hindi magutom ang kanilang pamilya.

Ang pagkawala ng kanilang hayop pantrabaho ay katulad sa pagkitil sa kanilang mga buhay. Habang ang mga baka, ay impok para sa mga magsasaka. Anumang oras ay may maibenta sila kung may emerhensya o paggagamitan ng malaking halaga, tulad ng pag-aaral sa mga anak at pagpapagamot kung may magkasakit sa myembro ng pamilya. Dahil wala namang programa ang reaksyonaryong gubyerno upang gawing libre o abot kaya ang edukasyon at pagpapagamot. Sa halip, tinalikuran ng lubos ng gubyerno laluna ni Marcos Jr ang mga magsasaka.

Katunayan, kahit sa panahon ng pananalasa ng magkakasunod na malalakas na bagyong Opong, Tino at Uwan, daan-daang nag-ooperasyong militar ang itinugon ni Marcos Jr sa mga magsasakang Masbatenyo. Kaya, hindi pa nga tuluyang makaahon mula sa hagupit ng mga bagyong sumalanta sa kanilang pananim at nagwasak sa mga kabahayan, hinagupit naman sila sa man-made calamity na likha ng mga berdugong militar.

Para sa mga magsasakang Masbatenyo, higit na mas matindi ang epektong idinudulot ng mga berdugong militar sa kanilang buhay at kabuhayan kaysa natural na kalamidad. Kaya, itinuturing nilang peste sa kanilang kabuhayan at buhay ang mga ito.

Hindi lang kasi mga alagang hayop ng mga magsasaka ang inaagaw ng mga militar. Ilan sa kanilang mga niyugan ang inagaw rin ng mga ito, kung saan, mga militar at taksil sa rebolusyonaryong kilusan ang nakikinabang sa produkto at kita.

Katuwang at kakutsaba din ang mga ito ng mga dayuhang korporasyon sa mina at ekoturismo, rantsero at mga lokal na pulitiko upang alisan at itaboy sila mula sa kanilang mga lupang sakahan at kabuhayan. Gumagamit ang militar ng dahas upang pasunurin sila sa kagustuhan ng mga among pinaglilingkuran ng mga ito. Sa tuwing nag-ooperasyon ang mga militar, nalilimitahan ang kanilang oras sa pagtrabaho at paghahanap-buhay. Ikinukulong sila sa mga sentrong baryo at isinasailalim sa batas ng militar.

Higit sa lahat, matagal nang batid ng mga magsasakang Masbatenyo na kasangkapan ang mga militar ng reaksyonaryong estado upang wasakin ang kanilang pagkakaisa at paglaban para sa kanilang lupa, buhay at kabuhayan.

Ang operasyon ng mga militar ay tanda ng higit na pang-aabuso at paglabag sa karapatan ng mga magsasaka. Sa desperasyong gutumin at pawalang-saysay ang mga pulang Hukbo ng mga Masbatenyo, hindi proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran kundi, dagdag pahirap at gutom ang dala at idinudulot ng mga pwersa ng estado.

Sa hamong kinakaharap ng mga magsasakang Masbatenyo, napakahalaga ng tulong at pagsuporta ng mga lokal na upisyal sa pamahalaan ng Masbate. Ang paglabas ng mga resolusyon upang pagbawalan ang militar na magtayo ng mga kampo at ditatsment malapit sa kabahayan. Pagbawal na okupahin, paghimpilan at maglunsad ng operasyong kombat sa mga komunidad at mga sentrong baryo. Higit sa lahat, pagtulong sa mga biktima na sampahan ng kaso at mapanagot ang mga militar sa kanilang krimen laban sa mamamayang Masbatenyo. Kasabay ng inyong pagtulong sa mga magsasaka, naipaglalaban niyo rin ang inyong katungkulan at mandato bilang mga tagapaglingkod ng bayan.

Nananawagan naman ang PKM-Masbate sa mga tagapagtaguyod sa karapatan na imbestigahan ang tumitinding pang-aabusong militar sa prubinsya. Ganun din sa mga nasa hanay ng midya, na tulungan ang mga magsasakang Masbatenyo sa paglalantad sa ipinapatupad na batas militar sa Masbate.

2nd IB, perwisyo at kalamidad ang dala para sa magsasakang Masbatenyo