Pahayag

Tampok na artikulo sa Ikaapat na Internasyunal na Kumperensyang Teoretikal hinggil sa Kumprador at Burukrata Kapitalismo sa mga Neokolonya Ang kumprador at burukratang kapitalismo at ang krisis ng paghaharing neokolonyal

Download: PDF

Mainit na rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng kalahok sa Ikaapat na Internasyunal na Kumperensyang Teoretikal hinggil sa Kumprador at Burukratang Kapitalismo sa mga Neokolonya na inorganisa kapwa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Communist Party Marxist Kenya (CPMK). Ipinapaabot namin ang rebolusyonaryong pagsaludo NDFP at sa CPMK sa inisyatiba na organisahin ang mahalagang kumperensyang ito. Talagang makabuluhan na ang kumperensyang ito ay inilulunsad dito sa Nairobi, Kenya— isang bansa na ang kasaysayan ay nagtataglay ng mga sugat at paglaban ng mga henerasyon laban sa kolonyal at neokolonyal na pandarambong. Isang bayan kung saan ang masa ng mga manggagawa, magsasaka at kabataan ay patuloy na naglulunsad ng pakikibaka para sa tunay na pambansang kasarinlan at panlipunang paglaya.

Sa pamamagitan ng kumperensyang ito, umaasa kaming ibahagi ang aming pagsusuri sa burukrata kapitalismo at kumprador kapitalismo sa Pilipinas, inaaral ang mga pinagmulan at operasyon nito, at paano nito inaapi ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Kasabay nito, umaasa kaming makibahagi sa perspektiba ng iba pang kalahok at matuto mula sa kanilang mga karanasan at estratehiya ng paglaban.

Kasaysayan ng burukrata kapitalismo at ng malaking burgesya kumprador sa Pilipinas

Ang Pilipinas ay isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ang kundisyong ito ang iniresulta ng isang istorikal na proseso ng kolonyal na pananakop, imperyalistang dominasyon, at kolaborasyon ng lokal na naghaharing-uri.

Nagsimula ang kolonyal na paghahari ng Espanya noong ika-16 siglo at tumagal ng tatlong siglo. Sa simula, marahas nitong sinupil ang mga praktika ng komunal na pag-aari sa lupa at pinalitan ang mga ito ng isang sistema ng monopolyo sa lupa na nagkonsentra ng malalawak na tipak ng kalupaan sa kamay ng Kaharian ng Espanya, mga relihiyosong orden, at mga lokal na kolonyal na elite (mga taong may mataas na katayuan sa lipunan—_nagsalin_). Ang sistemang enkomyenda [2] at kalaunan ang sistemang asyenda [3] ang kumamkan sa lupain ng lokal na mamamayan at ipinailalim sila sa pagbabayad ng upa, pwersahang paggawa (polo y servicio), at tributo.

Umiral ang mga pyudal na relasyong ito kahit pa nagsimula nang magprodyus ang kolonya para sa pandaigdigang kapitalistang pamilihan sa ika-19 na siglo. Lumaki ang eksport ng asukal, abaka, tabako at iba pang produktong agrikultural.

Bandang dulo ng ika-19 siglo, ang mga aspirasyon sa pambansang kalayaan para wakasan ang mga abusong pyudal at kolonyal ang nagtulak sa mamamayang Pilipino na magkaisa. Binigyang-inspirasyon ng burges demoratikong mga simulain ng rebolusyong French, isang pambansang anti-kolonyal at antipyudal na armadong rebolusyon ang sumiklab noong 1896, na nagbuklod sa mga lokal na burgesya, sa petiburgesya, sa bagong-sibol na uring manggagawa at masang magsasaka sa komun na aspirasyon para sa pampulitika at pang-ekonomyang kalayaan.

Ang tagumpay ng lumang-tipong burges-demokratikong rebolusyon, ang Rebolusyong Pilipino ng 1896, ay inagaw sa mamamayang Pilipino nang “bilhin” ng US ang Pilipinas mula sa Espanya noong 1898 at naglunsad ng isang gerang agresyon at pananakop sa pagsapit ng ika-20 siglo. Sa pagpapataw ng kolonyal na paghahari, pinanatili ng imperyalistang US ang lumang pyudal na kaayusan at inihulma ito para sa sariling mga imperyalistang interes. Pinag-ugat nito ang malapyudalismo— kung saan nagsanib ang dayuhang monopolyo kapitalismo at katutubong pyudalismo na nagreresulta sa pagguho at pagkalusaw ng isang natural na ekonomyang nakasasapat-sa-sarili na pabor sa isang ekonomyang kalakal, na nagsisilbi sa mga imperyalistang interes. Nakinabang ang US mula sa kolonyal na kalakalan at pamumuhunan kung saan ito humuthot ng milyun-milyong dolyar ng ginto, pulang mahogany, asukal, kasuotan at iba pang produktong bahagyang naproseso o semi-processed .

Umusbong ang burgesya kumprador mula sa elite na mga pamilya ng panginoong maylupa na naging mga ahente ng dayuhang kapital, nagsisilbi bilang mga tagapamagitan sa kalakalan, pinansya at negosyong komersyal. Pinanatili ng imperyalistang US ang monopolyo sa lupa ng malalaking panginoong maylupa habang tinitiyak na ang ekonomya ay nagsilbi sa mga pangangailangang pang-ekonomya at estatehiko ng US. Isinailalim nito ang ekonomya ng Pilipinas sa impluwensya ng kapital ng US.

Itinaguyod ng US ang tinatawag na “Pilipinisasyon”ng kolonyal na burukrasya para gawing kasangkapan ang lokal na mga naghahari at sanayin silang mangasiwa sa gubyernong kolonyal. Itinatag nito ang Philippine Assembly noong 1907 para magpaunlad at magsanay ng isang buong saray ng lokal na mga naghahari na makapangangasiwa sa neokolonyal na estado sa ngalan nito. Sa layuning ito, nagpadala ang US ng higit isanlibong mga guro para magtatag ng isang sistema ng publikong edukasyon para itaguyod ang paggamit ng English at “mga kaugaliang Amerikano” para magpaunlad ng isang lokal na naghaharing tapat sa US. Sinimulan din nito ang sistemang pensyonado noong 1903 para magbigay ng pondo para sa mga Pilipino na makapag-aral sa US, itinayo ang Philippine Military Academy noong 1905 para magsanay ng mga upisyal ng Philippine Constabulary (kalaunan ng Armed Forces of the Philippines), at itinatag ang University of the Philippines noong 1908 para magbigay ng pagsasanay sa iba’t ibang larangan kabilang ang batas, pampublikong pangangasiwa, medisina, inhinyeriya, sining at panitikan, at syensya.

Ibinigay nito ang “kasarinlan” sa Pilipinas noong 1946 at tiniyak na ang mga sinanay-ng-US na mga lider sa pulitika, ekonomya at militar ang magpapatakbo sa burukrasya bilang isang papet na republika alinsunod sa mga interes ng naghaharing mayayamang pangkat na nakatali sa dayuhang kapital. Limang kasunduang militar [4] ang ipinataw kasunod ng kasarinlan kabilang ang pagpapanatili ng malalaking base militar ng US, habang ipinataw ang mga tagibang na kasunduang pang-ekonomya para panatilihin ang mga patakaran sa kalakalan at pamumuhunan na pabor sa mga kumpanyang Amerikano, na sumasagka sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Nagpataw ang US ang mga patakaran sa malayang kalakalan at iba pang tagibang na kasunduan sa pamumuhunan at kalakalan, na nagtitiyak sa pagsandig ng Pilipinas sa pamilihang US para sa mga eksport sa agrikultura nito at pagsalig sa mga import ng US para sa mga produktong pang-industriya at manupaktura. Ang di-pantay na palitang ito ang pumigil at nagpahina pagpapaunlad sa lokal na kaunlarang pang-industriya at nagpanatili sa istruktura ng pyudal na pag-aari sa lupa sa kaayunan.

Ang pangkasaysayang prosesong ito mula sa pagtatatag ng mga relasyong pyudal ng mga mananakop na Espanyol at ang pagpapakubabaw ng kapitalistang mga istruktura sa ilalim ng imperyalistang paghahari ng US ang lumikha sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang uring panginoong maylupa ay pinanatili para magsilbing base para sa kolonyal na kalakalan, kasabay ng pagsibol ng burgesyang kumprador para magsilbing mga ahente o tagapamagitan ng dayuhang monopolyo kapital. Walang interes ang mga kumprador na ito sa pagtatayo ng pambansang mga industriya dahil lumalahok lamang sila sa pakyawan at tinging pagbebenta ng dayuhang mga produkto, sa pag-eeksport ng hilaw o semiprocessed na mga materyales, tumutubo mula sa di-pantay na kalakalan at ekonomyang hindi malaya, at nagsisilbi bilang lokal na mga tagapangasiwa ng mga subsidyaryo (sangay ng isang kumpanya—_nagsalin_) ng dayuhang monopolyo kapitalista na lumalahok sa muling pag-eeksport ng mga kalakal na inasembol mula sa mga inimport na kasangkapan.

Burukratang kapitalismo at ang krisis ng neokolonyal na estado

Sa pagsusuma sa proseso ng transisyon ng Pilipinas bilang tuwirang kolonya tungong neokolonya, sinulat ni Ka Joma (tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng PKP na si Jose Maria Sison): “Sa pagpapalaki ng imperyalismong US sa mga interes nito na ikinapinsala ng malawak na masa ng mamamayan, naging burukratang kapitalista ang mga kolonyal na burukrata. Kapitalista sila dahil ang buong gobyerno ay ginagawa nilang isang malaking pribadong empresa na pinagkukunan ng limpak-limpak na pribadong ganansya. … Pinagsisilbihan nila ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa na panloob na batayang materyal nila. Gayunman, naiiba sa dalawang mapagsamantalang uring ito ang mga burukratang kapitalista sa pagpupundar at pagpapalago ng yaman sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihang pampulitika.” [5]

Nagtayo ng papet o neokolonyal na estado ang imperyalistang US sa Pilipinas para magtatag ng makauring paghahari ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa na nagsisilbi sa imperyalismo. Ang makauring paghahari ng mga lokal na nagsasamantalang uring ito ang direktang ekspresyon ng imperyalistang dominasyon sa bayan. Ang mga uring ito ay walang pagsasarili o pambansang katangian, at nagsisilbi lamang na buntot ng imperyalismong US.

Kahanay ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa, ang imperyalismong US ay nagpaunlad ng isang saray ng mga burukratang kapitalista. Sa karanasan ng Pilipinas, ang mga burukratang kapitalista ay hindi umusbong nang buo bilang isang bagong uri, na hindi hihigit sa pagiging mga ekstensyon o pampulitikang ahente lamang ng uring panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador. Pinangangasiwaan nila ang papet na estado, nagpapatupad ng batas, nagbubuo ng mga programa at patakaran, na nagpoprotekta at nagpapahintulot sa malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa na magkonsolida at ibayong mag-akumula ng kapital at kayamanan.

