Dakilain ang rebolusyonaryong buhay at pakikibaka ng mga martir ng Nasugbu 14!
Tayo’y sama-samang magtirik ng mga kandila at mag-alay ng ating mga rebolusyonaryong awitin ngayong inaalala natin ang 14 na pulang mandirigma o ang binansagang Nasugbu 14 na namartir noong Nobyembre 28, 2017 sa isang operasyong ambus ng AFP-PNP sa National Highway sa Barangay Aga at Kaylaway, Nasugbu, Batangas. Ang kanilang yunit ay nasa proseso ng paglipat upang puntahan ang isang baryo ng mga magsasaka na biktima ng pangangamkam ng lupa ni Henry Sy nang sila’y tambangan ng pinagsamang elemento ng AFP-PNP. Magiting silang nakipagpalitan ng putok at nagawa pang makapatay ng lima habang naiwang sugatan ang apat na kaaway.
Pinakamataas na pagpupugay at pagdakila kina Henry “Ka Jessie” delos Reyes, Joshua “Ka Maru” Hernandez, Carl “Ka CJ” Labajata, Evelyn “Ka Anna” Nuestro Manalo, Anne “Ka Bella” Casilac, Glenmark “Ka Zenki” Aytona, Anthony “Ka Jasmine” Pilit, Alfred “Ka RM” Cadag, Zaldy “Ka Venus” Aurin, Julieto “Ka Buwi” Pellazar Jr., Josephine “Ka Ella” Lapira, Roberto “Ka Hasan” Dolleton, Kamil “Ka Alex” Manangan at Graciela Mae “Ka Alena” Penkian Pacaldo.
Kasabay ng ating pag-alala, inaalayan ng pinakamataas na pagpupugay at pulang pagsaludo ng National Democratic Front-Cavite at sampu sa rebolusyonaryong mamamayan ng lalawigan sina Roberto “Ka Hassan” Dolleton at Carl “Ka CJ” Labajata bilang mga martir na nagmula sa lalawigan. Ngayong ika-7 anibersaryo ng kanilang pagkamartir, sariwain natin ang kanilang dakilang buhay at pakikibaka at gawing inspirasyon ang kanilang pagharap sa kahirapan, sakripisyo at kamatayan—ang maliwanag pa sa buwang katangiang tinataglay ng isang rebolusyonaryo, isang komunista.
Si Kasamang Hassan o Roberto Dolleton ay tubong Dasmariñas, Cavite at nagmula sa uring manggagawa na nagtrabaho sa isang pagawaan bilang foreman. Dati rin nagtrabaho sa Middle East si Roberto bilang OFW. Mayroon siyang mga anak subalit hiwalay sa kanyang unang asawa. Ngunit magkakaroon si Ka Hassan ng karelasyon sa loob ng rebolusyonaryong kilusan na naghudyat sa kanyang pagkamulat. Taong 2015 nang unang makadalo si Ka Hassan sa ika-46 taong anibersayo ng pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan. Ito ang unang pagkakataon na makakapasok si Ka Hassan sa isang sonang gerilya at mamumulat sa armadong pakikibaka.
Hindi magtatagal, mamumuo ang kapsyahan ni Ka Hassan na sumampa sa kanayunan at magsilbi bilang buong-panahong pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa probinsya ng Batangas. Nakitaan siya ng husay sigasig sa pagpapatupad ng kanyang mga gampanin bilang P4 ng kanyang yunit. Mahusay ang nagiging daloy ng mga iskedyul at pang araw-araw na suplay para sa pangangailangan ng kanilang yunit. Bukod rito, nakitaan din sa Ka Hassan ng malakas na inisyatiba sa gawain na nagresulta sa mabilis at masinop na pagpapatupad ng kanyang mga responsibilidad at tungkulin.
Nakilala siya bilang isang magiliw, makulit at palabiro sa masa at mga kasama na isang katangiang kinahiligan ng kanyang mga nakakadaupang-palad. Bukod rito, matapos mapag-aralan ni Ka Hassan ang mga alituntunin at mga patakaran sa pag-aasawa sa loob ng Partido, aalab sa kanyang puso ang rebolusyonaryong pag-ibig. Hindi siyang mag-aatubiling pakasalan ang kanyang karelasyon at hindi magtatagal, ikakasal sila sa Partido noong Disyembre 2015 sa kabila ng papalapit na mga atake ng kaaway.
Si Carl Labajata o Kasamang CJ ay isang kabataang mula sa pamayanan ng mga mangingisda sa Barangay Mataas na Bayan, Lemery, Batangas. Ang kanyang pamilya ay mula sa Pasay subalit madedemolis ang kanilang komunidad at malilipat ang kanyang pamilya sa Barangay Paliparan, Dasmariñas, Cavite. Sa tindi ng panlipunang krisis, mapipilitan silang lumipat sa Lemery, Batangas kung saan nagtrabaho sila bilang mga mangangalakal ng basura gamit ang kanilang padyak. Kasabay ng kanilang paglipat sa Lemery ay ang ambang demolisyon sa kanilang komunidad.
Si Ka CJ ay namulat at naorganisa dahil sa paulit-ulit nilang kinakaharap na isyu ng demolisyon ng kanyang kinabibilangang komunidad. Ito ang mga pangunahing dahilan na magtutulak sa kanya upang sumampa sa BHB. Bago pa man ito, aktibo siyang lumalahok at gumagampan sa gawain ng kabataan. Masigasig siyang umaambag sa gawaing pag-oorganisa at gawaing pang-kultura sa loob at labas ng kanyang baryo.
Buwan ng Agosto, magpapasyang mag-TOD o tour of duty si Ka CJ kasama ang ilan pang kabataan sa kanilang baryo. Bagamat tahimik si Ka CJ, hindi siya naging makasarili at nagsusumikap pakitunguhan ang kanyang mga nakakasalumuhang pulang mandirigma at masa. Oktubre dapat matatapos ang kanyang programa ng TOD subalit sinabayan ito ng panahon ng operasyon ng kaaway laban sa yunit na kinapalooban niya. Hanggang sa kanyang huling mga sandali, inuna pa rin ni Ka CJ ang kapakanan ng iba bago ang kanyang sarili.
Kasabay ng ating pag-aalay ng mga pagpaparangal, marapat nating ipagpatuloy ang pagsigaw para sa hustisya sa Nasugbu 14. Dapat panagutin ang AFP-PNP, si Rodrigo Duterte at ang rehimeng US-Marcos bilang mga tahasang lumalabag sa International Humanitarian Law (IHL) at Geneva Conventions sa pamamagitan ng panlalapastangan ng katawan ng mga nabuwal na pulang mandirigma at barbarikong panonortyur bago patayin.
Bagamat malaking kawalan ang pagkamartir ng 14 na mandirigma, hindi dito magtatapos ang malakihang pagsulong ng mamamayan sa demokratikong rebolusyong bayan. Hangga’t nasasakdal ang mamamayan bunsod ng Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata-Kapitalismo, hinding hindi matatapos ang digmaan. Sa kabilang dako, lalakas at lalawak pa ito kasabay ng umiigting na pasistang panunupil sa mamamayan. Mula rito, magsilbing inspirasyon ang ating mga martir at lakas-loob nating isulong ang kanilang dakilang buhay at pakikibaka!