8th ID, nabubuhay sa sweldo at kurakot
Kinukundena ng Efren Martires Command ang paulit-ulit na kasinungalingan na nangingikil umano ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Eastern Visayas. Halata namang linyahan ito ng 8th Infantry Division na pinapa-recycle sa meyor ng mga bayan kung saan nagkaroon pa lamang ng labanan ang BHB at mga tropa ng 8th ID.
Napakakapal ng mukha ng mersenaryong 8th ID na akusahan ang mga yunit ng BHB bilang mangingikil, gayong sila at ang buong Armed Forces of the Philippines ay nabubuhay sa matatabang sweldo, benepisyo at bonus na pinopondohan ng pera mula sa dugo at pawis ng taumbayan, at nagbubulsa pa ng bilyun-bilyon mula sa mga “ghost projects,” ghost at recycled “surenderees,” mga kontratang pandepensa, at programang kontra-insurhensiya tulad ng E-CLIP at SBDP ng NTF-Elcac.
Ang malisyosong spin doctors lang ng 8th ID ang magpipinta sa kusang-loob na suportang binibigay ng masa sa BHB bilang pangingikil. Palibhasa’y hindi nila maunawaan kung paano natitiis ng mga Pulang mandirigma ang sakripisyo ng paglulunsad ng digmang bayan bilang isang hukbo ng maralita at hukbong magsasaka, dahil ang AFP ay lumalaban nang bayad at nang walang prinsipyo.
Paano rin nga naman makukumbinsi ng mga heneral at upisyal ng 8th ID ang mga tropa nila na dahasin ang masa, pagbantaan sila, at pigilan silang maghanapbuhay sa bukid sa pamamagitan ng “lockdown,” nang hindi ito pinamumudmodan ng salapi?
Mahigit limang dekada na ang nakaraan, nagsimula ang BHB sa halos wala at nang napakasalat sa rekurso. Ngayon ay may pambansang saklaw ito, nabigo ang lahat ng oplan ng bawat papet na rehimen, at patuloy na nag-oopereyt nang pangunahing sumasalalay sa sarili. Nagagawa niya ito dahil isinusulong niya ang interes ng masa, kaya natural na matatamasa niya ang bukal sa loob nilang suporta.