Sa pangkalahatan, umusbong ang mga burukratang kapitalista mula sa iba’t ibang suson ng lipunan: mga tradisyunal na pamilyang panginoong maylupa, komersyal na kumprador, mga upisyal militar, at maging sa ilang grupo ng petiburgesya na umakyat sa kapangyarihan sa pamamagitan ng eleksyon o paghirang. Kahit sa mga “pinaka-demokratikong” republika na nangangalandakan ng regular na eleksyon at asembleyang representatibo, ang mga pangunahing pampulitikang partido na nangingibabaw sa mga “demokratikong” prosesong ito at pumupuno sa mga pusisyon sa kanilang mga gubyerno ay kontrolado ng lokal na naghaharing uri at kanilang mga imperyalistang amo.

Sa Pilipinas, pinanatili ng mga burukrata kapitalista ang mga sarili sa kapangyarihan sa anyo ng mga dinastiya, kung saan maraming myembro ng pamilya at malalapit na kaibigan ang kumukopo sa mga pusisyon sa kapangyarihan. Hinahati ng nagriribalang dinastiya ang kapangyarihang pampulitika at pribilehiyo ng estado sa pamamagitan ng eleksyon, na madalas humahantong sa karahasan, laluna kapag ang mga dinastiyang ito ay mga lokal na warlord na may pribadong hukbo at kontrol sa lokal na mga yunit ng militar at pulis. May bentahe ang mga naghaharing dinastiya sa paggamit ng rekursong estado para itaguyod ang pulitika ng padrino, batay sa pyudal na kultura para iparamdam sa masa na may utang na loob sila sa pagtanggap ng mga subsidyo ng gubyerno o iba pang anyo ng ayuda ng estado, na ipinakete at ipinamahagi na may pangalan ng mga pulitikong tumatakbo sa pusisyon. Ginagamit din nila ang kapangyarihan ng estado para manipulahin ang resulta ng eleksyon sa iba’t ibang paraan. Sa nagdaang 15 taon, ang automated na sistema ng pagbibilang ng boto ay nagpahintulot sa sistematiko at malawakang manipulasyon ng resulta ng eleksyon.

Ang relasyon ng mga burukratang kapitalista sa imperyalistang US ay yaong sa pagitan ng mga ahente at kliyente. Kapalit ng katapatan sa imperyalistang interes ng US — pulitiko-militar na kontrol, imperyalistang kalakalan at pamumuhunan tulad ng liberalisasyon ng pamilihan at akses sa likas na yaman— binibigyan sila ng akses sa kayamanan, kapangyarihan at pampulitikang proteksyon bilang tugon.

Sa paglipas ng panahon, sinamantala ng mga upisyal ng neokolonyal na estado sa Pilipinas ang pribilehiyo at kontrol sa mga rekurso ng estado na kaakibat ng kanilang mataas na pampublikong pusisyon para kumamkam ng kapital at kayamanan. Sa pagtutuloy, isinanib ng mga burukratang kapitalista ang kanilang operasyon sa malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Sa mga salita ni Ka Joma, umunlad ito bilang “isang anyo ng kapitalismo kung saan ginagamit ng pinakamatataas na pampublikong upisyal ang kanilang kapangyarihan sa gubyerno at kontrol sa mga ahensya at empresa ng gubyerno, pampublikong pondo at likas na yaman sa larangang pampubliko para magsilbi sa kanilang kapitalistang akumulasyon sa pakikipagsabwatan sa kanilang mga pamilya at kroni sa pribadong sektor bilang mga matatagumpay na malalaking kumprador o mga gustong maging malalaking kumprador.” [6]

Malaking aspeto ng burukratang kapitalismo ang katiwalian at pandarambong, pero hindi ang kabuuan nito. Higit sa katiwalian at korapsyon, ang burukratang kapitalismo ay isang sistemikong paraan ng akumulasyon para sa isang buong uri ng naghaharing mga papet na kung saan ang kapangyarihan ay pinananatili sa pamamagitan ng kanilang alyansa at pagsalalay sa imperyalismo. Ginagamit nila ang kapangyarihan ng estado hindi para magpaunlad ng mga pambansang industriya o paunlarin ang kalagayan ng masa, kundi dambunging ang kayamang pampublikong, payamanin ang kanilang sariling uri, at ipatupad ang mga patakarang pang-ekonomyang na dikta ng US.

Ang krisis ng neokolonyal na estado ang lumikha ng mga kundisyong pabor sa mabilis na pag-unlad ng saray ng burukratang kapitalista bilang isang namumukod na uri. Noong dekada 1970, ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang nagpalala sa pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Bunga nito, lumiit ang rekursong pang-ekonomya na nakalaan para sa distribusyon at bahaginan sa hanay ng mga naghaharing uri, na humantong sa pagtindi ng kumpetisyon at mga tunggalian ng iba’t ibang paksyon.

Itinulak si Marcos ng krisis na imonopolyo ang kapangyarihang pampulitika noong 1972 sa pagpapataw ng batas militar at paggamit ng absolutong kapangyarihan para agawin ang mga negosyo at operasyon sa kalakalan ng karibal na mga paksyon, para paburan ang sarili at mga kapitalistang kroni. Binili niya ang katapatan ng pinakamatataas na mga upisyal militar at pulis at hinayaan silang magkamal ng kayamanan sa paghuthot at pakikipagsabwatan sa mga kriminal na sindikato. Hinawan ng 14 na taon ng batas militar ang daan para sa tiyak na mga operasyong burukratang kapitalista at ang transpormasyon ng burukratang kapitalista tungong isang namumukod na uri bilang bahagi ng nanghaharing uri [7]- malaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa sa Pilipinas. Ang pinakamatagumpay at makapangyarihan sa kanila ay mga burukratang kapitalista at kumprador-panginoong maylupa rin.

Burukratang kapitalismo ang batayan kung saan lumalago ang pasismo. Ginagamit nila ang mga armadong pwersa ng estado at iba pang mapamwersang instrumento para maghasik ng tahasang karahasan at lagim para panatilihin ang imperyalistang dominasyon at ang makauring reaksyunaryong paghahari, sa pamamagitan ng pagsupil sa lahat ng anyo ng rebolusyonaryong paglaban. Nasaksihan sa ilalim ng diktadurang Marcos ang pinatinding pasismo sa ilang ulit na pagpapalaki ng estado sa kanyang armadong pwersa para ipailalim ang bansa sa paghaharing militar. Pinanatili ng mga pseudo-demokratikong gubyerno mula 1986 ang mga demokratikong ganyak (eleksyon, korte at iba pa) patuloy nilang inilulunsad ang pinatinding mararahas na gera ng panunupil laban sa mamamayan, alinsunod sa kontra-insurhensyang doktrina ng US.

Sa isang panayam noong 2020, sinabi ni Ka Joma na habang ang mga burukratang kapitalista sa Pilipinas ay unang umusbong bilang mga pampulitikang ahente lamang ng malalaking kumprador at malalaking panginoong maylupa, “sila ay naging isang namumukod na uri sa pagkamkam ng kapangyarihan at kayamanan sa paggamit ng kanilang awtoridad sa gubyerno. Nakilala sila bilang mga dinastiya sa pulitika na nais patagalin ang kanilang sarili sa kapangyarihan para ibayong magkamal ng pribadong kapital at lupa.”

Mga mekanismo at operasyon ng burukratang kapitalismo

Ang burukratang kapitalismo sa mga malakolonya ay isang parasitikong sistema ng makauring paghahari na gumagamit ng kapangyarihan ng estado para magkamal ng kapital sa pamamagitan ng pangangayupapa sa imperyalismo, pampulitikang pribilehiyo at tahasang pagnanakaw. Sa mga lipunang malakolonyal at malapyudal tulad ng Pilipinas, isa ito sa mga susing kasangkapan kung saan ang dayuhang monopolyong kapital at lokal na naghaharing uri ang nagsasamantala sa paggawa at rekurso ng bansa. Ipinaiilalim nito ang malawak na masa sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng pang-aapi. Tulad ng paliwanag ni Ka Joma, burukratang kapitalismo ang paggamit sa kapangyarihang pampulitika para sa ganansya sa ekonomya ng isang saray ng naghaharing uri na nakapaloob sa aparato/makinarya ng estado.

Talakayin natin ang ilan sa mga natatanging mekanismo at operasyon para sa akumulasyon o pagkakamal ng kapital ng mga burukratang kapitalista:

#Mga kikbak at paglilipat ng pondo ng bayan para sa imprastruktura at proyektong pangkaunlaran tungong pribadong mga akawnt o mga pekeng kumpanya

Ang mga kontrata ng gubyerno ay iginagawad sa mga kroni o mga empresang pinatatakbo ng pamilya, habang karaniwang minamanipula ang proseso ng pagbili, bidding at mga regulasyon para sa tubo. Isang signipikanteng daluyan para sa korapsyong ito ang Official Development Assistance (ODA), na, habang pinalalabas na “ayuda”, kadalasa’y pinagmumulan ng malakihang kikbak para sa mga burukratang kapitalista. Ang mga proyektong imprastruktura ay sobrang pinopondohan o ipinatutupad na mas mababang sa ispesipikasyon.

Sa panahon ng paghaharing militar ni Marcos, apat na ulit na lumaki ang pautang ng mga imperyalistang institusyon sa pinansya sa Pilipinas sa pagitan ng 1972 at 1980, ang kasagsagan ng paghaharing militar ni Marcos. Inembudo ng rehimen ang malalaking halaga ng mga utang na ito tungo sa mga proyektong malaki ang gastos pero walang pakinabang, sadyang pinalaking gastos na konstruksyon para sa enerhiya at dam, at grandyosong mga proyektong konstruksyon sa Metro Manila para pagandahin ang imahe ng pasistang diktadura. Marami sa mga ito ang iginawad sa mga kroni, mga pekeng korporasyon at mga kumpanyang kontrolado ng pamilyang Marcos mismo. Tinataya ng IMF at iba pang ahensya na aabot sa 13-15 bilyong dolyar ang nilustay ng mga Marcos sa panahon ng pasistang diktadura, gamit ang isang network ng 170 korporasyong dummy at mga akawnt sa mga dayuhang bangko.

Ang mga sumunod na rehimen ay palaging nasasangkot sa parehong mga operasyon ng pagkulekta ng mga kikbak at paglustay ng pampublikong pondo, laluna sa pamamagitan ng mga proyektong imprastruktura kabilang ang mga kalsada, tulay, riles, telekomunikasyon at iba pa. Nagmamadali ang bawat bagong upong rehimen na makipagnegosasyon ng bagong mga kontrata o muling isailalim sa negosasyon ang mga lumang kontrata para tiyakin na ang bagong naghaharing paksyon ang makabubulsa sa mga kikbak. Sa ilalim ng rehimeng Duterte (2016-2022), ang mga burukrata kapitalista ay nag-akumula ng malalaking halaga ng kapital mula sa mga kontrata ng gubyerno para sa dam, tulay at iba pang mayor na proyektong imprastruktura na pinopondohan ng mga bangko at korporasyon ng estado ng Tsina. Sa pag-angat sa kapangyarihan ng papet ng US na Marcos, ilan sa mga kontratang ito ang muling isinailalaim sa negosasyon at iginawad sa mga bangko ng US at Japan.

