Pahayag

BHB, tunay na tagapagtanggol ng mamamayan! Pulang saludo sa aktibong depensa ng BHB-Western Samar!

Pinakamataas na Pulang saludo ang ipinapaabot ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan sa Eastern Visayas sa matagumpay na aktibong depensa ng BHB-Western Samar laban sa ISAFP at Military Intelligence Batallion (MIB) ng 8th Infantry Division sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, madaling araw ng Disyembre 3. Nang may pinakamataas na pagpapahalaga sa kaligtasan ng masang magsasaka, nagawang biguin ng dalawang Pulang mandirigma ang pasistang atake ng 8th ID at nakapatay pa ng dalawang elemento nito.

Naroon sa baryo ang mga Pulang mandirigma para tulungan ang masa na sinasalanta noon ng militarisasyon, hatid ng 20 pasistang tropang tatlong araw nang nakakampo sa komunidad. Mula Oktubre pa pabalik-balik ang mga tropa ng 46th IB para pasukuin ang ilang residente ng baryo. Saksi sa panghaharas na ito ang mga kamag-anak ng target ng sapilitang pagpapasuko kasama ng buong baryo.

Nilubid na kasinungalingan ng 8th ID ang kwentong ginawa raw “human shield” ng mga kasama ang isang bata. Katunayan, ang BHB ang nagtiyak na ligtas na nakalabas ng bahay ang pamilya. Saka lamang asintadong pinaputukan ng isa sa mga Pulang mandirigma ang mga elemento ng ISAFP at MIB kung saan dalawa rito ang namatay.

Sa pagkabigla, basta na lamang gumanti at nagpaulan ng bala ang mga pasistang tropa sa direksyon ng bahay kahit na hindi pa natitiyak na wala nang sibilyan sa lugar. Mabilis na nakatalon palabas ng bahay ang dalawang Pulang mandirigma kung saan isa sa kanila ay nagtamo lang ng dalawang menor na sugat.

Kapuri-puri ang mga Pulang mandirigma ng BHB-Western Samar na sa buhay-at-kamatayang sitwasyon at lantarang pagpapasuko ng kaaway, ay mahigpit pa ring pinanghawakan ang pagtitiyak sa kagalingan ng mamamayan at hindi isinuko ang pagsisilbi sa masa at rebolusyon. Wala pa sa kalingkingan ng giting ng mga kasama ang mga duwag na tropa ng ISAFP at Military Intelligence Batallion (MIB) na tinatarget ang mga ordinaryong magsasaka sa pamamagitan ng walang humpay na panghaharas, pananakot at pagbabanta.

Kaisa ng dalawang Pulang mandirigma ng BHB-Western Samar, tinatakwil ng lahat ng yunit ng BHB sa Eastern Visayas ang mga panawagang pagpapasuko ng AFP at ng reaksyunaryong rehimeng US-Marcos. Ang pagsuko ay nangangahulugang manahimik na lamang ang mamamayan habang patuloy silang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing-uri. Sapol ng BHB-Eastern Visayas ang dakilang adhikain ng rebolusyon bilang natatanging paraan para ipagtanggol ang masang sinasalanta ng pasista at pahirap na estado, at isulong ang pagbabagong panlipunan para sa tunay na hustisya at kaunlaran.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Berdugong militar sa kanayunan, palayasin! Pasistang terorismo ng estado, biguin!

BHB, tunay na tagapagtanggol ng mamamayan! Pulang saludo sa aktibong depensa ng BHB-Western Samar!