Dakilain ang maningning na buhay-pakikibaka ni Susan "Ka Wena" Ritual! Mahusay na Pulang kumandera, mapagmahal na doktor ng masa, kadre ng Partido't Hukbo sa Gitnang Luson
Isang huwarang rebolusyonaryong katutubong Dumagat mula sa Aurora ang namartir noong ika-28 ng Nobyembre sa Famy, Laguna habang magiting na nakikidigma sa pasistang kaaway. Mula kabundukan, karagatan, hanggang sa malawak na kapatagan ng Gitnang Luson, tumatangis ang mga masa at kasama sa kanyang pagkabuwal. Habang buhay na nakaukit sa puso ng sambayanan ang kanyang kabayanihan.
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng NPA-Josepino Corpuz Command sa dakilang ambag ni Ka Wena sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Hanggang huling hininga, taas-noo at matapang niyang tinanganan ang mapanlabang diwa ng pagiging tunay na hukbo ng mahihirap.
Si Ka Wena ay mahusay na pulang kumandera ng Bagong Hukbong Bayan. Pinanday siya ng kanyang mga karanasan sa pakikidigma sa loob ng dalawang dekadang pagkilos. Natural na mapagkalinga at mapagmahal, nag-aral at umusbong ang kanyang husay sa pagiging doktor ng masa. Ang kanyang kakayahan sa pulitika at sa larangan ng militar ay tunay na may malaking ambag sa pagsusulong ng digmang bayan sa Gitnang Luson.
Nilakbay ni Ka Wena ang buong rehiyon upang isulong at palakasin ang armadong pakikibaka sa bawat larangan. Sa kabundukan ng Caraballo, kilala siya bilang si Ka Joy. Sa kabundukan ng Sierra Madre sa Aurora, Nueva Ecija, at Nueva Viscaya, siya si Ka Daves, Sale, Wenna. Sa mga kabundukan ng Tarlac-Zambales, siya si Ka Bing, Mina, Neen, Bonna. At sa mga kabundukan ng Timog-Katagalugan, siya si Ka Gemma.
Kabataang mandirigma
Bilang isang katutubong Dumagat, maagang namulat si Ka Wena sa hirap ng buhay lalo na sa hindi pantay na pagtrato ng lipunan sa mga kagaya niyang pambansang minorya. Walang pribileheyong makapagpatuloy sa pag-aaral, kaya sa murang edad ay naranasan niyang maging kasambahay upang makatulong sa hanap-buhay ng pamilya.
Bata pa lamang ay pangarap na ni Ka Wena maging NPA. Manghang-mangha siya tuwing nakakakita ng mga hukbo sa kanilang lugar, lalo na ang mga kababaihang armado. Ngunit hindi pa niya noon lubos na unawa kung bakit may hukbo sa kanayunan. Nang sumampa sa NPA ang kanyang isang kamag-anak, walang pagdadalawang-isip na sumama siya rito kahit pa nga wala pa sa hustong gulang. Itinuring siyang non-combatant ng ilang panahon at sa pagtungtong niya ng edad 18 ay naging ganap nang mandirigma ng NPA.
Sa loob ng hukbo ginugol ni Ka Wena ang kanyang kabataan. Dito na rin siya nag-aral at natuto na magbasa at magsulat. Higit niyang mauunawaan ang pinaglalaban ng NPA dahil sa mga pormal at impormal na talakayan. Sa loob siya ng hukbo mamumulat sa kawastuhan ng paglulunsad ng digmang bayan. Ito ang bumuo at nagpatibay sa kanyang rebolusyonaryong determinasyon at paninindigan.
Huwarang rebolusyonaryo
Pinanday ng mga hamon ng kanyang panahon si Ka Wena. Sinubok ng iba’t ibang tunggalian at kahinaan sa loob ng Partido ang kanyang katatagan at paninindigan. Sa kabila ng mga kamalian at kahinaan ng organisasyon, nanalig at nagtiwala pa rin siya sa Partido. Obhetibo niyang tiningnan ang mga usapin at sinikap na hindi ito makaapekto sa pagtupad niya ng mga tungkulin.