#Liberalisasyon ng likas na yaman, lupa, yutiliti at susing mga industriya at g pagbebenta ng mga pampublikong ari-arian.

Isa pang susing mekanismo ng operasyong burukratang kapitalista ay ang liberalisasyon ng likas na yaman, lupa, yutiliti at mga susing industriya. Gumagampan ang mga burukratang kapitalista na mga tagapamagitan at protektor ng dayuhang kapital, tinitiyak ang mga konsesyon sa mina, karapatan sa pagtotroso, at export zones sa agrikultura sa kapinsalaan ng pambansang patrimonya at karapatan ng mamamayan. Nagkakamal sila ng kayamanan sa pagtanggap ng mga komisyon, sapi, at suhol kapalit ng pagpapahintulot sa imperyalistang pandarambong sa yaman ng bansa.

Halimbawa, agresibong isinulong ng dating presidente na si Noynoy Aquino III ang mga Public-Private Partnership (PPP) na nagbukas sa mga pampublikong imprastruktura at yutiliti sa mga korporasyong transnasyunal. Ang mga PPP na ito, na ipinakete bilang mga reporma, ay nagpahintulot sa mga dayuhang kumpanya na pumasok sa mga joint venture o sosyohan sa transportasyon, serbisyong tubig, enerhiya, at telekomunikasyon—mga sektor na kritikal sa pambansang soberanya. Itinaguyod ni Aquino ang mga hakbanging neoliberal tulad ng ibayong deregulasyon sa pagmimina at dayuhang pamumuhunan, paglalabas ng Executive Order 79 na sumagka sa lokal na paglaban sa mapaminsalang mga operasyong mina at nagsilbing senyales para sa mga imperyalistang kumpanya na ang Pilipinas ay “bukas para sa negosyo”. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga dayuhan at lokal na conglomerate (malaking korporasyon, na binubuo ng mga kumpanya ng iba’t ibang negosyo—_nagsalin_) ay ginawaran ng pinalawak na mga pribilehiyo, habang pinahihirapan ang mamamayang Pilipino sa pagtaas sa singil, pagkawasak ng kalikasan, at pagpapalayas.

Sa mga tungkuling ito, hindi pasibong pinahihintulutan ng mga burukratang kapitalista ang pagsasamantala—aktibo nila itong pinaplano, itinataguyod at nililikha—pag-amyenda sa mga batas, pagbaklas sa mga regulasyon, pakikipagnegosasyon mga kontrata at pagsupil sa pagtutol para pangalagaan ang mga imperyalistang interes. Ang kanilang akumulasyon kung gayon ay hindi nakabatay sa produksyon, kundi sa kanilang kakayahan na magsilbi bilang maaasahang tagapamagitan para sa dayuhang monopolyong kapital. Sa pagtataksil sa pambansang interes at pakikipagtulungan sa mga kumpanyang imperyalista, ang mga burukratang kapitalista ay naging mga lokal na ahente ng dayuhang pandarambong. Mas yumayaman sila habang lalong naghihirap ang bayan.

#Pangangamkam ng lupa sa tabing ng mga proyektong “pangkaunlaran”

Ang pangangamkam ng lupa ay isa pang mahalagang bahagi ng mga operasyong burukratang kapitalista. Ginagamit nila ang awtoridad ng estado para bawiin o baguhin ang klasipikasyon ng lupa para sa mga proyektong “pangkaunlaran” na nagsisilbi sa mga interes ng imperyalista o kumprador. Ginagamit ng mga burukratang kapitalista ang kanilang kontrol sa lehislasyon, pagsosona at pampublikong konstruksyon para artipisyal na itaas ang halaga ng lupa, agawin ang mga lupaing pribado at pag-aari ng gubyerno at palayasin ang mga komunidad, kadalasan sa direktang pakikipagsabwatan sa mga oligarko sa real estate, mga empresang kumprador, at dayuhang kapital.

Isang malinaw na halimbawa ang dinastiyang pampulitika na mga Villar sa Pilipinas. Ang pamilyang Villar, isa sa pinakamayayaman sa bayan na nagmula sa uring panginoong maylupa, ay nakapagkamal ng napakalaking kayamanan sa pamamagitan ng estratehikong pagbili ng mga lupain (land banking) at pagtatayo ng real estate. Pinasok ni Manny Villar ang pulitika noong 1992, at mula noon, mahusay na ikinumbina ang kanyang karera sa pulitika sa pagpapalawak ng kanyang kayamanan. Higit pang lumawak ang kanilang imperyo nang itinalaga ang kanyang anak, si Mark Villar, bilang Kalihim ng Public Works and Highways sa ilalim ng rehimeng Duterte, panahon na dumoble ang kayamanan ng pamilya, at taun-taong nangunguna sa listahan ng Forbes ng pinakamayayamang Pilipino.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan, ibinuhos ang bilyun-bilyong piso sa mga proyektong imprastruktura sa mga susing lugar—marami sa mga ito ay malapit o dumadaan sa mga lupang pag-aari ng mga empresang real estate ng mga Villar tulad ng Vista Land at Golden Bria. Sa pagpapagawa ng estado ng mga kalsadang ito, labis na tumaas ang halaga ng lupa sa mga rehiyong iyon, na nagdala ng biglaang malaking tubo sa pamilya. Isa itong karaniwang halimbawa kung paano sinasamantala ng mga burukratang kapitalista ang kanilang pusisyon para konsolidahin ang makauring mga interes—sa paggamit sa estado para magpayaman, pakinabangan ang dayuhang pamumuhunan, manipulahin ang mga patakaran, at patatagin ang pangingibabaw ng iilan sa lupain at mga rekurso.

Ipinakikita ng kaso ng mga Villar kung paano natransporma ang mga burukratang kapitalista tungong makapangyarihang burgesyang kumprador, na nagsisilbing mga lokal na ahente ng imperyalistang kapital. Sa pagsasanib ng akses sa estado sa akumulasyon ng kapital, umunlad sila mula sa pagiging lokal na panginoong maylupa tungong mga burukratang kapitalista, at kalaunan bilang bahagi ng pinakamalaking burgesyang kumprador sa Pilipinas, habang pinananatili ang kanilang kapit sa mga pusisyon sa pulitika sa pambansa at lokal na mga antas.

#Kontrol sa mga empresang pag-aari ng estado, mga pondo sa pribadong pensyon at seguro na kontrolado ng gubyerno, at mga ahensyang panregulasyon.

Nakapagkakamal rin ng kapital ang mga burukratang kapitalista sa Pilipinas sa pagkontrol sa mga pondo sa pensyon, tulad ng mga pondo ng Government Service Insurance System (GSIS), ng Social Security System (SSS), ng Pag-IBIG at ng PhilHealth. Ang mga pondong ito ng pensyon ay nakadisenyo na magbigay ng mga benepisyo sa pagreretiro, mababang interes na pautang para sa pabahay at segurong medikal para sa mga kawani ng gubyerno at mga manggagawa sa pribadong sektor.

Itinatalaga ng mga burukratang kapitalista ang kanilang mga ahente bilang pinuno at pinatatakbo ang mga ito bilang mga pribadong korporasyon, tumatanggap ng malalaking sweldo, mga pakinabang at kontrol sa malalaking halaga ng pera. Sistematikong ginagamit ng mga burukratang kapitalista ang kanilang impluwensya para kontrolin ang mga desisyon sa pamumuhunan sa mga pondong ito, pinadaadaloy ang mga ito sa mga proyekto at negosyong magsisilbi sa kanila at kanilang mga alyado, ninanakaw ang pera mula sa mga pensyonado. Bilyun-bilyong piso ang nawala dahil sa mga bigong pamumuhunan, na sinisikap bawiin ng mga korporasyong ito sa pensyon sa pagdaragdag ng pasanin sa mga dapat na nakatatanggap nito.

Nakapag-iipon rin ng kapital ang mga burukratang kapitalista sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga empresang pag-aari ng estado kabilang ang Philippine Economic Zone Authority, Philippine National Oil Company, National Power Corporation, Philippine Ports Authority, Light Rail Transit Authority at iba pa. Sa pagkontrol sa mga empresang ito ng estado, nakapagbubulsa ng mga burukratang kapitalista ang malalaking halaga ng pera sa paggagawad ng mga kontrata sa pinapaborang mga kumpanya, pagkakaloob ng mga insentibo sa pinapaborang mga kumpanya, korapsyon sa paglalabas ng mga permit, pagbebenta ng lupa at iba pang pampublikong rekurso, o paggamit ng mga rekurso ng kumpanya para sa peronal na ganansya.

Muling binuhay kamakailan ng rehimeng Marcos Jr. ang Maharlika Fund, isang sovereign wealth fund na may tinatayang kapital na P550 bilyon, na kukulektahin mula sa iba’t ibang pampublikong pondo at bangko ng estado. Tiyak na magkakamal at makapagpapayaman sina Marcos at mga ahenteng burukratang kapitalista nito sa pamamagitan ng mga kikbak at iba pang anyo ng korapsyon, partikular mula sa mga kumpanyang tumatanggap ng paborableng mga pamumuhunan, kabilang ang mga kumpanya ng mina na ginawaran ng kapaki-pakinabang na mga kontrata at konsesyon.

#Pagsasanib ng burukratang kapitalismo at mga operasyong kriminal

Sa Pilipinas, ang mga burukratang kapitalistang mekanismo ay sumanib sa kriminal na mga operasyon na nagbibigay ng mas malalaking oportunidad para sa akumulasyon ng kapital. Kabilang ang operasyong ismagling sa pinakamalalaking pinagmumulan ng burukratikong kapital kung saan ang Bureau of Customs ay kontrolado ng mga retirado at aktibong upisyal militar at pulis. Hinahawakan ng bawat bagong rehimen ang mga operasyong ismagling ng bigas, asukal, petrolyo, sigarilyo, at iba’t ibang tipo ng kalakal. Naging mas laganap pa ito sa todo-largang liberalisasyon ng importasyon. Nakikipagsabwatan sila o nagbibigay proteksyon sa mga lokal na kartel na kumokontrol sa importasyon at lokal na mga suplay, na lalong nagpapalaki sa kanilang kita sa pamamagitan ng manipulasyon ng lokal na presyo.

Malalaking halaga ng kapital din ang nakakamal sa pamamagitan ng proteksyon sa mga iligal na aktibidad, tulad ng pagpupuslit ng drug at iligal na sugal. Sa pagbabanta gamit ang mga crackdown ng pulis, nakokontrol ng mga burukratang kapitalista ang mga sindikatong ito, pinipwersa ang mga itong pumailalim sa kanilang otoridad at magbayad ng lagay. Pinahihintulutan ng sistemang ito ng pangingikil ang mga burukratang kapitalistang makapag-akumula ng maraming kayamanan, na pagkatapos ay ipinupuhunan nila sa iba’t ibang negosyo, pagtatayo ng real estate, at iba pang mga empresang kumikita.

