4th IBPA, bigo na namang lipulin ang isang yunit ng NPA Mindoro
Bigo ang sumalakay na yunit ng 4th IBPA na ubusin ang inistrike na yunit ng LdGC NPA Mindoro sa Sitio Balugo, Barangay Budburan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Pebrero 15. Magiting na lumaban ang mga Pulang mandirigma kaya’t nagawang pinsalain ang mga berdugo. Dalawang patay, kabilang ang kumander ng platun, at siyam ang sugatan sa hanay ng umatakeng kaaway. Samantala, wala ni isa mang kaswalti sa panig ng NPA Mindoro.
Ang sinalakay na yunit ng NPA ay nagsisiyasat sa kalagayan ng barangay sa harap ng mga anti-mamamayang programa kabilang ang pribatisasyon ng tubig, mga nakaambang proyekto ng Bulalacao offshore wind project, at programang ekoturismo sa Mansalay.
Nagsimula ang putukan bandang 9:30 ng umaga at natapos bago mag alas-10. Matapos ang engkwentro, hibang na nagpalipad ng tatlong helicopter ang 203rd IBde bilang suporta sa pursuit operations at para kunin ang kanilang mga bangkay. Nakagambala ang paglipad ng helicopter sa buhay at kabuhayan ng mga residente. Pinagbawalan din ng kaaway na umakyat ang mga lokal sa kanilang mga kaingin. Bahagi ito ng saywar at pananakot ng mersenaryong tropa.
Tuwang-tuwa ang masang Mindoreño sa sinapit ng 4th IBPA na salarin sa pagpatay kay Jay-el Maligday, isang residente ng katabing Brgy. San Roque ng Bulalacao. Si Jay-el ay walang awang-pinaslang ng 4th IBPA at pinaratangang kasapi ng NPA. Matapos ang krimen, naghasik ng teror ang 203rd IBde sa pagpakat ng mga RCSP unit sa ilang sityo sa saklaw ng mga barangay sa hangganan ng Bulalacao at Mansalay. Kasabay ito ng unti- unting pagtutuloy ng konstruksyon ng pribatisasyon ng tubig sa Bulalacao.
Nagpapasalamat ang LdGC sa patuloy na pagsuporta at pagtangkilik ng masang Mindoreño sa kanilang tunay na hukbo. Lalong magpupunyagi ang NPA Mindoro sa pagtatanggol sa mamamayang Mindoreño. Hinihikayat namin ang mga kabataan, magsasaka at iba pang aping uri na sumapi sa NPA Mindoro para sa dakilang misyong durugin ang papet at mapang-aping estado at palayain ang sambayanan mula sa kahirapan.
Sumapi sa NPA!
Digmang bayan, ipagtagumpay!