Badyet para sa pasismo, neoliberalismo at korapsyon, ilaan sa agrikultura!

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kumukulo ang dugo ng mga magsasaka sa EO 39 ng rehimeng US-Marcos Jr. na naglagay ng price cap sa presyo ng bigas. Tiyak na sa bisa nito, lalo pang babaratin ang presyo ng kanilang palay, mas marami ang malulubog sa utang at mapipilitang tumigil sa pagtatanim at ibenta ang kanilang mga lupang sakahan. Kung ang totoong gusto ng rehimen ay pababain ang presyo ng bigas at solusyunan ang krisis sa pagkain, sa halip na price cap, ang kailangan ng sambayanan ay ang pagpapalakas ng lokal na produksyon, pagpapababa ng gastos sa pagtatanim ng palay, pagpapataas ng kakayahang bumili ng konsyumer, pagbalikwas mula sa todo-largang importasyon at liberalisasyon sa agrikultura.

Ngunit napakalinaw naman sa kung paano maghanay ng prayoridad ang gubyerno sa pagbabadyet na wala itong ni kapiranggot na pagnanais na tugunan ang problema hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng buong bayan. Nangungulelat ang badyet para sa agrikultura. Ilang ulit na mas malaki ang badyet na ilalaan ng gubyerno para sa pasismo, neoliberalismo at korapsyon kaysa para sa kapakanan ng naghihikahos nang mga magsasaka.

Sa bawat piso para sa agrikultura, P40 ang nakalaan para sa mga neoliberal na proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng Build, Better, More ng rehimen. Pawang malalaking negosyante ang nakikinabang sa mga proyektong ito. Sa pamamagitan nito, pinagkakakitaan ng mga oligarko ang pagkopo sa mga kontrata para sa mga proyekto at pinagsisilbi ang mga ito para sa pagpapalaki pang lalo ng kanilang mga negosyo. Halimbawa na lamang ang MRT-7 na sumasagasa sa mga sakahan ng mga magsasaka sa Bulacan. Hawak ito ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang. Sa pamamagitan nito, pinalawak ng mga Villar, Ayala at Sy ang kanilang negosyo sa real estate sa naturang prubinsya.

Dahil umano sa `tradisyon’ at `pagrespeto’ kay Sara Duterte, mabilis pa sa alas-kwatrong inaprubahan ng mga mambabatas ang P650 milyong confidential at intelligence funds para sa OVP at DepEd kahit sa kabila ng mga kaduda-dudang transakyon sa mga upisinang ito tulad ng tinagurian ng publikong `pinakamalaking pasaload’ kung saan P125 milyong confidential funds ng OVP noong 2022 ang galing sa presidential pork ni Marcos Jr. Ayon mismo sa ilang senador, walang aytem na kinailangang paglipatan ng naturang pondo kaya masasabing `ghost transfer’ ang nangyari. Pero sa kabila nito, sa loob ng 20 minuto naaprubahan pa rin ang panibagong badyet na hinihingi ni Duterte samantala ang pondo sa agrikultura, mula sa unang panukalang P396 bilyong badyet ay kinaltasan tungong P167 bilyon. Ito ay 2.9% lamang ng P5.768 trilyong badyet para sa 2024.

Bagamat sinasabi ni Marcos Jr. na mahalaga ang Kadiwa stores para sa istabilisasyon ng presyo ng bigas, kakarampot na P492.7 milyon lamang ang ilalaan para sa Kadiwa Program sa susunod na taon. Samantala, ang badyet para sa kanyang mga byahe sa ibang bansa ay tumataginting na P1.4 bilyon. Kaya sa bawat pisong nakalaan para sa gala ni Marcos, 35 sentimos lamang ang para sa programang Kadiwa.

Sawang-sawa na ang mga magsasaka at taumbayang marinig ang mga panloloko ng reaksyunaryong estado. Wala itong malasakit sa masa. Kahit pa bumulagta sa gutom ang taumbayan, magpapatuloy lang sila sa pagpapasasa sa pondong pinaghirapan ng mamamayan. Walang pinagkaiba ang reaksyunaryong estado sa mga parasitiko at peste sa pananim ng mga magsasaka. Upang maipagtanggol at mapangalagaan ang kabuhayan at buhay ng karaniwang Pilipino, marapat lamang na lubusan silang itakwil ng hanay ng mga magsasaka at buong sambayanang Pilipino.

Badyet para sa pasismo, neoliberalismo at korapsyon, ilaan sa agrikultura!