#Mga kontrata sa “kontra-insurhensya” at depensa

Ang burukratang kapitalistang panghuhuthot ay hindi lamang sa mga sibilyang burukrata. Isang mahalaga at estratehikong pangkat ng uring burukratang kapitalista ay binubuo ng mga upisyal militar at pulis. Sila ang mga heneral at upisyal na nakapagpayaman sa pamamagitan ng mga kontrata sa depensa, kontrol sa mga pondo sa panloob na seguridad, at dayuhang ayudang militar. Ang pinalobong pondo para sa “kontra-insurhensya”, kung saan malaking bahagi ay hindi tinutuos sa tabing ng “taktikal na impormasyon,” ay ibinubulsa ng mga heneral ng militar at mga upisyal sa larangan. Lumawak ang korapsyon sa militar at pulis sa ilalim ng kontra-insurhensyang doktrina ng US na “whole-of-nation approach” kung saan lahat ng ahensya ng gubyerno ay ipinailalim sa saklaw ng militar at pulis, na ibayong nagkokonsolida sa interes sa kapangyarihan at pinansyal ng mga pinunong militar.

Sa panahong magretiro o maitalaga, kumukuha sila ng sibilyang pusisyon sa mga mahahalagang ahensya—transportasyon, enerhiya, negosasyong pangkapayapaan, repormang agraryo—sa gayon pinatatatag ang pusisyon ng militar at pulis sa administrasyon ng estado sa ekonomya at pulitika.

Ilan lamang ang mga ito sa mga pinakakaraniwang mekanismo kung saan nagkakamal ng kapital ang mga burukrata kapitalista sa Pilipinas. Sa pinakakonsentrado nitong anyo, ang burukratang kapitalismo ay nagiging kapitalismo ng estado na kumokontrol sa likas na yaman ng neokolonya, pampublikong yutiliti, mahahalagang industriya, sovereign fund at iba pang susing pasilidad sa ekonomya—sa pakikipagtulungan at paglilingkod sa imperyalismo.

Sa mga bayang nakakulong sa sistemang neokolonyal tulad ng Pilipinas, ang pinakamakapangyarihang bloke ng burukratang kapitalista ay yaong nabibilang sa naghaharing pangkatin. Ginagamit nila ang kanilang pusisyon para palawakin at palalimin ang kanilang mga interes bilang malaking kumprador-panginoong maylupa. Hindi sila nagpapaunlad ng pambansang kapitalismo at buu-buong nakasandig sa dayuhang monopolyong kapital, at bahagi ng pandaigdigang sistemang kapitalistang dinodominahan ng United States. Pinipigilan sila ng malapyudal na sistemang dinodominahan-ng-imperyalismo sa malayang pagpapaunlad ng pambansang kapitalismo sa pamamagitan ng nagsasariling industriyalisasyo ng bayan.

Sa kabuuan, ang burukratang kapitalismo ay umiiral sa pamamagitan ng pandarambong ng estado, pakikipagsabwatan sa dayuhan, pangangamkam ng lupa, pagsalig sa utang, at militarisadong kontrol, lahat sa benepisyo ng imperyalismo at ng mga lokal na naghaharing uri. Isa itong parasitiko at reaksyunaryong moda ng akumulasyon ng kapital na nagkokonsentra ng kayamanan sa kamay ng iilang tao, habang inaagawan ang masa at ipinaiilalim ang pambansang kaunlaran sa dayuhang dominasyon.

Ang malaking burgesyang kumprador bilang dominanteng naghaharing uri sa Pilipinas

Ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas ay pinaghaharian ng lokal na malaking burgesya, kapwa kumprador at burukratiko. Ginagamit nila ang kapangyarihan ng estado para padaluyin imperyalistang pamumuhunan at pagtubuan ito, sa gayo’y higit na patatagin ang kanilang makauring katangian.

Kinakatawan ng malaking burgesyang kumprador sa Pilipinas ang isang uring nakapag-ipon ng napakalaking kayamanan hindi sa pamamagitan ng pang-industriyang pagpapaunlad o produktibong paggawa, kundi sa pamamagitan ng parasitikong pakikipagsabwatan nito sa dayuhang monopolyong kapital. Sila ang mga panginoon sa ekonomya na tumutubo sa pamamagitan ng pag-iimport ng mga yaring produkto, pag-eeksport ng hilaw na materyales, at pagkontrol sa daloy ng dayuhang pamumuhunan sa real estate, agrikultura, enerhiya, pagmimina, pagtitingi, semi-processing o mga operasyon sa pag-asembol, at pananalapi. Gumagampan sila ng sentral na papel sa pagpapanatili ng atrasado, palaasang katangian ng ekonomya ng Pilipinas—na idinisenyo para magsilbi sa mga pangangailangan ng dayuhang kapital sa halip na sa lokal na pag-unlad.

Marami sa malalaking kumprador na ito ay lumitaw sa kasaysayan mula sa tradisyunal na uring panginoong maylupa, na ginamit ang kapital na nahuthot mula sa pyudal na upa sa lupa para makapasok sa komersyo at pananalapi. Sa halip na wasakin, ang pyudal na mga relasyon sa pag-aari ay nagsilbing tuntungan para makapasok sa mga modernong kapitalistang ugnayan—hindi para paunlarin ang kanayunan, kundi para ibayong ikawing ang ekonomya sa pandaigdigang pamilihan sa ilalim ng mga imperyalistang kundisyon. Iniluwal ng transisyong ito ang pagsasanib ng panginoong maylupa-kumprador, kung saan ang lumang kayamanang nagmula sa lupa ay natransporma sa bagong kayamanang nakatali sa dayuhang kapital.

Saligang katangian ng malalaking burgesyang kumprador na pigilan ang pagpapaunlad sa industriya na makapaglalansag sa kanilang makauring pribilehiyo o makapagpapahina sa kapit ng imperyalismo. Hindi sila interesado sa pamumuhunan ng kapital sa batayang industriya kabilang ang asero, petrokemikal at paggawa ng makina. Noon hanggang ngayon, malaking bahagi ng mga interes sa negosyo ng malalaking burgesyang kumprador ay konsentrado sa industriya sa pagkuha ng hilaw na materyales, kalakalang import-eksport, lokal na kalakalang bultuhan at tingian, transportasyon at komunikasyon, real estate, at pagbabangko at pananalapi na sumusuporta sa ekstraktibong \ [industriya\] at kalakalan — sa halip na sa lokal na produksyon para sa lokal na pagkonsumo. “Ang malalaking burgesyang kumprador at ang uring panginoong maylupa ay nagsasanib-pwersa sa paglaban sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Nagsasanib-pwersa sila sa paglaban sa pag-unlad ng isang nakatatayo-sa-sarili at progresibong pambansang ekonomya.” [8]

Mayroon din silang mababang dagdag-na-halaga na lokal na pagpoproseso o pagpupulido ng mga hilaw na materyales para sa eksport at pag-aasembol, inspeksyon at pagpapakete ng mga yaring imported na mga pyesa para sa muling pag-eksport na bumubuo sa bahagi ng mga “global value chain” na kontrolado ng mga imperyalista. Nariyan din ang “sunshine industries” ng mga serbisyong nakabatay-sa-impormasyon tulad ng mga BPO [9], na nananatiling nakasalig sa, o itinatakda ng, mga susing operasyong industriyal sa labas ng neokolonya. Sa tulak ng neoliberal na opensiba mula huling bahagi ng dekada 1980, maraming pampublikong yutiliti kabilang ang tubig, kuryente, transportasyon na dating pagmamay-ari ng estado ang isinapribado at ipinailalim sa para-sa-tubong operasyong kumprador. Sa gayon, lumawak nang husto ang mga “industriya sa serbisyo” na karugtong ng produksyong pang-industriya at mga bagong larangan ng negosyong kumprador.

Hangga’t ang ekonomyang dominado ng kumprador ay nananatiling hindi industriyalisado (agrikultural, labis na sumasalig sa ekstraktibong industriya at lumolobong mga “industriya sa serbisyo”)—na makikita sa mga ekonomyang malapyudal na lumitaw mula sa tradisyunal na mga bayang agraryo—ang mga interes ng malalaking burgesyang kumprador ay mahigpit na nakakawing sa uring panginoong maylupa, laluna ang malalaking panginoong maylupang sangkot sa pag-eksport ng mga pananim, pagkuha ng mga hilaw na materyales, at mga negosyong nakabatay sa real estate, konstruksyon, at mga serbisyo kabilang ang turismo. Sa katunayan, ang malalaking burgesyang kumprador ay kadalasang dating panginoong maylupa o kanilang mga inapo, na nakipagsosyo sa mga TNC  sa pamamagitan ng mga pamumuhunan sa agro-eksport, pagmamanupaktura, pagtatayo ng real estate, at pananalapi. Ang mga panginoong maylupa na ito na bagong tipo ay hindi na lamang umaasa sa paniningil ng upa; gumaganap sila ngayon bilang mga kapitalistang tagapamagitan sa dayuhang kapital at lokal na pamilihang pang-agrikultura, na lalong nagpapalalim sa malapyudal na pagsasamantala.

Sa Pilipinas, ang ilang seksyon ng malalaking burgesyang kumprador ay nagpapatakbo ng malalawak na plantasyon, na kadalasan ay may minimal na antas ng mekanisasyon. Hindi ito mga tradisyunal na panginoong maylupa na umaasa lamang sa pagpapaupa sa lupa kundi mga korporasyong nagmamay-ari ng lupa na nagpapatupad ng sahurang paggawa sa ilalim ng labis na mapagsamantalang mga kundisyon, kasabay ng mga tradisyunal na malapyudal na kaayusan tulad ng contract-growing at mga iskema sa pagpapaupa sa lupa. Ang mga kumprador-panginoong maylupang ito ay mga susing kasosyo ng mga TNC sa malawakang mga operasyon sa agribisnes, pagmimina, at pagtotroso—partikular sa mga plantasyon ng saging sa Mindanao, gayundin sa mga ekstraktibong proyekto sa buong bayan. Sa bahagi ng mga TNC na ito, direkta ring kumukuha ng tubo mula sa upa sa lupa, kadalasang tinitiyak ang pangmatagalang kontrol sa lupa sa pamamagitan ng mga kasunduan sa pagpapaarkila at mga joint venture, nang may suporta ng estado. Ang resulta ay isang kalagayan kung saan kapwa ang uring kumprador at ang dayuhang kapital ay nakikinabang mula sa patuloy na pagbabakod at pagsasamantala sa lupa at paggawa sa ilalim ng mga kundisyong hinubog ng paghaharing neokolonyal.

