Buwan ng Pakikiisa sa mamamayan ng India sa paglaban sa Operation Kagaar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Idinedeklara ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Buwan ng Pakikiisa (Hunyo 20 hanggang Hulyo 20) sa mamamayang Indian, laluna sa masang Adivasi (katutubo) sa paglaban sa pasistang Operation Kagaar at sa terorismo ng rehimeng Modi na sinusuportahan at sinusulsulan ng mga monopolyo kapitalistang kumpanya at imperyalistang kapangyarihan.

Tinatawagan ng Komite Sentral ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa at sambayanang Pilipino na ipamalas sa iba’t ibang paraan ang pagsuporta sa pakikibaka ng mamamayan ng India sa tumitinding brutal na gera ng panunupil at kampanyang kontra-insurhensya ng reaksyunaryong estado ng India.

Nakatuon ang gerang ito laban sa mamamayang Indian at rebolusyonaryong pwersa nila na pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist). Simula Enero, ipinatupad ng estado ng India ang kampanyang Operation Kagaar (“katapusan” sa Pilipino) bilang bahagi ng mas masaklaw na kampanyang kontra-insurhensya na Operation SAMADHAN-Prahar.

Libu-libong pwersang militar, paramilitar, pulis at mga bayarang armadong pwersa ng estado ng India ang ibinuhos sa Central India para supilin ang mamamayan. Ginagamit ito ng naghaharing estado pangunahin sa sibilyang mamamayan, mga Adivasi, aktibista, at sinumang tumututol o nangangahas magsalita laban sa pang-aapi at panunupil ng estado sa buong bansa. Tinatarget din nito ang mga rebolusyonaryong lider ng CPI (Maoist). Lantarang nilalabag ng operasyon ang internasyunal na makataong batas, mga alituntunin sa digma at natatanging mga proteksyon para sa bulnerableng mga sektor sa lugar ng armadong sigalot.

Ang kampanya ng panunupil sa India ay katulad din ng pinaigting na panunupil na kasalukuyang dinaranas ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Marcos. Kinatatangian ito ng papatinding paggamit ng malawakang pambobomba at pagtarget sa mga sibilyang komunidad. Binibigyang-daan ng militarisasyon sa India at Pilipinas ang pagpasok ng malalaking mga operasyong pagmimina, mga mapanirang dam at mga dayuhang korporasyon.

May pagsasabwatan ang kapwa pasistang rehimen ni Modi at ni Marcos. Noong Abril 19 lamang, dumating sa Pilipinas ang unang bats ng BrahMos missile weapon systems mula sa India na nagkakahalagang $375 milyon o ₱18.9 bilyon at binayaran gamit ang pondo ng bayan. Ang buwis ng mamamayang Pilipino ay ginagamit para busugin ang malalaking kapitalistang gumagawa ng armas sa India at suportahan ang rehimeng sumusupil sa mamamayang Indian.

Sa harap ng pasistang panunupil, nagpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayang Indian at mamamayang Pilipino. Kapwa nila ipinamamalas ang kagitingan sa paglaban sa terorismo at pang-aapi, puno man ng pasakit at sakripisyo. Libu-libong kilometro man ang pagitan, ang pakikibaka ng masang Indian at masang Pilipino ay nagsisilbing inspirasyon sa bawat isa.

Sa gitna ng mundong niyayanig ng mga gerang sinindihan, sinulsulan o sinusuportahan ng mga imperyalista, kailangang kailangan na magkaisa ang mamamayan ng India at sambayanang Pilipino upang isulong ang kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang pagpapalaya ng kani-kanyang bansa mula sa imperyalistang pang-aapi at dominasyon ay magsisilbing hindi matatawarang ambag sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo at para sa kalayaan at sosyalismo.

Operation Kagaar sa India, wakasan!
Ipaglaban ang lupang katutubo sa India at Pilipinas!
Labanan ang mapangwasak na pagmimina sa India at Pilipinas!
Marcos at Modi, parehong pasista-terorista!
Ibagsak ang imperyalismo!
Mabuhay ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan sa India at ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng India (Maoist) at Partido Komunista ng Pilipinas!

Buwan ng Pakikiisa sa mamamayan ng India sa paglaban sa Operation Kagaar