Pahayag

Aktibong depensa ng isang tim ng BHB-Western Samar, tagumpay! Tropa ng 8th ID, patay!

Lubos na nalamangan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command o BHB-AOC) ang mga pasistang tropa ng 8th Infantry Division sa kanilang aktibong pagtatanggol sa Sityo San Pedro, Barangay Poblacion 3, San Jose de Buan noong Setyembre 27 bandang alas-2 ng hapon.

Alertado na ang nasabing yunit na nasa isang mataas na tereyn nang maispatan ang kolum ng 8th ID na nagsasagawa ng operasyong kombat matapos palang manalasa ang bagyong Opong. Habang nakakubli, naunahan ng BHB na paputukan ang pasistang kaaway, na lalong napadausdos sa kanilang pusisyon. Naging paborable ito sa hukbong bayan para mapokusan ng putok ang mga pasistang tropa.

Hindi bababa sa isang sundalo ang napatay habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma. Bandang alas-5 ng hapon ay lumipad sa erya ang isang helikopter para iatras ang kaswalti ng 8th ID. Muling nagpalipad ng helikopter kinabukasan ang 8th ID bilang suporta sa kanilang nagulantang na mga tropa.

Lubos na ipinagdiriwang ng masang Samarnon ang tagumpay ng BHB-AOC. Ito ay pagbibigay-hustisya sa masa na patuloy na sinasalanta ng pasistang terorismo ng 8th ID sa Samar. Ang matagumpay na aktibong depensa ay lalong nagpapasubali sa pantasya ng rehimeng Marcos na wala nang grupong gerilya sa bansa. Patuloy na nakapagpaparami ang BHB, nakapagpapalawak at malalim na umuugat sa masang magsasaka upang patuloy silang mulatin, organisahin, at pakilusin para sa rebolusyon. Sa harap ng mga focused and sustained military operations (FSMO) ng 8th ID, mahusay na nakalalangoy at nakaaangkop ang BHB upang mapasuntok sa hangin ang pasistang kaaway at lalo pang makapagpalakas.

Ang magiting na pagpupunyagi ng Pulang hukbo ay nagpapasinungaling din sa mga deklaradong “cleared” na barangay ng 8th ID na binubuhusan ng milyun-milyong pondo ng Support to Barangay Development Program (SBDP) ng NTF-Elcac. Ipinagmayabang mang “malinis” na sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan, tuluy-tuloy pa rin ang FSMO sa mga bayan tulad ng San Jose de Buan, na pinawawalang-saysay lang din naman ng BHB. Samantala, hungkag, palamuti o ‘di tapos ang mga proyektong SBDP.

Tunay na ang mga FSMO at SBDP ay gatasan lang ng kurakot ng AFP at NTF-Elcac, sa parehong paraan na hinuhuthutan ng mga burukrata kapitalista ng rehimeng Marcos ang mga proyektong flood control. Nananatili pa rin sa kumunoy ng karalitaan ang mamamayan ng Sitio San Pedro sa kabila ng ₱2.5 milyon na pondo ng Barangay Poblacion 3 sa ilalim ng SBDP noong 2024.

Determinado ang masa at BHB sa Western Samar na harapin at patuloy na biguin ang pasistang terorismo ng estado, at isulong ang digmang bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Biguin ang pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos!

Aktibong depensa ng isang tim ng BHB-Western Samar, tagumpay! Tropa ng 8th ID, patay!