Ang pinakamakapangyarihang mga bloke ng kumprador-panginoong maylupa ay madali ring sumanga sa isang natatanging uring burukratang kapitalista, na yumayabong sa mga operasyon ng gubyerno ng mayaman sa pondo tulad ng procurement ng militar at sibilyan, mga pinalobong burukrasya, at mga korporasyon ng estado at mga institusyong pinansyal. Sa anumang kaso, hawak ng mga bloke ng kumprador-panginoong maylupa-burukrata ang pinakamalalaking yamang pang-ekonomya at tumatamasa ng kapangyarihang pampulitika sa pinakamatataas na antas.

Isang tampok na halimbawa ang pamilyang Zobel de Ayala, na ang angkan ay matutunton pa sa kolonyal na pagmamay-ari sa lupa ng Spain. Tinransporma nila ang kanilang pagmamay-aring lupa tungong kapital sa real estate sa panahon ng kolonyalismong Amerikano at, sa kasalukuyan, ay kumokontrol sa Ayala Corporation—isa sa pinakamalalaking conglomerate (malaaking korporasyon, na binubuo ng mga kumpanya ng iba’t ibang negosyo—nagsalin) sa Pilipinas. Ang pagbili nila sa Manila Water [10], isang pampublikong yutiliti na dating kontrolado ng estado at isinapribatisa noong 1997, ay sumasalamin sa lohika ng kumprador: ang mga pampublikong serbisyo ay ginagawang kalakal sa pamamagitan ng mga neoliberal na reporma, ang mga dayuhang pakikipagsosyo ay itinatag para garantiyahan ang tubo, at ang mamamayan ang pumapasan ng tumataas na singil at bulok na serbisyo.

Pinakinabangan ng isa pang malaking burgesyang kumprador, si Enrique Razon Jr., ang minanang kapital at mga koneksyon upang palawakin ang kanyang imperyo sa industriya sa shipping at mga serbisyo sa daungan. Ang mga kumpanya ni Razon ay gumagana bilang isang klasikong operasyong kumprador: pagpapadaloy ng kalakalang panlabas at pandaigdigang daloy ng kapital habang pumipiga ng upa mula sa mga estratehikong imprastruktura sa mga atrasadong bayan. Sa Pilipinas, ang mga Razon ay nasangkot sa pagpapalayas ng mga komunidad sa baybayin, panunupil sa mga manggagawa, at pagpapalit-gamit ng lupa sa mga erya tulad ng port zone sa Manila at mga bahagi ng Mindanao, na nagsisilbi sa interes ng dayuhang kapital at mga network sa lohisitka habang pinalalala ang kahirapan at dislokasyon sa bayan.

Ang angkan ng Cojuangco-Aquino ay isang halimbawa kung paano naging malaking burgesyang kumprador ang mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng kanilang kontrol sa malalawak na lupain at akses sa dayuhang kapital. Nagsimula ang kanilang pag-angat sa ekonomya sa pagbili sa Hacienda Luisita, isang malawak na 6,000-ektaryang asyenda ng tubó sa Tarlac na kanilang nakuha noong huling bahagi ng dekada ’50 sa pamamagitan pautang mula sa World Bank na kontrolado ng US at ng Government Service Insurance System (GSIS). Tumubo nang malaki ang mga Cojuangco sa pamamagitan ng industriya ng tubó na nakatuon sa pag-eksport noong mga dekada 1960 at 1970.

Sa paglipas ng panahon, itinaya ng angkan ang kanilang naakumulang yaman sa pagtatayo at pagpapalawak ng mga negosyo sa pagbabangko, seguro, pagmamanupaktura, at pagtatayo ng real estate, kabilang ang mga signipikanteng pamumuhunan. Dagdag pa, ang kanilang impluwensya sa pulitika, na kinatampukan ng pag-angat sa pagkapresidente ni Corazon Aquino noong 1986, at paglipas ng wala pang dalawang dekada, ng kanyang anak na si Benigno Aquino III, ang nagtiyak sa pagpapanatili sa elitistang pagmamay-ari ng lupa at mga insentibo para sa dayuhang pamumuhunan. Isinabatas ng unang rehimeng Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), batas na tadtad ng mga butas tulad ng Stock Distribution Option (SDO) na nagpahintulot sa mga panginoong maylupa tulad ng mga Cojuangco na panatilihin ang kontrol sa Hacienda Luisita habang iniiwasan ang aktwal na pamamahagi ng lupa. Pinatitingkad nito kung paano nag-uugnayan ang burukratang kapitalismo, ang monopolyo sa lupa, at ang mga interes ng kumprador, na nagpapanatili sa pyudal na pagsasamantala habang umaayon sa mga hinihingi ng pandaigdigang kapital.

Sa sektor na ekstraktibo (pagtotroso at pagmimina), ang mga pamilyang kumprador tulad ng grupong Alcantara ang nanguna sa malawakang pandarambong ng mga likas na yaman sa pamamagitan ng pakikisosyo sa mga dayuhang kumpanya. Ang mga proyektong ito ay nagpapalayas sa mga katutubong komunidad, sumisira sa mga ekosistema, at nagmimilitarisa sa buong mga prubinsya.

Pinangangasiwaan ng malalaking burgesyang kumprador ang imperyalistang pandarambong habang humuhuthot ng upa at komisyon mula sa pagkawasak ng pambansang patrimonya. Nangingibabaw din sila sa pinansya at pagbabangko, tinitiyak na ang ekonomya ay mananatiling nakaasa sa utang. Gumaganap sila bilang mga ahente ng mga dayuhang monopolyo at institusyon sa pagbabangko, nagpapadali sa mga transaksyon sa pautang at paggalaw ng kapital, at kumukuha ng kanilang bahagi sa mga komisyon at kabayaran sa serbisyo. Hindi sila lumilikha ng halaga. Kumikita sila sa mga remitans at ispekulatibong pamumuhunan, na nagpapanatili sa pambansang ekonomya na sunud-sunuran sa interes ng mga dayuhang monopolyong kapitalista.

Higit pa, sumasaklaw ang kanilang impluwensya sa midya, akademya, at diskursong pampulitika. Pinalalabas sa midya na kontrolado ng mga kumprador na normal ang imperyalistang pandarambong, sinisiraan ang rebolusyonaryong paglaban, at naglalako ng mga kasinungalingan tungkol sa “kaunlaran” at “pamumuhunan.”

Walang interes ang malaking burgesyang kumprador sa pagpapaunlad ng mga lokal na pwersa sa produksyon. Sa halip, gumaganap ito bilang tagabantay para sa imperyalistang kapital, humuhuthot ng yaman sa pamamagitan ng isang palaasa at atrasadong ekonomya na dinisenyo upang maglingkod sa mga dayuhang kapangyarihan at mga lokal na naghahari. Tulad ng sinuma ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino: “Ito \ [malaking burgesyang kumprador\] ang pinakamaaasahang panlipunang base ng imperyalistang paghahari sa bayan at labis na natatakot sa at palaban sa anumang kilusan na naghahangad ng pambansang kalayaan at demokrasya.”

Pinananatili ng tatlong naghaharing uri ang malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan habang pinapatibay ang malakolonyal na pangangayupapa sa mga kalunsuran. Sa pamamagitan lamang ng pagbuwag sa alyansang kumprador-panginoong maylupa na ito, pagwawasak sa makinarya sa panunupil ng estado ng burukrata-kapitalista, at pagbubuo ng isang demokratikong gubyernong bayan makakalaya ang masang Pilipino mula sa tatlong salot na pyudalismo, burukratang kapitalismo, at imperyalismo.

Mga mekanismo ng neokolonyal na paghahari

Pinananatili at kinokonsolida ng imperyalismong US ang neokolonyal na paghahari sa mga malakolonya at papet na estado nito sa pamamagitan ng iba’t ibang mekanismo, pangunahin sa paggamit o pagpapamalas ng kapangyarihang militar, interbensyon at subersyon sa pulitika, presyur sa ekonomyang at impluwensya sa kultura. Sa ilalim man ng paghaharing sibilyan o ng mga huntang militar, nananatili ang esensya ng papet na paghahari: isang estadong neokolonyal na dominado ng malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa, at mga burukratang kapitalista — lahat ay sunud-sunuran sa imperyalismo. Ang tatlong uring ito, bagama’t magkakaiba sa tungkulin, ay nagkakaisa sa kanilang makauring interes at sa kanilang pagsalalay sa suporta ng imperyalistang US. Sama-samang binubuo nila ang alyansa ng naghaharing uri na namamahala sa sistemang malakolonyal at malapyudal at humahadlang sa tunay na pambansa at demokratikong pag-unlad sa Pilipinas.

Ang pag-ugat na ito ng papet na paghahari sa mga neokolonya ay may iba’t ibang anyo depende sa istorikal at materyal na mga kundisyon ng bawat bayan. Sa ilang mga kaso, laluna sa mga estadong dating kolonya, nakalilikha ang mga imperyalistang kapangyarihan ng isang ganap na bagong uri ng paghahari ng iilan—ang mga burukratang kapitalista—na may tungkuling pangasiwaan ang mga usapin ng neokolonya sa ngalan nila. Kapag nasa kapangyarihan na, inaalagaan sila ng imperyalismong US sa pamamagitan ng ayuda, pagsasanay, ideolohikal na padrino, at mga alyansang pangseguridad. Sa katunayan, sa ilalim ng ilang mga kundisyon, maaaring lumitaw ang mga burukratang kapitalista bilang isang natatanging uri na direktang hinubog ng imperyalistang disenyo.

Tinalakay natin sa unang bahagi sa itaas kung paano pinaunlad at inihanda ng imperyalismong US ang isang buong saray ng mga lokal na naghahari sa Pilipinas upang pangasiwaan ang estadong neokolonyal para sa kanila. Ang kanilang pagsasanay ay higit na pinagtibay ng mga pondong sa edukasyon at programang kaloob ng US na pinondohan kapwa ng mga pribadong institusyon tulad ng Rockefeller at Ford Foundation, gayundin ng iba’t ibang institusyon sa pampublikong akademiko at militar. Hinuhubog ng mga programang ito ang ideolohikal na oryentasyon at kasanayang teknokratiko ng isang matapat na uring burukratiko.

Sa maraming bayan, sinuportahan ng imperyalistang US ang mga rehimeng maka-Kanan, mga kudeta at mga diktadurang militar, tulad ng sa Pilipinas (Marcos), South Korea (Park Chung-Hee), Indonesia (Suharto), Chile (Pinochet), Nicaragua (Somoza), Argentina (Videla), Iran (Pahlavi) at marami pang mga bayan. Sa Pilipinas, sinasanay at pinopondohan ng US ang militar upang tiyaking ito ay nakatuon sa pagtitiyak ng mga estratehikong interes nito. Mayroon ding mga kaso kung saan ang mga gubyernong naggigiit ng pambansang soberanya ay ipinailalim sa matinding presyur sa ekonomya at pulitika, na kung hindi napasunod, ay pinalitan sa pamamagitan ng mga eleksyon o maging mga asasinasyon tulad ng sa kaso ni Patrice Lumumba ng Congo noong 1961 at ni Thomas Sankara ng Burkina Faso noong 1987.

