Pahayag

Bomb threat sa syudad ng Dasmariñas, pakana ng reaksyunaryong estado upang maghasik ng takot sa mamamayan!

Peke at pawang isang kontra-insurhensyang taktika ng rehimeng Marcos Jr ang nangyaring ‘bomb scare’ sa syudad ng Dasmariñas ngayong araw upang maghasik ng teror sa mamamayan at idemonisa ang pangalan ng rebolusyonaryong kilusan.

Ang tanggapan ng National Democratic Front-Cavite ay nakakuha ng ulat na may itinanim diumano na bomba sa loob ng Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmariñas, City of Dasmariñas Arena at City of Dasmariñas Grandstand ngayong araw. Kasabay nito, may isang pekeng social media akawnt na nagtago sa pangalang “Hukbong Para sa Bayan”, nagpanggap na “NPA Cavite”, na siyang nananakot sa mga estudyante, kaguruan, at kawani ng lokal na gubyerno habang nagkakalat ng maling impormasyon na ang rebolusyonaryong kilusan ang may pakana sa likod ng ‘bomb scare’ na ito.

Kailanman, ang mga rebolusyonaryo ay hindi magpapakalat ng takot at magpapahamak ng masa. Ang namumukod-tanging may kakayahang sikmurain ang ganitong pagpapahamak sa mamamayan ay walang iba kundi si Marcos, at ang mga utak-pulbura nitong AFP-PNP sa desperasyong nyutralisahin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino.

Malaon nang lumalaganap ang mga bomb threats sa mga institusyong akademiko sa Cavite simula pa noong itatag noong 2019 ang Provincial Task Foce to End Local Communist Armed Confict (PTF-ELCAC) sa pamumuno ni DILG Secretary at ex-provincial governor Jonvic Remulla. Tugon ito ng lokal na gubyerno sa pagpapatupad ng Executive Order no. 70 ng matandang Duterte at siya ngayong pinalawig sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ni Marcos Jr. Koordinado at sistematiko hanggang sa antas-barangay ang pagpapatupad ng mga programang kontra-insurhensiya na siyang pinangungunahan ngayon ng Task Force Ugnay-2nd Civil Military Operations Battalion (TFU-2nd CMOb) katuwang ang Cavite PNP Provincial Headquarters, Philippine Army Reserve Command (ARESCOM) sa Tanza at Philippine Marines Command (PMC) sa Ternate.

Gumagamit sila ng samu’t saring pamamaraan tulad ng Community Information Awareness and Approach Program (CIAAP) upang pasukin ang mga pamantasan at komunidad sa probinsya para maghasik ng takot sa loob at ilunsad ang kanilang operasyong paniktik sa tabing ng ‘feeding programs’ at ‘relief drive operations’ upang pagmukhaing mabuti ang kanilang pakay. Nasa arsenal din nila ang pagmamaksimisa sa lokal na burukrasya kung saan nagsasampa sila ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga lider-masa sa probinsya at lumilikha ng mga anti-demokratikong resolusyon at ordinansya sa antas-munisipalidad. Lahat ay sa balangkas ng isang malawakang ‘civil military operations’ sa buong lalawigan.

Talagang itinaon pa ng estado ang ‘bomb scare’ na ito sa gitna ng mataas na ahitasyon ng mamamayang Pilipino laban sa korapsyon. Malinaw pa sa langit na ito’y pakana ng rehimeng US-Marcos II dahil sa takot niya sa ipinamalas na pagkakaisa ng mga kabataan at iba pang mamamayan laban sa kanyang kainutilan at katiwalian. Ang pasistang panunupil na pagpapakalat ng ‘bomb scare’ ay bahagi ng desperasyon ng rehimeng pagtakpan ang kanyang krimen sa bayan at saka ibaling sa rebolusyonaryong kilusan ang sisi upang palabasing terorista ito at ilihis ang atensyon ng sambayanan. Sa katunayan, minana lang ni Marcos Jr. ang naging gawi ng kanyang ama noong panahon ng batas militar na lumikha at naghasik ng ‘red scare’ upang makapagtago sa galit ng taumbayan—gawain ng mga duwag at inutil.

Tinatawagan ng National Democratic Front-Cavite ang mamamayan na mas maging mapanuri at mapagmatyag. Sa halip na tayo’y balutin ng takot, itransporma natin ito sa mas nag-aapoy na galit na tutupok sa mga pasistang atake ng Rehimeng US-Marcos II. Ilang ulit nating kundenahin at mulatin ang mamamayan sa tunay na motibo ng mga bomb threats na ito na umaantala sa arawang gawain ng mamamayan. Panagutin si Marcos at Duterte sa kanilang garapalang pagnanakaw sa kaban ng bayan at pasistang panunupil!

Bomb threat sa syudad ng Dasmariñas, pakana ng reaksyunaryong estado upang maghasik ng takot sa mamamayan!