Atas sa Pagpapalawig ng Unilateral na Tigil-Putukan
Translation/s: English
Sa harap ng patuloy na krisis pangkalusugan sanhi ng pandemik na Covid-19, iniuutos ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa lahat ng kumand at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng milisyang bayan ang pagpapalawig ng pambansang tigil-putukan hanggang 11:59 ng gabi ng 30 Abril 2020.
Inuutusan ang mga yunit ng hukbong bayan at milisyang bayan na patuloy na umiwas at tumigil sa pagsasagawa ng mga opensibang aksyong militar laban sa mga armadong yunit at tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang grupong paramilitar at armado na kasanib ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).
Layunin ng pinalawig na pambansang tigil-putukan ang pagtiyak sa mabilis at walang-sagabal na pag-abot sa lahat ng mamamayang nangangailangan ng kagyat na tulong, suporta at hakbang medikal, pangkalusugan at pangkabuhayan sa harap ng malubhang kagipitang pampubliko bunga ng kasalukuyang pandaigdigang pandemik na Covid-19. Dapat ipauna ang paglaban sa pandemik at ang pagtiyak sa kaligtasan, kalusugan at kagalingan ng lahat.
Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa ganitong kalagayan ay patuloy na nakahandang makipagtulungan sa iba pang pwersa at elemento para sa mga layuning ito.
Ang kautusang ito para palawigin ang tigil-putukan ay pagsuporta rin sa nagpapatuloy na panawagan ng United Nations para sa “global ceasefire” upang maikonsentra ng lahat ang mga rekurso para harapin ang kasalukuyang krisis sa kalusugan.
Alinsunod dito, inuulit ng Partido at NDFP ang panawagan sa ngalan ng hustisya at mahigpit na pangangailangan para sa pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal at ang pagdedeklara ng pangkalahatang amnestiya. Patuloy ding hinahangad ng Partido ang muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP.
Binabati ng Komite Sentral ang mga yunit ng hukbong bayan at milisyang bayan sa disiplinadong pagtalima sa atas na tigil-putukan at pagbaling ng prayoridad sa kampanyang anti-Covid-19 sa kabila ng mga kahirapan at peligrong dulot ng patuloy na okupasyon ng mga tropang panagupa ng AFP sa mga sona at baseng gerilya, patuloy na malawakan at maigting na mga operasyong paniktik at psywar, at mga pag-atake ng mga panagupang tropa ng AFP sa mga yunit ng BHB na kanilang natutunton. Ang ilang naganap na labanan na pinalilitaw ng AFP na paglabag ng BHB sa tigil-putukan ay pawang bunga ng opensibang aksyon ng mga tropa ng AFP.
Sa panahon ng tigil-putukan, dapat mahigpit na ilimita ng mga yunit ng BHB ang kanilang sarili sa mga operasyon ng aktibong depensa na isasagawa lamang sa harap ng malinaw at nagbabantang panganib at aktwal na armadong pag-atake ng pwersang kalaban.
Dapat mantinihin ng BHB at mga rebolusyonaryong pwersa ang pinakamahigpit na sikretong pagkilos at pangangalaga sa seguridad dahil mas pinaiigting pa ng AFP ang mga operasyong paniktik at maangas na inaatake ang nalalantad na mga yunit ng BHB. Dapat ding palaging panatilihin ang pinakamahigpit na pagmamatyag laban sa sopresa at patraydor na malawakang pag-atake ng pasistang rehimen sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.
Matibay na indikasyon ng banta ng pasistang pakana ang nagpapatuloy na masinsing drone surveillance sa iba’t ibang bahagi ng kanayunan; walang-tigil na mga operasyong RCSP gaya ng mass surveillance, profiling, Red tagging at psywar sa mga baryong pokus ng atake ng AFP; at ang sadyang hindi paggalaw sa dambuhalang badyet sa paniktik, operasyong militar at pamimili ng armas at kagamitang militar sa kabila ng napakatinding kakapusan ng pondo at rekurso para sa paglaban sa epidemya at pag-ayuda sa mga naiipit ng lockdown.
Lahat ng yunit ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ay dapat tuluy-tuloy na matamang sumubaybay sa mga pag-atake at iba pang mapanlusob at probokatibong kilos ng mga yunit at tropa ng AFP-PNP-CAFGU. Dapat maagap at ditalyadong iulat ang mga ito sa mga nakatataas na namumunong komite ng Partido at kumand ng hukbong bayan, at maagap na ilantad sa publiko.##