Daan-daang kakulangan ng klasrum, libro at guro sa kabila ng 150 milyong piso confidential at intelligence fund na inilaan ni Sara Duterte para sa DepEd

,

Nasa mahigit 22 milyong estudyante ngayong pasukan ang naitala ng kagawaran sa edukasyon. Ngunit sa kabila nito, malaking suliranin din para sa mga guro at estudyante ang mahigit 159,000 na kakulangan ng mga silid-aralan, pati na ang kakulangan sa mga guro. Ito ay sa kabila ng 150 milyong piso na confidential at Intelligence Fund na nilaan ng ilehitimong bise presidente na si Sara Duterte para sa DepEd, imbes na inilaan sana sa pagpapatayo ng dagdag na mga silid-aralan at pag-empleyo ng dagdag na mga guro.

Halatang lutang at sarado rin ito sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa batay sa naging tugon nito sa hiling ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na mag-empleyo ng dagdag na 30,000 guro at paglalaan ng P100 bilyong halaga kada taon para sa pag-abot ng sukat ng klase na may 35 mag-aaral kada isang guro. Ayon sa ilehitimong bise presidente “hindi reyalistiko at imposible” ang ganitong kahilingan.

Matatandaan na nito lamang linggo, naging kontrobersyal sa mga pahayagan ang panukala ng DepEd na ipagbawal at tanggalin ang mga dekorasyon sa loob ng mga silid-aralan. Sa halip na bigyang pansin ang pagpapataas ng sahod sa hanay ng mga guro. Na ang mga kagamitan sa paggawa ng visual aid na tinutukoy ng militaristang kalihim ng edukasyon ay nagmumula sa sariling bulsa ng mga guro. Bilang bahagi ng kanilang pamamaraan sa mabilis na pagkatuto ng kanilang mga estudyante.

Kagaya ng kanyang amang militarista at mamamatay tao, ginagamit niya ang kagawaran sa edukasyon upang busalan ang unyon ng mga guro na labag sa mga karapatan nitong magbuo ng unyon at kalayaan sa paghayag ng mga saloobin.

Habang puro kapalpakan ang unang taon nito bilang kalihim ng edukasyon, nagawa pa nitong tanggapin ang pagiging co-vice chairperson ng NTF-ELCAC. Dahil dito, bukod sa matinding pagkokontrol nito sa pondo ng DepEd, mas lalong mabibigyan ng rason si Sara Duterte na magpakabundat sa milyon-milyong pondo ng confidential at intelligence fund na inilagak sa DepEd.

Pwersahan din nitong pinadadalo sa mga inilulunsad na symposium ng NTF-ELCAC at AFP ang mga estudyanteng nasa grade 11 at 12. Ang mga lektura at symposium na ibinibigay ng mga pasistang ito ay nagdudulot ng sikolohikal na atake at gayun din ang pagpigil sa karapatan ng mga estudyante sa pamamahayag at pagsikil sa kanilang kalayaan na pumaloob sa mga nais nilang organisasyon. Ang ganito ring aktibidad ay labag sa konsepto ng edukasyon na dapat ay “mapagpalaya at di-mapanupil.”

Malinaw na hindi epektibo at inutil ang militaristang si Sara Duterte bilang kalihim ng edukasyon. At dapat na patuloy na ipanawagan ng mga guro at mamamayan na patalsikin ito sa kagawaran sa edukasyon. Lalo higit pa sa pagkakatalaga nito bilang co-vice chairperson ng NTF-ELCAC, na pangunahing naging katuwang ng AFP at ng kanyang ama sa malawakang pagpatay at paghahasik ng terorismo sa buong bansa. Hindi nararapat ang isang militarista at mapanupil na kalihim sa loob ng kagawaran sa edukasyon.

Daan-daang kakulangan ng klasrum, libro at guro sa kabila ng 150 milyong piso confidential at intelligence fund na inilaan ni Sara Duterte para sa DepEd