Berdugong 9th IBPA, numero unong sinungaling at lumalabag sa karapatang-tao sa prubinsya ng Camarines Norte
Hindi totoo at walang nangyaring engkwentro sa pagitan ng mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ng Armando Catapia Command at tropa ng militar noong Setyembre 23, 2023 sa Barangay Malaya bayan ng Labo, Camarines Norte.
Hindi rin totoo ang iniulat ni Lt. Col. Dennis A. Santos na mayroong isang katribu ang nahuli at kusang nagsuko. Si Erick Andaya ay isang sibilyang katutubo at walang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Ang totoong pangyayari ayon sa pagsusuri ng NPA-Camarines Norte, noong araw ng Setyembre 23, 2023 habang naglalakad ang isang grupo ng mga katribu sa Sityo Mapatong, Barangay Malaya ay nasumpungan ito ng mga nag-ooperasyong militar ng 9th IBPA at tinangka itong i-masaker. Sa gulat at matinding takot ng mga katribu ay nagsipagtakbuhan ang mga ito na naging sanhi ng paghuli sa isang kasamahan nito. Ang hinuling katribu ay ikinulong, sapilitang pinaamin na myembro ng NPA para pasukuin. Ang lugar rin na nabanggit ay bahagi at hindi kalayuan sa kanilang komunidad.
Ang mga ganitong insidente ng mga pekeng engkwentro at pekeng pagpapasuko ay hindi na bago sa masang CamNorteño. Matagal na itong modus ng NTF-ELcac, AFP-PNP upang may maipagmayabang lamang sa publiko na kanilang tagumpay. Lalo’t higit halos kalahating bilyong piso ang inilaan ng NTF-ELcac sa prubinsya sa kontra insurhensya para maghasik ng pasismo sa hanay ng mamamayan. Bukod pa na daan din ito ng mga opisyal militar at ng NTF-ELcac para sa kurapsyon o pagnanakaw ng pondo ng bayan.
Pangalawang insidente na ito ng kalupitan sa hanay ng katribuhan ngayong taong kasalukuyan, una ay ang makahayop na pagpatay ng 9th IB kay Argie Salvador noong Pebrero 2023 sa Barangay Canapawan ng bayan ng Labo habang nangunguha ng pulot-pukyutan.
Labis-labis ang pagkadesperado ng AFP na mabigwasan at mapahina ang rebolusyonaryong kilusan at NPA sa prubinsya kaya para sa kanila, malambot na target ang mga Katutubong Manide para patayin, i-masaker at maging isa sa mga pangunahing biktima ng karahasan at pang-aabuso. Isa itong malinaw na batayan ng matinding rasismo at pang-aapi sa mga Katutubong Manide.
Nananawagan ang ACC-NPA-CN sa National Commision on Indigenous People (NCIP) na dapat tulungan at ipagtanggol ang mga katribu sa pang-aabuso ng mga militar. Kung babalewalain at pababayan na lang ninyo ang mga pangyayari, saan pupunta ang ating mga katribuhan? Manindigan kayo at ilantad sa publiko ang dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa hanay ng Katutubong Manide, katulad ng tangkang pagmasaker sa grupo ng katribu at paghuli’t sapilitang pagpapasuko kay Eric Andaya.
Dapat ding ilantad, batikusin at papanugutin ang National Commision on Indigenous People (NCIP) na kasangkapan sa pang-aabuso ng militar sa mga katribu. Dapat manindigan ang sambayanan at ilantad sa publiko ang dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa hanay ng Katutubong Manide, katulad ng tangkang pagmasaker sa grupo ng katribu at paghuli’t sapilitang pagpapasuko kay Eric Andaya.”
Bukod dito, nais ipaalala ng NPA-CN na kailanman ay laging tapat ang rebolusyonaryong kilusan sa pagbibigay ng totoong impormasyon sa mimamahal nitong taumbayan, maging ito man ay kabiguan.
Nais rin iparating ng NPA-CN sa lahat ng Katutubong Manide sa prubinsya na kayo ay bahagi ng malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan na buong pusong pinaglilingkuran at ipinagtatanggol ng Bagong Hukbong Bayan laban sa mapang-api at mapanupil na reaksyunaryong estado.