Ang mga gubyerno ay ipinaiilalim sa matinding imperyalistang kontrol sa pamamagitan ng mga internasyunal na institusyong pampinansya tulad ng IMF at World Bank. Ang mga institusyong ito ay gumagana bilang mga instrumento ng kapital sa pinansya. Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng IMF Structural Adjustment Programs (SAPs) na nagsimula noong 1979, ipinatupad ng US ang neoliberal na pagrereistruktura ng ekonomya sa mga malakolonya nito — iniuutos ang pribatisasyon ng mga pampublikong yutiliti at serbisyo, deregulasyon ng mga industriya, liberalisasyon ng mga batas sa kalakalan at pamumuhunan, at pagbawas ng paggastos ng gubyerno sa mga serbisyong panlipunan. Ang mga SAP ay ipinataw bilang mga kundisyon para muling makautang. Nilansag ng mga programang ito ang anumang mukha ng makabayan o umaasa-sa-sariling patakarang pang-ekonomya. Sa halip, muli nilang inayos ang mga ekonomya ng mga malakolonya para pagsilbihan sa mga estratehikong interes ng mga imperyalista — ginagawa silang mga mapagkukunan ng murang hilaw na materyales, paggawa, at tapunan ng mga surplas na produkto.

Ibayong ibinaon ng neoliberal na oryentasyong ito ang mga interes ng dayuhang monopolyong kapital sa mga pambansang ekonomya at ipinailalim ang mga lokal na patakaran sa mga dikta ng imperyalista. Higit na binuksan ng mga programa ng IMF/WB ang pinto para kunin/agawin ng mga dayuhang korporasyon ang kontrol sa lupa, mga ekstraktibong industriya, mga serbisyong publiko, at maging edukasyon at pangangalagang pangkalusugan. Ininstitusyunalisa ng mga pagsasaayos na ito ang mga atrasadong ekonomya, pinalawak ang panlipunang di-pagkakapantay-pantay, at pinatatag at pinalawak sng burukrata at kumprador na kapitalismo.

Minamaksimisa din ng imperyalismong US ang mga ahensyang pederal nito, laluna ang State Department, ang Pentagon, mga ahensya sa paniktik tulad ng Central Intelligence Agency at National Security Agency, at ang kanilang di-mabilang at labis na pinondohang non-state policy “think-tanks” at mga institusyon at mga daluyan tulad ng USAID at NED. Lahat sila ay nakatuon para pinuhin ng grupong taga-kontrol ng imperyalismong US sa nasabing mga papet na estado at kasalukuyang mga naghaharing rehimen, gamit ang lahat ng maruruming taktika sa imperyalistang *playbook* (gabay ng mga estratehiya at paraan, at hakbang-hakbang na mga proseso). Ang mga ito ang nangunguna sa maraming panikwas sa kontrol sa pulitiko-diplomatiko, militar, kultural (kabilang ang midya at simbahan) at sosyo-ekonomiko.

Pinananatili ng US ang malapit na ugnayan nito sa lahat ng paksyon ng naghaharing uri, nasa kapangyarihan man o wala, alinsunod sa patakarang neokolonyal nito. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “reserbang kabayo,” maaaring palitan ng US ang naghaharing pangkatin ng ibang mga paksyong maka-US kapag ang isang papet na rehimen ay naging isang pampulitikang problema, nagkakaroon o naggigiit ng mga hangaring makabayan.

Mahigpit din nitong sinusubaybayan ang mga papet na rehimen nito, para sa mga palatandaan ng pagiging labis na ambisyoso—tulad ng kapag ang isang seksyon ng lokal na naghaharing saray ay nagtatangkang magkonsolida ng labis na kapangyarihang sa ekonomya at pulitika, bumuo ng mga makabayang pagpapanggap, o humingi ng higit na awtonomya mula sa kanilang imperyalistang amo. Ang ganitong pag-uugali ay nagbabantang makagambala sa mahigpit na istruktura ng neokolonyal na pagsalig na napakaingat na itinayo ng imperyalismo. Alam na alam ng Washington at iba pang mga imperyalistang sentro ang panganib na ang mga rehimeng ito ay maaaring kalauna’y lumipat ng pakikipag-alyansa o “makipaglaro sa dalawang panig,” na kumikiling sa mga karibal na imperyalistang kapangyarihan upang makipagtawaran para sa mas magandang kundisyon o panatilihin ang kanilang lokal na hegemonya. Ang imperyalistang playbook kung gayon, ay kinabibilangan hindi lamang ng dominasyon sa ekonomya at mga kasunduang militar, kundi maging ang patuloy na pagsubaybay at interbensyon sa pulitika—sumasaklaw mula sa malambot na diplomasya at mga kundisyon sa ayuda hanggang sa mas direktang anyo ng pamimilit tulad ng mga sanction (mapamwersang hakbanging pang-ekonomya o pangmilitar na karaniwang ginagawa ng mga makapangyarihang bansa para sumunod sa kagustuhan nila), o kahit mga operasyon ng pagpapalit-rehimen.

Maging si Ferdinand Marcos Sr., sa kadulu-duluhan ay itinapon din ng imperyalismong US nang ang kanyang pagkauhaw sa yaman at kapangyarihan ay naging isang pampulitikang problema. Sa unang bahagi ng dekada 1980, ginamit ng US ang IMF upang magpataw ng presyur sa ekonomya sa rehimeng Marcos, laluna sa pamamagitan ng pagtutulak sa neoliberal na mga structural adjustment program kabilang ang Value Added Tax (VAT). Iniutos ni Marcos ang asasinasyon sa kanyang karibal sa pulitika na si Benigno Aquino Sr. na matagumpay na nakabalik mula sa distyero noong 1983, na lalong nagpatindi sa ligalig ng sambayanan. Nang mag-atubili si Marcos na ipatupad ang VAT, pinutol ng IMF ang suporta nito sa uhaw-sa-dolyar na sistemang pampinansya na nagresulta sa isang matinding krisis sa ekonomya noong 1984 na minarkahan/tinatakan ng implasyon, debalwasyon at malawakang diskuntento.

Ngunit nakapangunyapit ang diktador, at ang kanyang patuloy na paghahari ay maaaring magpaputok ng isang rebolusyonaryong paglaban. Bilang tugon, naitulak ng US, sa pamamagitan ni Senador Lugar, ang isang snap election noong 1986. Nang ideklara pa rin ni Marcos ang kanyang panalo laban kay Cory Aquino noong 1986, binago ng US ang estratehiya nito at palihim na sinuportahan ang isang pag-aalsang militar-sibilyan na nagtapos sa pag-aalsang EDSA “people power”. Sa huli, ang US mismo ang nag-ayos ng pag-alis ni Marcos, pinalipad siya palabas ng Malacañang at ipinatapon sa Hawaii sakay ng isang eroplanong militar ng America. Sa paglalim ng krisis sa ekonomya at pagkalat ng ligalig ng bayan noong dekada 1980, hindi na makapagsilbi ang rehimen ni Marcos sa interes ng imperyalistang US, at sa gayo’y pinalitan ng isang mas “epektibong” ahente. Ang pagpapatalsik kay Marcos Sr. ay isang klasikong halimbawa kung paano ginagamit at dinidispatsa ng imperyalismo ang mga lokal na tirano kapag ang kanilang paghahari ay nagbabanta na magdulot ng pagputok ng mas malawak na rebolusyonaryong paglaban.

Sa esensya, ang imperyalistang kontrol sa mga papet na estado nito at kanilang naghaharing rehimen ay maaaring sumaklaw mula sa mga detalye ng paglalabas ng patakaran, paggamit ng pondo, at pagpili ng mga susing upisyal at tauhan, hanggang sa pagtukoy sa resulta ng mga eleksyon, mga prosesong konstitusyonal, at mga patagong tunggalian ng mga paksyon. Sa matinding kaso, ang imperyalistang playbook ay kinabibilangan ng mga maruruming taktika ng CIA kabilang ang “pagpapalit-rehimen” sa pamamagitan ng mga asasinasyon, kudeta, at direktang interbensyong militar.

Sa kontekstong ito, ang sandatahang lakas at pulisya ay nagiging mahalagang base para sa burukratang kapitalismo. Maraming heneral, pagkatapos magretiro o sa pamamagitan ng pagtatalaga, ang pumapasok sa sibilyang burukrasya upang pamahalaan ang mga departamento, mga pampublikong empresa, o mga proyektong pangkaunlaran, na naging mga daan para sa sariling pagpapayaman at korapsyon. Sa ibang mga kaso, ang mga upisyal militar ang namumuno sa diktadura ng mga pasistang rehimeng sa tabing ng “kaayusan at seguridad,” habang ginagamit ang karahasan ng estado upang supilin ang paglaban at protektahan ang mga interes ng naghaharing uri. Kaya naman kahit sa ilalim ng tinatawag na mga “sibilyang” gubyerno, nananatiling isang krusyal na haligi ng uring burukratang kapitalista ang militar.

Ang pampulitikang pangangayupapa ng mga naghaharing uri ay nakaugat sa istruktura sa ekonomya ng naghaharing sistema ng imperyalismo. Hindi sila namamahala para sa interes ng masa dahil ang kanilang makauring pag-iral ay nakasalalay sa paglilingkod sa interes ng imperyalista at panginoong maylupa-kapitalista. Pinananatili ng kanilang pamamahala ang isang siklo ng pagsasamantala, kahirapan, at pagsalalay — tinitiyak na ang mga tanikala ng imperyalismo ay nananatiling mahigpit na nakagapos sa leeg ng sambayanang Pilipino.

Likas na mga krisis sa mga neokolonya

Inilalagay ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino sa isang permanenteng estado ng kawalang kaunlaran. Ang ekonomya ng Pilipinas, na nakatali sa mga hinihingi ng, at pinipigilan ng pagsalalay nito sa dayuhang monopolyong kapital, at sinasagkaan ng mga pyudal na relasyon sa lupa, ay walang kakayahang tumayo sa sarili nitong mga paa. Isa itong bayang pana-panahong nagdurusa sa matinding pagbagsak sa ekonomya, lipunan, at pulitika. Ang krisis ay hindi isang paminsan-minsang pangyayari—ito ay isang permanenteng katangian ng sistema.

Nananatiling di-industriyal ang bayan. Wala itong industriya ng asero o iba pang batayang industriya, at hindi makakalikha ng mahahalagang makina, kasangkapan, at iba pang mga salik sa pagtatayo ng tunay na ekonomya. Ang lokal na produksyon ay limitado sa batayang pagpuproseso ng mga hilaw na materyales, o mababang dagdag-na-halaga na semi-processing at pag-asembol ng mga inangkat na pyesa. Ang produksyong industriyal ay nakatali sa global supply chain ng mga multinasyunal na korporasyon at gumagana bilang isang ekstensyon lamang ng kanilang internasyunal na assembly line. Hindi ito nakadugtong sa mas malawak na lokal na ekonomya, na walang kakayahang lumikha ng karamihan sa mga pangangailangan ng mamamayan at umaasa pangunahin sa mga import. Ang pagsalig sa mga import ay nagreresulta sa patuloy na pagtaas ng presyo.