Isa rin siyang rebolusyonaryong ina. Kahit pa nga matindi ang pressure at panunulsol ng kaaway sa kanyang anak at kapamilya, walang-maliw pa rin siyang nagsusulat at nagpapaliwanag sa kanila kaugnay sa kanyang piniling buhay. Tapat siya sa kanyang mithiing magpanday ng isang lipunang makatarungan para sa kanyang anak at sa susunod na henerasyon. Sumurrender at nagpagamit man sa kaaway ang asawa ni Ka Wena ngayong taon, hindi ito naging mapagpasyang sirkumstansya upang iwan niya ang landas ng rebolusyon. Mabigat man sa dibdib, tinanggap niya ang pangyayari at nanatiling naninindigan at pirmis sa paglulunsad ng armadong pakikibaka.
Higit sa angking kakayahan, ang isang katangiang tampok kay Ka Wenna ay ang pagiging busilak ng kanyang puso. Isa siyang mabuting rebolusyonaryo. Aktwal siyang nagpapakita ng wastong aktitud upang maging isang halimbawa para sa iba. Mapagmalasakit sa mga kasama at sa masa, laging nagpapaubaya, nagbibigay, inuuna ang iba bago ang sariling pangangailangan o kagustuhan. Handang umatang ng mga karagdagang hirap at sakripisyo.
Kadre ng Partido’t hukbo
Buong-pusong tinutupad ni Ka Wena ang mga tungkuling iniaatas sa kanya. Maliit man o malaki, wala siyang pag-aatubili at may ngiti niyang gagawin ang mga ito. Walang inaatrasang hamon.
Masugid siyang mag-aaral ng Marxismo. Kaya’t kahit hindi nakapagtapos sa burgis na eskwelahan, nahubog siya bilang isang rebolusyonaryong intelektwal. Armas niya ito upang mapahusay ang kasanayan sa larangang medikal, mas maging matalas bilang pampulitikang instruktor, at maging epektibong kumander.
Sa pagsampa niya sa hukbo ay una siyang naging medic ng platoon, minahal niya ng lubos ang tungkuling ito, marami siyang masa at kasama na kinalinga at ginamot. Kalaunan, tinanganan niya ang tungkulin ng pagiging Giyang Pampulitika, Pampulitikang Instruktor, Squad Lider, Vice Platoon Lider, at Platoon Lider. Si Ka Wenna ay isang komprehensibong kadre ng Partido’t Hukbo na malaki ang naging papel sa bawat larangan na kanyang kinilusan.
Mahalaga ang ginampanang papel ni Ka Wenna sa mga depensibang labanan sa buong taon ng 2024. Pinangunahan niya ang sunud-sunud na depensibang labanan hanggang sa labanan sa Malbang, Pantabangan kung saan mahusay niyang naiatras ang mga natitirang pwersa matapos ang mapait na karanasan ng pambobomba at strapping ng kaaway. Ipinamalas niya ang rebolusyonaryong katatagan at kasigasigan sa gitna ng gipit na sitwasyong dinanas ng buong yunit ng hukbo.
Iwinagayway ni Ka Wenna ang bandila ng mga kababaihan at pambansang minorya, lalo na ang kanyang Tribung Dumagat na buong-puso siyang pinagmamalaki. Isa siyang patunay na hindi sagka ang kasarian, ang lahing pinagmulan, at ang pisikal na limitasyon upang maging isang mahusay na rebolusyonaryo.
Nagdadalamhati ang sambayanan, at kasabay ng pighati’y patuloy na ikukuyom ang kamao. Walang ibang pinakamataas na pagpupugay at pagkilala sa mga martir ng rebolusyon kundi ang pagpapatuloy sa kanilang mga naiwang tungkulin at gawain. Habang buhay nating dakilain ang kabayanihan ni Ka Wenna, panghugutan ng inspirasyon ang kanyang rebolusyonaryong tapang!