Dagdag na mga punto kaugnay sa husga ng korte laban sa teroristang bansag kontra sa PKP/BHB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChinese

Tulad nang nauna namin naisaad, hindi saklaw ng konstitusyong 1987 ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at hindi nakapailalim sa hurisdiksyon ng mga korte ng Guberyno ng Republika ng Pilipinas (GRP). And PKP at Bagong Hukbong Bayan ay umiiral sa ilalim ng mga batas ng demokratikong gubyernong bayan at tumutupad sa mga gawain nito na sang-ayon sa pambansa at demokratikong mga interes ng mamamayang Pilipino.

Gayunman, itinuturing naming nagpapatuloy na responsibilidad sa publiko na ilantad ang mga kasinungalingang ipinakakalat ng GRP, laluna ng Armed Forces of the Philippines. Ang mga kasinungalingang ito ay inihapag ng Department of Justice ng GRP sa Manila RTC sa bigong kaso nito para bansagang “terorista” ang PKP/BHB.

Tinukoy ng DOJ ang siyam na kaso ng “pag-atake laban sa mga sibilyan.” Ipinawalang-saysay ng Manila RTC ang mga insidenteng ito at sinabing “terorismo” ang mga ito dahil hindi ito “nagdulot ng malawakang lagim” sa populasyon. Kauna-unawa, hindi na binusisi ng korte ang bawat kaso, at bumatay na lamang sa mga testimonya ng DOJ, pangunahin ng AFP at mga ahente nito.

Para bigyang linaw at makatulong sa publiko na palalimin ang kanilang pag-unawa sa kasalukuyang umiiral na digma sa bansa, inihahapag namin sa ibaba ang dagdag na mga detalye sa lima sa mga kasong ito, habang patuloy naming tinitipon ang impormasyon kaugnay ng iba pa.

1) pagpatay kay Bandi Astudillo at Zaldy Ibañez noong Marso 19, 2020.

Taliwas sa mga pahayag ng DOJ, sina Astudillo at Ibañez ay hindi mga sibilyan. Sila ay mga kasapi ng lokal na grupong paramilitar na Bagani, at aktibong lumalaban sa BHB, at kung gayon, ay mga lehitimong target militar. Aktibo silang nagrerekrut para sumapi sa CAFGU, nag-eespiya laban sa mamamayan, at humuhuthot ng pondo mula sa programang E-CLIP ng AFP gamit ang pangalan ng mga residenteng nilista na “sumurender.”

Bukod pa, isinakdal si Bandi sa kasong panggagahasa sa kanyang sariling apo, at sa tangkang paggahasa sa kanyang pamangkin. Si Ibañez naman, ay sinampahan ng kasong pagpaslang at pagnanakaw.

Sangkot sila sa iligal na pangangamkam sa lupa ng mga Lumad at pagbebenta sa mga walang kaalam-alam na mamimili. Galit na galit ang mamamayan ng Barangay Magruyong laban kay Astudillo dahil sa pagtatayo niya ng isang ‘toll gate’ sa daanan ng barangay papuntang Sitio Inadan kung saan pinagbabayad niya ang lahat ng dumadaan dito. Ginamit niya ang kanyang armadong lakas para pahirapan ang maliliit na mga magtotroso sa sityo, habang siya at ang kanyang pamilya ay kilala sa walang-habas na pagpuputol ng mga puno.

Makailang ulit na nagbigay ng babala (noong 2003, 2006 at 2012) kina Astudillo at Ibañez ang mga rebolusyonaryong awtoridad sa erya at hiniling na itigil ang kanilang pagkakasangkot sa kontrainsurhensya at kriminal na mga aktibidad. Imbes na huminto, pareho silang nagpatuloy sa kanilang anti-mamamayang mga aktibidad.

2) pag-ambus kay Jomar Bocales at mga kasamahan niya noong Oktubre 4, 2021

Hindi rin “sibilyang biktima” si Jomar Bocales, taliwas sa sinasabi sa kaso ng DOJ laban sa PKP. Siya at kanyang mga kasamahang sina Alberto dela Peña at Artemio Moldez ay armado nang tambangan ng isang yunit ng BHB sa Surigao del Sur. Mahigpit silang nakipagpalitan ng putok at namatay sa pakikipaglaban.

Kilala si Bocales bilang pangunahing lider ng grupong paramilitar na Magahat na armado, sinanay at nagtatrabaho para sa 75th IBPA. Sina Dela Peña at Moldez ay parehong kasapi ng Cafgu.

Kilala si Bocales sa pamumuno sa grupong paramilitar na Magahat na nagsagawa ng madugong Lianga Massacre noong Setyembre 1, 2015 kung saan pinatay niya at kanyang mga tauhan si Emerito Samarca, Executive Director ng paaralan ng komunidad na Alcadev, Datu Bello Sinzo at Dionel Campos, mga lider ng lokal na grupong MAPASU.

