Pahayag

Bagsik ng de facto martial law sa Lambak Cagayan

Limampu’t dalawang taon na ang nakalipas simula nang ipataw ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr ang batas militar sa buong bansa ngunit magpahanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang mas mabangis at mas mabagsik na pag-atake sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan at sistematikong panunupil ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr. Mahalagang alalahanin ang madilim na araw na ito ng kasaysayan sa harap ng tusong maniobra ni Marcos Jr na burahin sa gunita ng sambayanang Pilipino ang mga masasahol na paglabag sa karapatang-tao, korapsyon, at pasismo sa ilalim ng martial law. Garapalang binibihisan ni Marcos Jr ang administrasyon nito ng “Bagong Pilipinas” na walang pinagkaiba sa “Bagong Lipunan” ng kanyang ama na tigmak ng dugo at karahasan. Pareho rin sila ni Rodrigo Duterte na duguan ang kamay sa pagpapatuloy niya sa pasista at tiranikong paghahari ng dating pangulo gamit ang kamay na bakal.

Sa tala ng Ang Bayan mula lamang Disyembre 2023 hanggang Hunyo 2024, umabot na sa 48,736 biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao o 652 kaso (katumbas ng tatlong kaso bawat araw); abereyds na apat na biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan; isang pagdukot kada linggo; di bababa sa isang biktima ng tortyur kada dalawang linggo; 32 biktima ng pagbabanta, pananakot at intimidasyon araw-araw; at 15,396 biktima ng pagbabakwit at dislokasyon.

Nito lamang Setyembre 11 ay walang-awang pinaslang ang mga hors de combat na mandirigma ng BHB-Cagayan Valley kung saan makikita sa mga post-mortem na larawan na sila ay pinahirapan bago pinatay. Upang takasan ang lantarang paglabag sa internasyunal na makataong batas ukol sa alituntunin sa digma, pinalabas ng pasistang 95th Infantry Brigade sa ilalim ng pamumuno at direktiba ng 502nd Brigade, 5th Infantry Division na may naganap na engkwentro sa pagitan ng mga hors de combat na NPA at tropa ng militar. Isa sa mga pinaslang si Ariel Arbitrario, consultant ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan na protektado ng JASIG. Puno ng latay ang katawan ni Arbitrario, tanda na ito ay tinortyur muna bago tuluyang pinatay at inanunsyo lamang sa publiko makalipas ang dalawang araw. Pinapahirapan pa rin ng militar ang pamilya ni Arbitrario na mahanap ang kanyang mga labi.

Naitala rin ang pagdukot ng mga pwersa ng estado kina Vladimir Maro at Andy Magno, kabataang organisador ng mga magsasaka sa Cagayan Valley. Huling nakita si Magno sa San Pablo, Isabela noong ika-11 ng Setyembre at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya inililitaw. Samantalang si Maro naman ay natunton ng kanyang pamilya at abogado sa kostudiya ng PNP Peñablanca at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso.

Sa araw ding ito tatlong taon na ang nakakalipas, walang patumanggang binomba mula sa himpapawid ang isang kampo ng BHB-East Cagayan na nagresulta sa pagkasawi ng pitong mandirigma at pagkasugat ng iba pa. Nagpapatuloy ang terorismong ito ng AFP sa dikta ni Marcos Jr, punong kumander ng AFP at sagdsaring tuta ng US. Matatandaang nagpakawala din ng bomba at bala mula ere ang 502nd IBde at TOG2-PAF sa Barangay Lapi, Peñablanca noong nakaraang Mayo. Puu-puong komunidad ang sapilitang lumilikas at nawawasak ang kabuhayan.

Patuloy na ipinapalunok sa mamamayan ang kamay na bakal ng anti-terror law at financing of terrorism upang busalan at sindakin ang mamamayan at tangkang sagkaan ang organisadong lakas ng masa. Patuloy na namamayagpag ang NTF-Elcac na nagsasapanganib sa buhay, kalayaan at seguridad ng aktibista at kalaban ng rehimen. Walang pakundangan ang pandarahas sa mga magsasaka sa tabing ng RCSP at FMO, gayundin ang pagpapasuko at panggigipit sa kanila. Ang mga aktibista ay arbitraryong hinuhuli at sinasampahan ng gawa-gawang kaso.

Dapat na singilin si Marcos Jr sa tumitinding pag-atake ng estado laban sa mga demokratikong pwersa na nagtataguyod ng karapatan sa lupa, sahod, edukasyon, at katarungang panlipunan. Dapat na bigkisin ang pagkakaisa ng malawak na masa ng mamamayan upang mapanagot si Rodrigo Duterte sa mga krimen nito sa bayan at sa sangkatauhan. Hanggat nagpapatuloy ang kalunus-lunos na kalagayan ng mamamayan at lalong sinusupil ang kanilang mga karapatan, mananatiling sariwa sa gunita at kailanma’y di malilimutan ng sambayanang Pilipino ang malagim na araw na ito 52 taon na ang nakakaraan. At mula noon hanggang ngayon, lalo pang pinalalakas ng masa ang kanilang kolektibo at organisadong hanay.

Bagsik ng de facto martial law sa Lambak Cagayan