Ang produksyong pang-agrikultura sa bayan, laluna ng palay, mais, niyog at iba pang mga kalakal para sa lokal na pagkonsumo, ay maliitan at pangunahing gumagamit ng mga hayop-pansaka at manu-manong mga kasangkapan. Limitado ang mekanisasyon at ang aning pang-agrikulturang ay relatibong mababa, dahil sa limitadong irigasyon, mga pasilidad pagkatapos-ng-ani, at mga subsidyo. Ang liberalisasyon sa pag-iimport, partikular ng bigas, ay nagresulta sa malawakang pagkalugi ng mga magsasaka [11]. Malalawak na lupain ang nakalaan para sa mga pananim na pang-eksport tulad ng saging at pinya. Pinanatili ng deka-dekadang huwad na programa sa reporma sa lupa ang kawalan ng lupa. Ikinumbert ang malalawak na lupaing pang-agrikultura tungong mga proyektong komersyal at real estate. Milyun-milyon ang napalalayas ng tirahan dahil sa pangangamkam ng lupa. Samantala, patuloy na nangingibabaw ang mga pamilya ng panginoong maylupa sa pagkontrol sa malalawak na lupain, na nagtutulak sa mga magsasaka sa mga siklo ng utang at kawalan ng seguridad.

Naghihirap ang bayan sa laganap na kawalang trabaho dahil walang kakayahan ang ekonomya na lumikha ng sapat na trabaho para saluhin ang lakas-paggawa ng bansa. Pinalalala ito araw-araw na tulak ng imperyalismo sa pagpapalayas sa mga magsasaka, mangingisda at ordinaryong mamamayan sa kanilang lupain, alisan sila ng kanilang kabuhayan at pinagkakakitaan. Milyun-milyong mamamayan na may kakayahang maging produktibo ang napupwersang matengga.

Institusyonalisado mula pa noong rehimeng Marcos Sr, ang patakaran sa pag-eksport ng paggawa ay isang malinaw na ekspresyon ng kabiguan ng estado na paunlarin ang pambansang industriya at magbigay ng mga trabaho. Lalo itong itinutulak ng pagbibigay-prayoridad ng reaksyunaryong estado sa mga pagpapapasok ng mga remitans. Humantong ang patakarang ito sa taunang pag-alis ng mahigit 1 milyong Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Naging epektibong tagapagbenta ng murang paggawang Pilipino ang estado para sa pandaigdigang kapital. Ang lokal na ekonomya ay artipisyal na sinusuportahan ng mga remitans ng dayuhang pananalapi, ngunit may nakagigimbal na panlipunang kapalit—paghihiwalay ng mga pamilya, pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa, at ang sistemikong pagkawala ng kasanayan ng pwersang paggawa.

Upang lumikha ng mga trabaho, itinataguyod ng mga naghaharing uri ang patakaran ng pag-akit ng mga pamumuhunan ng dayuhang kapital, na lalo lamang nagpapalala sa lokal na krisis. Pinahintulutan nila ang mga monopolyong kumpanya sa walang-restriksyong kalayaan na mandambong at tumubo. Nagreresulta ito sa di-mapigil na pagsasamantala sa paggawa at likas na yaman. Sistematikong nilalabag ang karapatan ng mga manggagawa. Ang mga dayuhang korporasyon ay binibigyan ng mga permit sa pagmimina, binibigyan ng proteksyon ng militar at paramilitar. Ang mga operasyong ito ay nagpapalayas sa mga komunidad ng mga pambansang minorya, nagmimilitarisa sa mga komunidad sa kanayunan, at lumalason sa mga ilog at kagubatan—lahat upang magluwal ng kita sa eksport at kita ng estado habang naghahatid ng mga kikbak sa uring burukratang kapitalista.

Nagdurusa ang bayan sa pamalagiang disbalanse sa kalakalan. Inaangkat nito ang karamihan ng mga kalakal pangkonsumo at kapital habang iniluluwas/ineeksport ang murang hilaw na materyales at semi-processed na mga kalakal. Upang matapalan ang mga depisito sa kalakalan at mga puwang sa balanse sa pagbabayad, napipilitang mag-akumula ang bayan ng hindi sustenableng dayuhang utang. Nagiging lalong di-estable at palaasa sa institusyong pinansyal ng imperyalista ang ekonomya ng bansa sa pagsandig sa mga remitans at dayuhang pamumuhunan upang panatilihin ang kakayahan sa pagbabayad ng utang.

Ipinapasa sa mamamayan ang pagpasan sa utang na ito. Ipinipihit ang pampublikong pondo sa pagbabayad ng utang, habang naghihigpit ng sinturon sa paggastos para sa serbisyong panlipunan. Naghihirap ang mamamayan sa tumataas na pasanin sa buwis sa mga batayang bilihin at mas mataas na singil sa paggamit ng mga pampublikong serbisyo at yutiliti. Nagbabala si Lenin tungkol sa penomenong ito sa Imperyalismo, Ang Pinakamataas na Yugto ng Kapitalismo, kung saan binanggit niya na “ang pamatok ng iilang monopolista sa natitirang populasyon ay nagiging sandaang beses na mas mabigat, mas pahirap at hindi mabata.”

Ibinubunyag ng lahat ng ito ang kawalang kakayahan ng mga naghaharing uri na lutasin ang mga kontradiksyon ng kanilang sariling sistema. Sa halip, pinalalala nila ang mga ito. Inilarawan ito ni Lenin bilang “ganap na parasitismo at pagkabulok ng kapitalismo, katangian ng pinakamataas na istorikong yugto ng pag-unlad nito, ibig sabihin, imperyalismo.”

Implasyon man, kawalang-tatag ng enerhiya, o agraryong pagkabulok, malinaw ang padron: ang malakolonyal at malapyudal na sistema ay nasa isang kalagayan ng hindi na mapapanauling pagkabulok. Ipinakikita ng kasalukuyang tambalang Marcos-Duterte ang pagtatagpo ng lahat ng mga katangiang nagluluwal-ng-krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang ito. Kumukuha ng pagkalehitimo ang parehong pamilya sa isang pasistang legasiya gayundin sa isang dinastikong kapit sa dinambong na yaman. Magkasama nilang pinalalalim ang militarisasyon, sinusupil ang pagtutol, at itinataguyod ang pagsalalay sa mga dayuhang pautang, di-kinakailangang mga proyektong imprastraktura, at mapanupil na pagbubuwis upang bigyang-suporta ang isang gumuguhong kaayusan. Sinuman ang maupo sa Malacañang, kumakapit sa kapangyarihan ang naghaharing uri sa pamamagitan ng pagpapahigpit sa mga tanikala ng pagsalalay sa imperyalistang at malapyudal na panunupil.

Sa ganitong konteksto, nagiging malinaw na hindi malulutas ang krisis sa balangkas ng kasalukuyang/umiiral na sistema. Malulutas lamang ito sa pamamagitan ng paglalansag sa mismong sistema. Ang susunod at tanging lohikal na konklusyon ay ang pagtatayo ng isang rebolusyonaryong kilusan na naglalayon hindi ng patsi-patsing reporma, kundi ng ganap na pagbagsak ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan.

Demokratikong rebolusyong bayan ang tanging landas sa pagsulong

Sa harap ng mga matinding krisis dulot ng kapitalismong burukrata at kumprador sa ilalim ng isang malakolonyal at malapyudal na kaayusan, malaon nang natunton ng sambayanang Pilipino ang tanging tunay na rebolusyonaryong solusyon: ang demokratikong rebolusyong bayan.

Tulad ng binalangkas ni Ka Joma sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino: “Ang demokratikong rebolusyong bayan ang paraan upang palayain ang sambayanan mula sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Ito ay isang komprehensibong rebolusyong panlipunan para itatag ang isang demokratikong gubyernong bayan at ilatag ang pundasyon ng sosyalismo. Nilalayon ng rebolusyong ito na wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi na ipinapataw ng imperyalismo at mga lokal na ahente nito at simulan ang tungkulin ng pagbubuo ng isang nagsasarili at progresibong pambansang ekonomya.”

Ang rebolusyong ito ay pambansa ang katangian, nakatuon laban sa dayuhang dominasyon at kontrol, at demokratiko sa nilalaman, na tumatarget sa mga lokal na uring pyudal at kumprador na nagsisilbing tagapagpatupad ng imperyalismo. Ang rebolusyonaryong estratehiya ay isang matagalang digmang bayan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, na malamang na dadaang mga yugto ng estratehikong depensiba, estratehikong pagkakapatas, at estratehikong opensiba. Sa buong yugto ng depensiba, ang kanayunan ang nagsisilbing pangunahing lunsaran ng armadong pakikibaka, mga antipyudal at anti-pasistang pakikibakang masa, at pagtatayo ng base, habang ang kalunsuran ang nagsisilbing sekundaryo ngunit krusyal na larangan para sa mga anti-pasista at anti-imperyalistang ligal na pakikibaka at gawain sa pulitika, na nagsisilbi sa pangunahing larangan.

Ang rebolusyonaryong kilusan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay nagtatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga sonang gerilya at mga baseng erya sa buong bayan. Ang mga ito ang binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan, kung saan isinusulong ang rebolusyonaryong reporma sa lupa, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at gawaing pangkultura. Ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang pangunahing armadong pwersa ng rebolusyong Pilipino, ang nagsisilbing pangunahing sandata para wasakin ang armadong lakas ng reaksyunaryong estado.

Ang BHB ay nagsimula noong 1969 mula sa halos wala na may iilang matataas na kalibre ng riple at maliliit na armas. Nananatili pa itong maliit at mahinang hukbo kumpara sa malaki at malakas na reaksyunaryong armadong pwersa na sinusuportahan ng pinakamalaking imperyalistang kapangyarihan. Gayunpaman, sa suporta ng masang magsasaka, nagtagumpay ito na lumakas sa pamamagitan ng pagsusulong ng pakikidigmang gerilya at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang baha-bahaging lipulin ang mga pwersa ng kaaway. Nagtayo ito ng mga kumpanya ng mga Pulang mandirigma sa mga larangang gerilya sa buong kapuluan ng Pilipinas. Nakapag-ipon ito ng mga tagumpay at nakamit, ngunit dumanas din ito ng mga kabiguan kapwa dahil sa mga panloob na kahinaan at todong estratehikong opensiba ng kaaway. Kasama ang PKP, sumasailalim ang BHB sa isang kilusang pagwawasto, determinadong dalhin ang digmang bayan sa mas mataas na antas kaysa nakaraan.

