Pahayag

Mga tunay na makabayang kawal at CAFGU, Itakwil ang papet, mersenaryong tradisyon at pasistang indoktrinasyon ng AFP!

Pumutok nitong nagdaang araw ang isa na namang kaso ng pagmamalupit ng isang sarhento sa 12 treyni ng CAFGU Active Auxiliary sa Camp Capinpin, Tanay Rizal. Ang naturang opisyal ay instruktor ng 200 treyni kung saan kabilang ang mga nagreklamong biktima. Inulat ng mga biktima sa DZRH ang natamong pananakit habang lasing ang kanilang instruktor sa takot na balikan kapag pormal silang naghain ng reklamo sa kanilang institusyon. Isa sa mga biktima ay nagtamo ng pinsala sa tagiliran.

Bilang ganti sa pag-eere ng kanilang reklamo, pinigilan ang mga biktima na makasama sa graduation noong Hunyo 24. Ayon sa palusot ni Col. Michael Aquino, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division, bahagi umano ito ng protocol dahil iniimbestigahan ang kaso. Sa halip na pakinggan ang pagsusumamo ng mga biktima, tahasang pinigilan ang pagtatapos ng mga biktima. Isa itong anyo ng paniniil sa mga biktima.

Para pahupain ang galit ng mga biktima, kanilang mga kaanak at mamamayan, isinapubliko ng 2nd ID na naka-“hiwalay” na ang akusado. Sa harap nito, nananatili ito sa kanilang kustodiya at tiyak na kabilang sa mga pakana upang ibaon sa limot ang krimen ng kabaro nila. Malaon na itong ginagawa ng AFP, kagaya ng ginagawang ispesyal na pagtrato sa berdugong si Jovito Palparan na may patong-patong na kaso ng paglabag sa karapatang-tao di lamang sa Timog Katagalugan kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa kasaysayan ng 2nd ID, kilala silang talamak na nambabaluktot at tagapagpalaganap ng fake news upang tabunan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa rehiyon.

Nais palabasin ng 2nd ID na iniaayon nila sa “proseso” ang pagresolba ng tunggalian sa hanay ng opisyal at mga rekrut sa CAFGU sa harap ng malinaw na diskriminasyon at pang-aabuso ng mga opisyal dulot ng mersenaryong tradisyon at pasistang indoktrinasyon ng AFP. Hindi ito ang unang kaso ng pang-aabuso ng mga opisyal at/o instruktor sa mga rekrut at kadete kundi bahagi na ng mahabang kasaysayan ng pagmamalupit bilang bahagi ng kanilang pagsasanay. Hindi makakalimutan ng mamamayang Pilipino ang mga hazing na halos taun-taon na lamang may kaso, hindi lamang sa Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy kundi sa mga kadete ng Reserved Officers Training Course sa mga pampubliko at pribadong kolehiyo.

Ang institusyunalisasyon ng pasismo at mersenaryong doktrina ng AFP ang nasa likod ng di-makataong pagtrato ng militar, pulis at paramilitar sa mamamayang Pilipinong lumalaban. Tradisyon itong isinalin-salin sa sunud-sunod na henerasyon ng mga militar, pulis at paramilitar. Itinanim sa kanilang mga utak na ang mamamayang lumalaban sa karapatan at kagalingan ay kanilang kalaban at ang baluktot na kaisipang kapag di nila pinagmalupitan ay mas masahol ang “igaganti sa kanila”. Taliwas ito sa NPA na pinapatnubayan ng prinsipyo ng MLM kung saan nagpapatupad ito ng bakal na disiplina, pagkakaisa (ng lahat ng mga opisyal; opisyal at mandirigma; hukbo at mamamayan) at demokrasya sa larangan ng ekonomiya, pulitika at militar. Sa NPA, kinikilala ang pantay na karapatan ng mga opisyal at kawal sa pulitika at nililinang ang mataas na disiplina ng pagsunod sa atas. Pantay-pantay rin ang pamamahagi ng rekurso ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Ang pagkamapagkasama ng bawat Pulang mandirigma sa isa’t isa ang nagbubuno ng kanilang tiwala at pagmamalasakit na puhunan sa sama-samang pakikihamok sa gitna ng mga hirap at sakripisyo. Samantala, ramdam ng masang api ang taos pusong paglilingkod ng NPA sa kanila sa kahandaang ialay ang buhay para sa bayan.

Ang papet, mersenaryong tradisyon at pasistang indoktrinasyon ng AFP-PNP ay bahagi ng kanilang bulok na institusyon dahil sila ang protektor ng mapang-api’t mapagsamantalang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Kung hinahangad ng mga tapat na kawal ng AFP-PNP at paramilitar na maglingkod sa sambayanang Pilipino, dapat silang bumaklas sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang ito. Talikuran nila ang makadayuhan, pasista, bayaran at berdugong pamana at idirihe ang kanilang mga pagsisikap sa pagbubuo ng bago at mas maaliwalas na kinabukasan. Nananawagan ang MGC na tahakin nila ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan upang kamtin ang ganap na kalayaan at demokrasya.

Itakwil ang papet, mersenaryong tradisyon at pasistang indoktrinasyon ng AFP!