Bukas na liham Ang hindi pagpanig at ang pagiging patas ay magkaiba: isang bukas na liham para sa mga Bikolanong mamamahayag

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Huwag tayong magkakamali. Magkaiba ang hindi pagpanig at ang pagiging patas. Ang pagiging patas ay nagbibigay daan sa katotohanan at katarungan. Binibigyan nito ng pagkakataon yaong mga nasa laylayan ng lipunan. Binibigyan nito ng boses yaong mga pilit na pinatatahimik. Binibigyang-lakas nito ang publiko. Gaanuman kamakapangyarihan, ang patas ay magsasalita laban sa mali nang buong-diin at nang hindi natitinag. Anuman ang kapalit, iboboses ng patas ang katotohanan at hindi hahayaang makatakas sa pananagutan kahit ang pinakamalalakas na kalaban – kahit pa ang mismong gubyerno nito.

Ang hindi pagpanig, sa kabilang banda, ay hinahayaan yaong mga may kontrol sa kapangyarihan na makaligtas sa anumang pananagutan. Ang mga nyutral ay hindi bubuo ni magpapahayag ng kanyang upinyon kung ano ang mga tunay na usapin at ano ang dapat gawin kahit na tinutugaygayan na siya ng katotohanan sa mukha. Nagtatago ito sa kahungkagan ng balanse at ipinagsasawalambahala ang katotohanang sa lipunang ito, iilan lamang ang mayroong kalayaang magsalita habang ang karamihan ay pinatatahimik at pinagkakaitan ng kanilang karapatang magpahayag. Nagpopostura itong patas ngunit ang totoo, inuulit lamang nito ang sinasabi ng mga nasa kapangyarihan – tinutulungan silang lalo pang mapalalim ang kapit sa pwesto habang nagbubulag-bulagan sa mamamayang hindi maisapraktika ang kanilang mga karapatan.

Dapat itong maging malinaw: ang haliging prinsipyo ng pamamahayag ay ang pagiging patas, hindi kailanman ang kawalan ng panig.

Sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang panahon, laging natatagpuan ng mga mamamahayag ang kanilang sarili sa sangang daan. Ang manatiling walang tindig at ituring pa ring mamamahayag ay isang kathang alamat. Dalawa lamang ang pagpipilian: ang magsalita ka para sa walang boses o pabayaang mangibabaw ang kasinungalingan sa katotohanan at katarungan. Ang anumang bayang may wangis man lamang ng demokrasya ay lagi’t laging mayroong mga mamamahayag na magiting na nanindigan at lumaban para sa katotohanan – at sa gayon ay para sa kabutihan ng nakararami. Napakaraming halimbawang maaaring banggitin: ang 1972 Watergate Scandal ng administrasyong Nixon na isiniwalat ng mga kilalang Amerikanong mamamahayag, ang matapang na paglalantad ng Pilipinong pahayagang WE Forum sa mga pekeng medalya ni Marcos Sr. noong 1982 sa gitna ng batas militar at banta ng pagpapasara, ang programa sa armas nukleyar ng Israel na ibinulgar ng mga mamamahayag na Briton noong 1986, ang mga pahayag ni Edward Snowden hinggil sa mga kontrobersyal na pandaigdigang programang paniktik ng Five Eyes Intelligence Alliance na buong tapang na ilinathala ng mga kagawad ng midya noong 2013 at maraming iba pa.

Huwag tayong magpalinlang sa baluktot na paninira ng pasistang gubyernong ito sa inyong propesyon. Hindi kailanman naging isang krimen ang magsalita para sa kung ano ang wasto, ang magtaguyod sa interes ng mamamayan, ang hindi pananahimik habang yinuyurakan ang kapakanan ng nakararami kahit na katumbas ito ng pagtuligsa sa iyong sariling gubyerno. Ito mismo ang puso ng tunay na pamamahayag. Ang pagsisikap na mailahad ang katotohanan sinuman ang masagasaan. Kung sa hindi pagpanig ay maitutulak kayong ulitin na lamang ang nais ng gubyernong marinig ng publiko kahit na ito ay taliwas sa mga interes at kalayaan nila, kayo ay nagiging mga alingawngaw na lamang. Hindi mamamahayag. Kung hindi ninyo gagamitin ang pagkakataong mayroon upang magsiyasat, magpalalim, magsulat at maglathala ng mga kwento at sentimyento ng mamamayan sa baba kayo ay nagiging mga mikropono lamang na binayaran upang magbasa ng propaganda ng gubyerno.

Kailangan ng bayang ito na maging totoo kayo sa inyong propesyon. Kinakailangan ng sambayanang isabuhay ninyo ang pamamahayag ng buong katapatan at katapangan. Oo, ang pagpili sa panig ng masa, sa katotohanan at katarungan ay malimit na mahirap. Yaong mga nasa kapangyarihan ay lagi’t laging nanaising baluktutin ang katotohanan at lokohin ang publiko ng kanilang mga pekeng pangako at hungkag na salita. Hindi sila mangingiming gumamit ng karahasan. Tulad ng napatunayan na natin sa mga nagdaang karanasan, buhay ng mga kapwa ninyo alagad ng midya ang naging kapalit ng paninindigan. Ngunit ito ang pinakaubod ng pamamahayag. Ito ay isang bokasyon para sa matatapang at mapapangahas. Para sa mga nangangarap ng isang tunay na makatarungang lipunan. Para sa mga nagpapahalaga at nagmamahal sa bansa at kapwa mamamayan.

Huwag matakot na manindigan at magsalita. Kayo ang mga tagapag-ingat ng katotohanan. Kayo ang tagapagtanggol ng demokrasya. Piliing gawin ang tama at huwag kailanman magpakasapat sa kawalan ng panig. Ang taong walang bagay na handang ipaglaban hanggang kamatayan ay namumuhay nang walang dahilan upang mabuhay.

Ang hindi pagpanig at ang pagiging patas ay magkaiba: isang bukas na liham para sa mga Bikolanong mamamahayag