Pahayag

Baryo sa Northern Samar, target ng pasistang terorismo ng 8th ID

,

Nakatanggap ng ulat ang aming tanggapan hinggil sa isa na namang insidente ng teroristang pambobomba mula sa himpapawid na isinagawa ng pasistang 8th Infantry Division sa Barangay San Isidro, Las Navas, Northern Samar kaninang alas-2:30 ng madaling araw.

Sa nakaraang mga taon, naging pokus ng todong atake ng 8th ID ang Barangay San Isidro na makailang-ulit nang kinanyon, hinahalihaw at permanenteng kinampuhan ng mga pasistang tropa. Mula 2020, hindi bababa sa isang beses kada taon nagpapakawala ng mga bala ng kanyon ang 8th ID sa gubat sa palibot ng baryo. Bata-batalyong pasistang tropa ang maya’t mayang hibang na nag-ooperasyon dito.

Ang gubat sa palibot ng barangay ay pinagkukunan ng pagkain at hanapbuhay ng mga residente. Dito nangangalap ng gulay, nangangaso, nangingisda, at nangunguha ng produktong uway (rattan) hindi lamang ang mga taga-San Isidro kundi maging ang iba pang kalapit na barangay. Marami ring may sakahan sa gubat na ito at dito na mismo naninirahan.

Mula 2021, sa gitna mismo ng San Isidro permanenteng nakakampo ang mga tropang RCSP ng 8th ID. Nagdedeklara sila ng “lockdown” o paghahamlet kung saan ipinagbabawal ang mga residente na lumabas ng baryo dahil umano mag-ooperasyon sila. Marami na sa masa ang biktima ng kanilang panghaharas, pananakot, pagbabanta, at sapilitang pagpapasuko.

Noong 2022, ilang pamilya ng katutubong Mamanwa ang napalayas sa komunidad sa Kilometro 7, saklaw ng San Isidro, nang tayuan ang kanilang komunidad ng detatsment ng 8th ID. Binutasan ng mga foxhole ang kanilang mga tahanan, ninakawan ng mga kagamitan at alagang hayop, at inagawan ng hanapbuhay. Isa lang ang Kilometro 7 sa maraming sityo na malapit sa kagubatan sa palibot ng San Isidro at naligalig bunsod ng militarisasyon.

Hinihintay pa ng aming tanggapan ang detalyadong ulat mula sa kinauukulang yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Kung totoo man ang insidente sa San Isidro, dagdag na patunay lamang ito na patuloy ang todo-gera ng teroristang rehimeng Marcos laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Sukdulang kalupitan ang pang-aatake ng 8th ID sa mga komunidad ng magsasaka na sinalanta pa lamang ng habagat at pag-ulan. Patuloy nitong ginagamit ang labis-labis na pwersa sa digmaan, taliwas sa isinasaad sa internasyunal na makataong batas, sa kapinsalaan ng mga magsasaka, sa kabundukan at mga lugar kung saan sila naghahanapbuhay. Walang pakialam ang rehimen kung magdulot ang kanilang pambobomba at militarisasyon ng pinsala at troma sa mga komunidad, basta’t nakapaghahasik sila ng pasistang lagim alay sa interes ng kanilang mga kapitalista at imperyalistang amo.

Pinasisinungalingan ng todo-largang panggegera sa Northern Samar ang paulit-ulit na sinasabi ng rehimen na “pagpihit tungo sa eksternal na depensa” ng AFP, at sa hungkag na deklarasyon ni Marcos sa State of the Nation Address kamakailan na “wala nang aktibong larangang gerilya” ang BHB.

Hangga’t patuloy ang pang-aapi at pagsasamantala, habang umiigting ang pag-atake ng militar sa masa, hindi mawawalan ng dahilan ang mamamayan ng San Isidro na lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka. Ang walang puknat na pasistang terorismo ng 8th ID sa Eastern Visayas ay lalo lang nagpapaliyab sa galit at kawalang-tiwala ng masa sa rehimen, at nag-uudyok sa kanilang tanganan ang armas at isulong ang digmang bayan.

Baryo sa Northern Samar, target ng pasistang terorismo ng 8th ID