Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Ariel "Ka Karl/Ka Ned" Arbitrario: matatag na haligi ng Partido, magiting na proletaryong rebolusyonaryo
“Ang magbuhos ng dugo para sa bayan ay kagitingang hindi malilimutan.”
Iginagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KT-KRCV) at ng Pangrehiyong Kumand sa Operasyon (ROC) ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command) ang pinakamataas na pagkilala at pagpupugay kay Kasamang Ariel “Ka Karl/Ka Ned” Arbitrario, magiting na lider komunista at matayog na haligi ng rebolusyong Pilipino. Nakatanghal ang lahat ng sandata ng mga kumander at mandirigma ng BHB sa paggawad ng pinakamatikas na Pulang saludo at parangal sa kanyang maningning na buhay at kabayanihan, gayundin sa lahat ng di-matatawarang naging ambag at sakripisyo niya sa pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyon.
Kasama ang lahat ng kasapian ng Partido, mga pambansa-demokratikong pwersa, mga alyado at kaibigan ng rebolusyon at ang buong mamamayang Pilipino, taos-pusong nakikiramay at nagdadalamhati ang KRCV at mga mamamayan ng Cagayan Valley sa naulilang pamilya, mga anak, kamag-anak, kaibigan, at kakilala ni Ka Karl. Hindi magmamaliw ang kanyang diwa at alaala at habampanahong dadakilain ang kanyang naging buhay at pakikibaka.
Pinapalabas ng pasistang tropa ng 502[nd] Infantry Brigade, 5[th] Infantry Division na nabuwal si Ka Karl sa isang depensibang labanan sa Baliuag, Penablanca, Cagayan noong umaga ng Setyembre 11, 2024 at nakita lamang ang kanyang bangkay pagkalipas ng dalawang araw. Ngunit malaki ang batayan upang maniwalang wala siyang kakayahang lumaban nang makuha ng mga berdugo, isinailim sa matinding tortyur at interogasyon hanggang sa tuluyang pinaslang. Magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin inililitaw ng AFP ang kanyang mga labi at pinahihirapan ang kanyang pamilya sa pagkuha nito.
Haligi ng Partido
Tubong Davao si Ka Karl. Ipinanganak siya noong Nobyembre 1969 at nagmula sa uring petiburgesya. Kontraktor ang kanyang ama kaya kahit estudyante pa lamang siya noon ay sinasanay na siya bilang inhinyero. Ngunit sa halip na ilaan ang talino para sa sariling kaginhawaan, mas pinili niyang ialay ito para sa pagpapalaya ng bayan. Nasa ikaapat na taon na siya ng kursong BS Civil Engineering sa Ateneo de Davao University nang magpasya siyang buong-panahong kumilos bilang aktibista at lider-kabataan. Kasapi na siya ng Partido simula 1986 at naging pultaym na Partidista mula 1988.
Mayaman sa karanasan at kasanayan sa pamumuno si Ka Karl, sa kilusan man sa kalunsuran o kanayunan. Tumayo siyang kalihim ng RYS-SMR mula 1988-1993. Apat na taon din siyang nangalihim sa RUFC hanggang 1997. Taong 1996 naman nang nahalal siya ng Komperensya ng Partido sa Southern Mindanao Region (SMR) bilang regular na kagawad ng KR-SMR at naging kagawad ng KTKR-SMR taong 2001. Nangalihim din siya sa isang komiteng larangan (Front 2) sa SMR mula Pebrero 1997 hanggang Disyembre 1999. Dahil sa kondisyong medikal, nailipat siya sa gawain sa kalunsuran mula 2000-2007 kung saan naging kagawad siya ng kalihiman ng RWAC-SMR at naging kalihim nito noong 2000-2002. Mula 2003 naman hanggang 2007 ay nangalihim siya sa Mindanao Urban Work Staff. Taong 2008 na siya nakabalik sa kanayunan kung saan hinirang siyang kagawad ng subregion (SR) at kalauna’y naging kalihim nito hanggang sa mahuli ng kaaway noong Pebrero 2008 dahil sa mga gawa-gawang kaso.
Sa bisa ng pagbubukas ng negosasyong pangkapayapaan noong 2016, nakalaya si Ka Karl bilang isa sa mga peace consultants na uupo sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Kasama ang buong delegasyon ng NDFP, masigasig niyang iginiit at ipinaglaban ang mga kahilingan ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga kasunduan upang bunutin ang ugat nga armadong tunggalian sa Pilipinas at kamtin ang tunay na makatarungan at matagalang kapayapaan. Ngunit nang tuluyan nang naghubad ng maskara si Rodrigo Duterte at ipinakulong ang mga NDFP consultants at iniurong ang usapang pangkapayapaan noong Nobyembre 2017, sa Lambak ng Cagayan na kumilos si Ka Karl kung saan naitalaga siyang kalihim ng Komiteng Probinsya (KP)-Cagayan simula Agosto 2018 at kagawad ng KT-KR hanggang napaloob sa Kalihiman ng KR noong 2021.