Bantog rin ang Magahat sa kanilang malalalang paglabag sa karapatan ng mga Lumad. Responsable sila sa pwersahang rekrutment sa Cafgu, pagtortyur, panggagahasa, pagnanakaw at pagpaslang. Nagsisilbi silang mga taga-giya sa mga operasyong militar na makailang-ulit nang pumwersa sa mga komunidad ng Lumad na magbakwit, sa layuning hawanin ang daan para sa pagpasok ng mga kumpanyang mina sa Andap Valley Complex.

3) pagkasugat sa titser na si Eli Apacible sa Tandag City, Surigao del Sur

Si Eli Apacible ay isang guro sa elementarya sa Sityo Hitaob, Barangay Awasyan, Tandag City. Isa siyang sibilyan at hindi target ng aksyong militar ng BHB. Sa kasamaang palad, noong Oktubre 16, 2020, kahalubilo niya ang mga sundalo, at nakasuot ng sumbrerong pangmilitar nang maglunsad ng operasyong haras ang isang pangkat ng BHB laban sa mga sundalo na sumasakop sa erya ng paaralan noong panahong iyon. Kinilala ng BHB ang kanilang kamalian sa kabiguang tukuyin ang presensya ng isang hindi militar sa lugar. Gayunpaman, ipinakikita rin ng insidente ito kung paanong ang pagkakampo ng militar sa mga komunidad, kabilang ang paggamit sa mga paaralan at sentro ng barangay, ay naglalagay sa peligro sa buhay ng mga sibilyan.

4) pagdukot sa pitong sibilyan, kabilang si Ryard Badiang na malao’y pinugutan ng ulo

Si Ryard Badiang ay dating aktibong kasapi ng CAFGU sa Sityo Ebuan, Barangay Mampi, Lanuza, Surigao del Sur. Target siya ng operasyon ng BHB sa lugar laban sa armadong mga elemento, espiya at aset ng AFP na aktibo sa kampanyang panunupil ng militar sa erya.

Noong Mayo 30, 2019, kasama ni Badiang si “Batik”, isang 15-anyos na kasapi ng CAFGU. Pareho silang nadakip ng isang tim ng BHB. Mayroon pang limang ibang residente sa lugar na dinakip ngunit pinahintulutang umuwi matapos mapatunayan ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga residente sa lugar. Bagaman aktibo sa CAFGU, pinahintulutang makauwi si Batik, bilang konsiderasyon sa kanyang pagiging menor-de-edad. Inatasan siyang sabihan ang pamilya ni Badiang kung saan matatagpuan ang mga labi nito.

Walang katotohanan ang sinasabing pingutan ng ulo si Badiang. Nakalulungkot na inabot nang mahigit isang linggo bago kunin ng pamilya, mga sundalo at kasapi ng CAFGU ang mga labi ni Badiang. Sa panahong ito, malamang na sinila na ito ng mga mabangis na hayop, dahilan na magkalagas-lagas iyon na malamang ay nasa abanteng yugto na ng pagka-agnas.

5) pagsunog sa kapilya at kabahayan sa Misamis Oriental

Noong Mayo 28, 2022, sinabi ng militar sa isang pahayag sa midya na ang BHB ang nasa likod ng pagsunog sa isang kapilya at mga kabahayan sa Barangay Limunda, Opol, Misamis Oriental. Sa kasong inihapag sa Manila RTC, inilatag ng DOJ ang testimonya ng mga residente na nagpalagay na ang mga armadong lalaki ay mga kasapi ng BHB dahil nakasuot sila ng “botas at maitim na damit.”

Isa itong gawa-gawang ulat. Ayon sa panrehiyong kumand ng BHB sa North Central Mindanao, walang yunit ng BHB sa erya noong panahong iyon. Batay sa impormasyong nakalap, ang insidente ay malamang kinasasangkutan ng lokal na mga bandido at kalabang angkan sa lugar.

Sa ipinakita sa itaas, ang naturang mga insidente ay pumapaloob sa lehitimong aksyon sa digma na nakatuon sa target militar, partikular, sa mga ahente at pwersang paramilitar na mga armado, sinanay at pinasasahod ng AFP, at sangkot sa kriminal at anti-mamamayang mga aktibidad. Para siraan ang BHB, regular na pinalalabas ng AFP na mga “sibilyan” ang mga espiya, ahente at pwersang paramilitar nito.

Ang mga aksyong ito ay sang-ayon sa Declaration of Undertaking to Apply the Geneva Conventions of 1949 at Protocol I of 1977 na inilabas ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong 1996.

Tumatalima ang BHB sa deklarasyong ito sa kondukta ng mga pag-atake nito laban sa armadong kalaban para protektahan ang sibilyang populasyon at tiyakin ang karapatan ng mga hors de combat.

Sa naunang deklarasyong binanggit sa itaas, tinukoy ng NDFP ang mga yunit, personel at pasilidad ng AFP, ng Philippine National Police, pwersang paramilitar at kanilang personel sa paniktik bilang lehitimong mga target ng pag-atakeng militar ng BHB.

Dagdag na mga punto kaugnay sa husga ng korte laban sa teroristang bansag kontra sa PKP/BHB