AFP-PNP, tunay na tagalabag ng IHL at batas ng digmaan

,

Ipokrito na pinagmamalaki ng AFP-PNP na tagapagtaguyod ito ng international humanitarian law (IHL), na una nang napatunayang hungkag nang kanilang pagbabarilin at patayin ang dalawang bata sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar. Sa tangka nilang maghugas-kamay, binabaluktot nila ang katotohanan upang ibaling ang sisi sa Bagong Hukbong Bayan. Ngunit malinaw na ipinapakita ng sumusunod na pag-atake ang sistematiko nilang pagyurak sa IHL at pagkait ng mga karapatang ito sa kanilang mga biktima.

Marso 25. Labis na pinahirapan ng mga elemento ng 20th IB sa ilalim ni 1Lt. Adonis Collado si Kasamang Prex, Pulang mandirigma ng BHB-RUC, na nakaengkwentro ng mga sundalo sa Barangay San Francisco, Catubig, Northern Samar. Nagtamo si Ka Prex ng mga sugat sa katawan at paa kaya wala sa katayuang lumaban nang mahuli. Ngunit imbis na bigyan ng pangunang lunas, binugbog siya hanggang sa madurog ang kanyang mukha. Mistulang itinutulak pa ng pamunuan ng 20th IB at AFP ang mga tropa nito na tahasang labagin ang IHL nang gawaran nito ng Gold Cross Medal si 1Lt. Collado.

Marso 18. Hinuli ng mga elemento ng 803rd Infantry Brigade at 2nd Police Mobile Force Company si Rosalinda “Ka Megan” Esponilla, 65, retiradong kasapi ng rebolusyunaryong kilusan, sa Barangay Libertad, Gamay, Northern Samar. Hinuli din ang mga magsasakang sina Godofredo E. Capoquian, Inonie Esteria Tagalog, Maria Asim Capoquian at Gregorio Turla Capoquian. Bagama’t nakalaya na ang apat, lahat sila ay hindi hinainan ng mandamyento de aresto nang hulihin. Samantala, hindi dapat pagkaitan ng karapatang makapagpagamot at magkaroon ng abogado si Esponilla.

Marso 8. Dinakip at isinakay sa helikopter ng mga elemento ng 803rd Infantry Brigade at PNP-Catubig ang retiradong kadre ng rebolusyunaryong kilusan na si Edwin “Ka Veejo” Alcid, 74, at Antonio Ero, isang magsasaka, sa Barangay San Jose (Hebobollao), Catubig, Northern Samar. Sakitin at mayroon nang acute diabetes si Alcid. Ngunit ang pagtanggi ni Maj. Gen. Edgardo de Leon, kumander ng 8th Infantry Division, na hawak nila sina Alcid ay pagkait sa karapatan ni Alcid na makapagpagamot at pumili ng abugadong magtatanggol sa kanya. Iginigiit ng Partido na palayain ng AFP-PNP sina Alcid at Ero.

AFP-PNP, tagalabag ng IHL!
AFP-PNP, pagbayarin!

AFP-PNP, tunay na tagalabag ng IHL at batas ng digmaan