Proletaryong Rebolusyonaryo
Dahil taglay ni Ka Karl ang mataas na rebolusyonaryong diwa, mabilis siyang nakaangkop sa buhay ng mga magsasakang Ilokano at mga pambansang minoryang Agay, Kalinga at Isneg. Mabilis din niyang nailapit ang sarili sa mga kasama, kapwa sa mga bagong sampa at sa mga kadre. Matiyaga niyang inaral ang mga lagom na karanasan ng rehiyon, ang obhetibong kalagayan nito, at nakipag-aralan din sa mga masa at kasama upang epektibong makapamuno. Bagamat nakatatandang kadre, kailanman ay hindi siya kinakitaan ng pagmamataas o pagmamayabang. Bagkus, bukas siyang matuto ng mga bagong estilo at pamamaraan, gayundin na nagtuturo at gumagabay sa kolektibo at pinamumunuan. Krusyal ang mga panahong namuno si Ka Karl sa Cagayan at sa buong rehiyon. Ito ang mga taong may mahigpit na pangangailangang isustine ang mga pagsisikap na mapangibabawan ang konserbatismo at emperisismo, mga kahinaang natukoy sa kilusang pagwawasto noong 2016.
Bilang kalihim ng probinsya, pursigido siyang mahusay na mapamunuan at kolektibong makapamuno ang buong komite sa kalagayang pinaghihiwalay ng malaking ilog ang mga kadre at larangan. Gayunpaman, lagi niyang tinitiyak na matamang nagagabayan ang mga yunit kapag may kinakaharap na mga sagabal sa proseso ng pagpapatupad ng mga gawain at nagsisikap na koordinado at nasa kumpas ang mga programa, at maagap na natatalakay ang mga napapanahong tagubulin. Tinitiyak niyang regular na nakakapagdaos ng pulong ang mga grupo at komite, gayundin ang pangangasiwa ng pamalagiang komite sa mga nakabababang yunit.
Malaki ang pagpapahalaga ni Ka Karl sa rebolusyonaryong pag-aaral. Upang mapalakas ang organisasyon, sinisiguro niyang tuluy-tuloy na umaangat at lumalalim ang pag-unawa ng mga kadre’t kasapi sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mahusay siyang propagandista at edukador. Epektibo niyang naipapatagos sa mga pwersa ang mga paninindigan, programa at patakaran ng Partido, at napatataas ang rebolusyonaryong optimismo, katapangan at kabayanihan. Sa araw-araw na pagharap sa mga gawain, palagi niyang isinasabuhay ang materyalistang pananaw at dialektikong pamamaraan ng pag-iisip at paggawa. Wala siyang kapaguran sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos.
Mahusay sa pagpapanday at pangangalaga ng kadre si Ka Karl. Mapangahas niyang itinatalaga at sinasanay ang mga kasama upang malinang ang kasanayan ng bawat isa. Sa kanyang pamumuno, naigpawan ang konserbatismo sa promosyon sa mga kadre at kalauna’y nakapagpalitaw ng mga bago, optimistiko at palabang mga kadre, lalo na sa hanay ng mga kabataang magsasaka, petiburgesya at pambansang minorya na walang pagtatangi sa kasarian, na nagtataglay ng mauunlad na ideya at pamamaraan. Kasabay nito ay isinasabak sila sa aktwal na pamumuno at pagpapatupad ng gawain, nagbubukas ng mga oportunidad upang maipamalas ang mga kakayahan, binibigyan ng mga pagsasanay at programadong pag-aaral. Nagdulot ito ng makabuluhang resulta sa larangan ng ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar. Madulas ang daloy ng sentralisadong pamumuno at desentralisadong operasyon. Dahil mas marami nang kadreng kayang makapamuno, mahusay ang paggana ng platun gerilya at ang platun bilang saligang pormasyon. Mas malawak at mas marami na ring masa ang naaabot at napanghahawakan ang balanse ng pagpapalawak at pagkokonsolida.
Larawan ng optimismo si Ka Karl. Sa mga pulong, pinapagaan ng malakas niyang halakhak ang mga usaping mabibigat. Sa mga pagkakataong nahihirapan ang mga nakabababang komite na magsuri o magdesisyon, laging gumagabay si Ka Karl sa mga kasama gamit ang Marxista-Leninistang pananaw sa mga bagay-bagay. Pamarisan siya sa diwa ng pagkakaisa. Matapang siyang nakikitunggali at naghahapag ng pagtingin ngunit hindi arogante at mapanghati. Sa pagsusuri sa kalagayan at pag-unawa sa mga kasama, palagi niyang hinahati ang isa sa dalawa. Siya ang nagpapasimple sa mga konsepto at gawaing komplikado o tila imposibleng mapangibabawan. Sa harap ng walang-puknat na RCSP at FMO ng kaaway sa mga komunidad, blokeyo sa ekonomya, terorismo mula sa himpapawid, o pamamayani ng takot ng masa, kailanman ay hindi siya nanlumo at pinanghinaan ng loob. Malalim ang tiwala niya sa lakas ng masa. Lagi niyang ipinapatagos ang esensya ng “Ang mga mamamayan hindi ang mga bagay ang mapagpasya.”