Habang isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan ang pangunahing tungkulin ng armadong pakikibaka upang agawin ang kapangyarihang pampulitika, ang ligal na demokratikong kilusang masa ay gumaganap ng mahalaga at komplementaryong papel sa mga lungsod at sentrong urban. Inilalantad nito ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunan sa pamamagitan ng mga kampanyang masa, edukasyon, at ligal na pakikibaka, na nagmumulat at nagpapakilos sa malawak na bahagi ng sambayanan. Pinapanday nito ang pagkakaisa ng pinakamalawak na posibleng hanay ng mga progresibo at demokratikong pwersa, at nagtatayo ng mga alyansa sa iba’t ibang inaaping uri at sektor. Ang kanilang mga pakikibaka ay nakaugnay sa pangunahing kontradiksyon ng lipunang Pilipino, na nakakawing sa antipyudal, anti-pasista, at anti-imperyalistang kilusan sa kanayunan. Paliwanag ni Ka Joma, ang mga ligal na pakikibaka ay “ginagamit bilang sandata ng rebolusyonaryong pakikibaka at hindi bilang kapalit nito.”

Dapat magsilbi ang mga kilusang masa sa kalunsuran upang palakasin, suportahan, at patibayin ang rebolusyong agraryo, pagtatayo ng baseng masa, at ang pangkalahatang pagsulong ng armadong rebolusyon. Ang mga manggagawa at mga sektor sa urban ay dapat tumindig kaisa ng mga magsasakang walang lupa at naghihirap, kinikilala na ang mayorya ng magsasaka ang pangunahing pwersa sa digmang bayan. Sa gayon, ang ligal na demokratikong kilusan ay dapat gumana hindi lamang bilang isang behikulo para sa mga sektoral na kahilingan, kundi bilang isang pwersang nagpapataas-ng-kamulatan na nangunguna sa mamamayan sa isang rebolusyonaryong pag-unawa sa kanilang pinagsasamantalahang kalagayan at pang-aapi ng papet na estado. Dapat nitong ilantad ang ilusyon ng repormismo, ipakita ang mga limitasyon ng liberal na demokrasya, at iharap ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagbabago laluna sa harap ng krisis na dulot ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Gumagampan ito ng isang estratehikong papel sa pagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong kadre. Sinasanay nito ang mga organisador, pinalalalim ang kanilang teoretikal na pag-unawa, at sinusubok ang pampulitikang determinasyon ng mga aktibista. Iniluluwal ng kilusang ito ang mga rebolusyonaryo na pinipiling tumungo sa kanayunan at lumahok sa armadong pakikibaka. Marami sa mga pinakatapat at mahuhusay na Pulang kumander at gerilyang mandirigma ay nagmula sa hanay ng mga manggagawa at petiburges na intelektwal na sinimulan ang kanilang pampulitikang buhay bilang mga aktibistang estudyante, organisador ng komunidad, unyonista, taong-simbahan, o manggagawang pangkultura.

Kinakatawan ng demokratikong rebolusyong bayan sa isang malakolonyal at malapyudal na bayan tulad ng Pilipinas ang unang makasaysayang yugto ng dalawang-yugto ng rebolusyonaryong proseso na naglalayong durugin ang mga pundasyon ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, ang rebolusyon ay magpapatuloy mula sa mga tungkuling demokratiko patungong sosyalista. Susupilin nito ang mga lumang nagsasamantalang uri at titiyakin na ang mga kinakailangang repormang burges ay hindi hahantong sa konsolidasyon ng burgesya. Ang rebolusyon ay walang patlang na tutungo sa sosyalistang yugto. Kukumpletuhin nito ang pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal, at ilalatag ang batayan para sa sosyalistang transpormasyon sa agrikultura. Dapat ilunsad ang pambansang industriyalisasyon upang magtatag ng isang ekonomyang nakatatayo-sa-sarili, wakasan ang pagsalig sa imperyalistang kapital at mga kalakal, at magbigay ng trabaho sa mamamayan. Ang mga pangunahing aspeto sa ekonomya ay hahawakan ng demokratikong estadong bayan. Gagawin nitong sosyalisado ang mga kagamitan sa produksyon at itatransporma ang baseng pang-ekonomya at superistruktura upang magsilbi sa interes ng proletaryado at ng sambayanan sa kabuuan.

Nakapagpunyagi ang Partido Komunista ng Pilipinas sa nakalipas na 56 na taon sa pamumuno sa Bagong Hukbong Bayan at lahat ng rebolusyonaryong pwersa upang ilunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan laban sa lokal na papet na rehimen ng pinakamakapangyarihang imperyalistang bayan. Ang malaking bahagi sa panahong ito, laluna mula noong 1976, ay minarkahan ng pagkagapi ng sosyalismo sa China at pangkalahatang pag-atras ng internasyunal na kilusang komunista. Ang paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas ang ambag ng PKP sa pakikibaka ng lahat ng inaaping mamamayan sa paglaban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

Ang mga rebolusyonaryong pakikibaka ng inaaping mamamayan sa mga bayansg malakolonyal at malapyudal ay hindi isang hiwalay na proseso. Bahagi ito ng pandaigdigang pakikibaka ng proletaryado laban sa pinagsanib na pwersa ng imperyalismo at lokal na reaksyon.

Dapat buong tapang at komprehensibo nilang banggain ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa kabuuan nito—inilalantad ang mga ugat nito sa imperyalistang dominasyon, pagtataksil ng kumprador, pagsasamantala ng panginoong maylupa, at pandarambong ng burukratang kapitalista. Ang landas pasulong ay hindi madali ni maikli, ngunit ito lamang ang tanging daan tungo sa tunay na kalayaan at paglaya.

Hayaan nating tanganan ng proletaryado at mamamayan ng bawat neokolonya ang makasaysayang tungkulin ng pagrerebolusyon sa kanilang sariling mga bayan. Buuin natin ang mas malakas na proletaryong pagkakaisa, palalimin ang ating teoretikal na pundasyon, at magmartsa tungo sa tagumpay na tangan ang mga armas, nakataas ang mga bandila, at mulat ang masa.

Long live proletarian internationalism!

Mabuhay ang proletaryong internasyunalismo!

Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!

__________
[1]: Tampok na artikulo sa Ikaapat na Internasyunal na Kumperensyang Teoretikal hinggil sa Kumprador at Burukrata Kapitalismo sa mga Neokolonya

[2]: Ang sistemang enkomyenda ay isang kolonyal na pyudal na kaayusang itinayo ng kaharian ng Espanya kung saan ang mga enkomenderong Espanyol ay ginawaran ng kontrol sa partikular na mga teritoryo at ng karapatang kumolekta ng tributo, paggawa, at mga produktong pang-agrikultura mula sa lokal na populasyon kapalit ng paglupig sa lokal na populasyon sa paniniwala sa proteksyon at relihiyosong instruksyon, at kung saan dumaloy ang kolonyal na kapangyarihan ng Espanya.

[3]: Ang sistemang asyenda ay isang sistema ng pagmamay-ari sa lupa na pumalit at nagpalawak sa enkomyenda, na nagkokonsolida sa malalawak na tipak ng lupaing pang-agrikultura sa ilalim ng kontrol ng mga ordeng relihiyoso, kolonyal na mga upisyal ng Espanya, at lokal na mga kolaboreytor (ang mga uring ilustrado at principalia). Itinaguyod nito ang pagtatanim ng komersyal na mga pananim para sa eksport na itinataguyod ng dayuhang komersyanteng kapital na nagmarka sa paglago ng malapyudal na mga relasyon sa produksyon.

[4]: Kabilang sa mga ito ang Military Bases Agreement (MBA) ng 1947 na nagpahintulot sa US na magpanatili at magpatakbo ng aabot sa 23 baseng militar sa buong Pilipinas; ang Military Assistance Agreement (MAA) ng 1947 at paglikha ng Joint US Military Advisory Group (JUSMAG) na nagtiyak sa napapatuloy na impluwensya at kontrol ng US sa pagpapaunlad ng militar ng Pilipinas, inihuhulma ito para maglingkod sa interes ng US; ang Mutual Defense Assistance Agreement (MDAA) ng 1953 na nagsemento sa militar na pagsalalay sa US sa pagpopormalisa sa ayudang militar ng US, paglilipat ng mga armas, at pagsasanay; at ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951 na nagsilbi bilang ligal na tabing para sa nagpapatuloy na presensyang militar ng US sa bayan.

[5]: Amado Guerrero, Lipunan at Rebolusyong Pilipino, “Mga Pundamental na Problema ng Sambayanang Pilipino, Burukratang Kapitalismo, Ang Kahulugan ng Burukratang Kapitalismo”

[6]: Mga Pundamental na Problema ng Sambayanang Pilipino: Inisyal na Tanong-Sagot hinggil sa Kabanata 2 ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Sa seryeng webinar ng ND Online School na inilunsad ng Anakbayan-Europa, Mga Sagot ni Jose Maria Sison sa mga tanong ni Anghelo Godino, Hunyo 21, 2020 https://www.prismm.net/2020/06/21/sison-qa-psr\ [\2\]-basic-problems/

[7]: Hinggil sa Demokratikong Rebolusyong Bayan: Isang Panayam Kay Jose Maria Sison, https:// www.redspark.nu/peoples-war/on-the-peoples-democratic-revolution-an-interview-with- jose-maria-sison/

[8]: Lipunan at Rebolusyong Pilipino

[9]: Ang Business Process Outsourcing (BPO) ay tumutukoy sa paglilipat ng mga hindi-susing operasyon sa negosyo, tulad ng serbisyo sa kustomer, teknikal na suporta, at mga back-office function mula sa mga korporasyon sa mga imperyalistang bayan patungo sa mga bansang may mababang pasahod at may surplas na paggawa tulad ng Pilipinas.

[10]: Ang kumpanyang Manila Water ay pagmamay-ari ngayon ng malaking burgesyang kumprador na si Enrique Razon, na bumili sa buong sapi ng mga Ayala noong 2024 sa halagang P12.9 bilyon sa pamamagitan ng kanyang kumpanya sa pamumuhunan na Trident Water.

[11]: Ang mga magsasaka ng palay sa Pilipinas, halimbawa, ay labis na naghirap sa ilalim ng Rice Liberalization Law (RA 11203), na nag-alis ng mga kantitatibong restriksyon sa mga import na bigas noong 2019 sa tulak ng World Trade Organization. Bilang resulta, binaha ng murang imported na bigas ang pamilihan, na nagtulak pababa sa mga presyo ng palay (hindi binalatang bigas) nang singbaba ng ₱10—₱12 (\$0.17-\$0.21) kada kilo, mas mababa sa ₱21 (\$0.37) kada kilo na abereyds na gastos sa produksyon. Ayon sa mga ulat, nawalan ng mahigit ₱90 bilyong kita ang mga magsasaka mula 2019 hanggang 2022 dahil sa patakarang ito. Maraming maliliit na magsasaka ang hindi nakabawi mula sa kanilang pagkalugi, at ang ilan ay tuluyan nang tumigil sa pagsasaka ng palay.

Ang kumprador at burukratang kapitalismo at ang krisis ng paghaharing neokolonyal