Pahayag

CAFGU, patay sa sakit sa tiyan matapos pinabayaan ng kanilang upisyal militar

,

Binawian ng buhay ang isang myembro ng Civillian Auxillary Forces and Geographical Unit (CAFGU) na si Judjan “Bugoy” Cortes, 25-anyos, noong gabi ng Abril 23, 2025 sa ospital sa bayan ng Cawayan sa Masbate. Tatlong araw nang namimilipit sa sakit ng tiyan ngunit pinabayaan lang ito ng kanyang upisyal militar at mga kasamahan. Dinala lang ito sa ospital matapos tawagan, makipagtunggali ang kapatid nito na dati ring myembro ng CAFGU at igiit sa upisyal militar ni Cortes ang pagpapadala sa kanyang kapatid sa ospital.

Hinala ng kamag-anak, sinadyang lasunin si Cortes.

Nangangamba naman ang kapatid ni Cortes sa kanyang kaligtasan matapos itong makipagtunggali sa upisyal militar ni Cortes para lang madala ito sa ospital. Nag-aalala rin ang mga kamag-anak na palabasing kagagawan ng NPA ang pagkamatay ni Cortes upang pagtakpan ang kapabayaan ng militar.

Kabilang si Judjan Cortes sa sapilitang nirekrut ng militar kasabwat ang dating marine na si Adriel “Boyet” Bessana, barangay chairman ng Barangay Dalipe, Cawayan. Idinestino si Cortes sa CAFGU detatsment ng Calumpang, Cawayan.

Ang mga CAFGU ay kinakasangkapan at ginagamit ng militar bilang giya sa operasyon. Naoobliga silang sundin ang atas ng kanilang mga upisyal militar na magnakaw ng mga alagang hayop, panunulisan at pamamaslang sa mga magsasaka sa prubinsya. Masahol, ginagamit sila ng militar upang wasakin ang mga nakatayong mga samahan ng mga magsasaka sa Masbate.

Ang kakarampot nilang suhol o honorarium na natatanggap bilang sahod ay madalas pang ibinubulsa ng kanilang mga upisyal militar. Masahol, ginagawa pang kabit ng kanilang upisyal militar ang kanilang mga asawa o anak na dalaga.

Ang mga myembro ng CAFGU ay mula rin sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan kung saan napilitang magpagamit sa militar para sa kanilang kaligtasan at ng kanilang pamilya. Kabilang ang mga sibilyang sapilitang pinasuko ng militar sa panahon ng pananalasa ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa nasabing programa, binabantaan ang mga sibilyan na ang sinumang hindi makipagtulungan ay itinuturing ng militar na may kaugnayan o kasapi sa NPA. Binabantaan silang sasampahan ng kaso, masahol ay pinapaslang kung hindi makipagtulungan.

Iilan sa kanila ay dating mga kasapi ng NPA na naobligang sumuko kapalit sa pangakong mabibigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya. Subalit, kabaligtaran ang nangyayari sa aktwal. Ginagamit silang mga magnanakaw at mamamatay-tao ng mga militar.

Nananawagan ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa lahat ng mga myembro ng CAFGU maging sa mga masang sapilitang sumuko na huwag niyong hayaang patuloy na gamitin o gawing kasangkapan ng militar at pulis laban sa kapwa ninyo mahirap, pinagsasamantalahan at mga inaapi.

Sa mga sibilyan naman na sapilitang nirerektut ng mga militar na maging CAFGU o ahente paniktik ng militar na sa halip na matakot ay agad na isumbong sa mga barangay upisyal o sa LGU. Higit sa lahat, maaaring lumapit sa Karapatan – Masbate o sa mga ahensyang nagtataguyod sa karapatang-pantao.

Marami ang maaaring gawain o trabahong hindi maglalagay sa inyong kapahamakan at peligro. Dapat maging matalino sa pagdedesisyon at pagpili ng landas na tatahakin ang bawat isang Masbatenyo. Hindi ang pagsuko at pagpapagamit sa mga pwersa ng reaksyunaryong estado ang wawakas sa kaapihan at pagsasamantala na nararanasan ng mamamayang Masbatenyo.

Dapat palaging isaisip at tandaan na hanggat may mga pang-aapi at pagsasamantala ay magpapatuloy ang armadong paglaban ng masang Masbatenyo. At ang pagpapatagumpay sa pambansa demokratikong rebolusyon at pagkamit sa sosyalitang lipunan lang tunay na makakamit ng mamamayan ang kaligtasan, kasaganaan at kapayapaan.

CAFGU, patay sa sakit sa tiyan matapos pinabayaan ng kanilang upisyal militar