Lubos ang pagmamahal ni Ka Karl sa masa at sa rebolusyon at mahigpit ang pagsalig niya sa lakas at kakayahan nila. Kung kayat kahit may iniinda na siyang karamdaman at kung minsan ay nahihirapang sumabay sa maniobra, hindi ito naging hadlang upang huminto siya sa pagkilos sa kanayunan. Pursigido siya sa paglulunsad ng agraryong rebolusyon at pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal, antipasista at anti-imperyalista. Katulad ng mga kadre at kasapi sa loob ng hukbo, mapangahas din siya sa pagtatalaga ng mga tungkulin sa mga bagong aktibista at kasapi ng Partido sa lokalidad na itayo ang pamunuan ang kanilang sariling gubyerno. Sa buong panahon ng kanyang pamumuno, ni kailanman ay hindi isinantabi o ipinagwalang-bahala ang tungkuling ipagtanggol ang masa laban sa mga ganid at mapagsamantala. Sa bawat panahon, binigyang-diin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang parusahan at bigwasan ang kaaway. Sa pagpaplano nito, lagi niyang tinitiyak na bahagi ang masa sa paghahanda at implementasyon nito, lalong higit ang epektong pampulitika nito sa kanila.
Sa panahon ng pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan matapos magtamo ng mga pinsala at pansamantalang pag-atras dahil sa mga internal na kahinaan at kamalian, matapang na nagpuna sa sarili si Ka Karl sa kanyang mga naging pagkukulang. Ipinamalas niya ang determinasyong iwasto ang mga pagkakamali, at matalinong humalaw ng aral mula sa mga ito.
Sa edad na 54, katuwang ni Ka Karl ang mga kabataan at nakababatang Pulang mandirigma sa pagtawid sa rumaragasang mga ilog, pag-akyat sa matatarik na bundok, patungo sa mga kapatagan para lamang maabot ang malawak na masa ng mamamayan at paglagablabin ang kanilang rebolusyonaryong diwa.
Malaking kawalan sa Partido at sa masa ang pagkawala ni Ka Karl, na tumayong gabay at pundasyon ng rebolusyonaryong kilusan hindi lamang sa Lambak Cagayan kundi sa buong bansa. Subalit itinuturo sa atin ng materyalistang pananaw sa kasaysayan na tunay ngang mahalaga ang mga lider ngunit ang mamamayan ang tagapaglikha ng kasaysayan. Iniwan niya ang pamana ng kasigasigan, kolektibong pamumuno, pagpuna at pagpuna-sa-sarili, matamang pag-aaral ng MLM at paglalapat nito sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino.
Hindi kailanman malilimutan ng mga kasama ang nag-iisang Ka Karl na mapagkasama, masayahin, palangisi, palakanta, makulit, mapagbigay, madaling lapitan, masarap kakwentuhan sa kahit anumang bagay, handang makinig sa payo at nagbibigay ng payo.
Ang pagkawala ni Ka Karl ay hindi katapusan, bagkus ito ay bagong simula. Sapagkat ang kanyang dugong naidilig sa lupa ay magluluwal ng pakikibaka at puot laban sa sistemang kumikitil sa buhay ng mga naninindigan para sa paglaya ng mga pinagsasamantalahang uri. Nangangarap nang gising ang kaaway sa pag-iisip na panghihinaan ng loob ang masa’t mga kasama sa kanyang pagpanaw. Dahil sa malakas at solidong pamumunong iniwan ni Ka Karl, nakahanda ang mga kasama na ubos-kayang isabalikat ang mabibigat na tungkulin upang kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
Habampanahong dadakilain ng sambayanang Pilipino, laluna na ng mga magsasaka at masang Lumad sa Mindanao, at mga pambansang minorya ng Cagayan at Apayao, si Kasamang Ariel “Karl” Arbitrario, komunistang kadre at upisyal sa pulitika, huwaran sa katapangan at kabayanihan, at lahat ng kanyang mga naging ambag sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas.
Pagpugayan ang kabayanihan ni Ariel “Ka Karl” Arbitrario!
Mabuhay ang alaala ng lahat nga mga martir!
Hustisya para kay Kasamang Ariel “Ka Karl/Ka Ned” Arbitrario at sa iba pang martir ng Peñablanca!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!