Buwan ng mga Magsasaka, buwan ng pakikibaka

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ginugunita ng buong bansa ang Buwan ng mga Magsasaka nang mayroong kakambal na malaki at kritikal na hamon: mapagpasyang paglaban sa mga atake ng rehimeng Marcos II. Tulad ng kanyang ama, ang mga patakaran ni Marcos II ay pulos patakaran ng pang-aapi at pagsasamantala. Walang ni kaunting pagpapahalaga ang pinakabagong kinatawan ngayon ng mga naghaharing-uri sa pangunahing pwersa ng bansa – ang mga magsasaka.

Inaatake ni Marcos II ang kanilang kabuhayan. Malinaw sa unang arangkada pa lamang ng mga batas na ipinatupad ni Marcos II na wala sa kanyang prayoridad ang pagtugon sa pangunahing panawagan ng mga magsasaka na magkaroon ng tunay na reporma sa lupa. Ipinagpapatuloy at pinasasahol pa nga niya ang lubusang liberalisasyon at pagpapabaya sa lokal na produksyon. Nag-aasta siyang usurero sa paglalabas ng mga programang pautang sa halip na komprehensibo at pangmatagalang solusyon sa agrikultura. Pinahihintulutan niya ang patuloy na pang-aagaw ng lupa at rekonsentrasyon nito sa kamay ng malalaking panginoong maylupa at negosyante.

Ipinagkakait din ni Marcos II kahit ang kanilang karapatang mabuhay. Sa kumpas din ni Marcos II, nagpapatuloy ang pang-aatake ng AFP-PNP-CAFGU sa hanay ng mga magsasaka. Sa unang tatlong buwan pa lamang niya sa pwesto, walong Bikolano na ang pinaslang ng mga elemento ng militar at pulis. Anim sa kanila ay mga magsasaka. Pinatindi ang militarisasyon sa mga komunidad at baryo sa kanayunan at kabukiran. Araw-araw, pandarahas ng estado ang sinasapit ng masang magsasaka at sibilyang populasyon.

Binabaluktot ng anak ng diktador ang kasaysayan ng kanilang paglaban. Sistematikong ibinabaon ng rehimen ang mga krimen ng pamilyang Marcos laban sa mga magsasaka at ang kanilang magiting na paglaban sa lagim ng batas militar. Pilit ipinalilimot sa kasalukuyang henerasyon na mula pa noon, buong tapang nang nakikibaka ang hanay ng mga magsasaka para sa kanilang mga karapatan, buhay at kinabukasan.

Sa harap ng mga ito sampu ng iba pang mga atakeng ginagawa at gagawin ng rehimeng Marcos II laban sa mga magsasaka at sa buong bayan, malinaw ang tungkuling dapat tupdin ng mga magbubukid. Marapat lamang na buong tatag silang magbalikwas at patuloy na makibaka. Sila ang mga kamay na bumubuhay sa lipunan. Sila rin ang mga kamay na kakamit ng tunay na katarungan at paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Kasanib ng lahat ng iba pang inaaping uri, ang kanilang mga kamay ang hahawan ng landas para sa paglikha ng isang panibagong lipunang tunay na maunlad at payapa.

Buwan ng mga Magsasaka, buwan ng pakikibaka