Pahayag

Delubyo sa mamamayan at kalikasan ang Philippine Mining Act!

, ,

Ngayong araw, ika-29 taon na mula nang ipinatupad ang Philippine Mining Act of 1995 o RA 7942. Labag man sa reaksyunaryong konstitusyon 1987 ang 100% dayuhang pagmamay-ari, ito ang naging tiket ng mga dayuhan at lokal na negosyante sa pagmimima upang lubos na sinirain ang kalikasan, dambungin at gahasain ang mga likas na yaman, palayasin ang mga magsasaka, setler at mga pambansang minorya sa kanilang mga lupain at dahasin sila at labagin ang kanilang mga karapatang-tao.

Ang batas ding ito ang kinasangkapan ng estado at ng mga burgesya komprador upang kitlin ang buhay ng mahigit 100 nasawi sa pagguho ng lupa sa Masara, Maco, Davao de Oro noong Pebrero 6. Ang nangyari sa Mindanao, Cordillera, Southern Leyte at iba pang bahagi ng bansa ay hindi malayong mangyari sa Cagayan Valley dulot ng mga dambuhala at mapanirang operasyon ng pagmimina.

Pagwasak sa ecosystem at biodiversity

Ayon sa MGB, pumapangatlo ang Cagayan Valley sa Caraga at Mimaropa sa mga rehiyong may pinakamalaking kontribusyon sa kabuuang produksyon ng mga mineral na katumbas ng ₱22.12 bilyon (11.70%). Kaya naman kaliwa’t kanan ang aplikasyon para sa eksplorasyon at MPSA sa buong rehiyon, sa kabundukan man o karagatan.

Sa kasalukuyan, nasa karagatan ng Cagayan ang kauna-unahan sa bansa at pinakamalaking operasyon ng off-shore mining. Sa bisa ng limang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na iginawad ng DENR-MGB noong 2020, nasa 56,013 ektarya ang kabuuang sakop nito na sumasaklaw sa mga dagat ng Sanchez Mira, Claveria, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Buguey, Sta. Teresita, Gonzaga at Sta. Ana. Hiwalay pa ito sa black sand mining ng Riverfront Construction Inc sa Cagayan River sa tabing ng “dredging” sa ilalim ng Cagayan River Restoration Program.

Bago pa man magsimula ang operasyon ng large-scale off-shore magnetite mining, nagpaabot na ng pagtutol ang ilang lokal na opisyal, mga mambabatas at 74 grupo kabilang ang mga eksperto dahil sa ito ay “mapanira at may hindi na maibabalik na negatibong epekto” sa marine ecosystem. Kabilang sa mga masisira ang 50 ektaryang bahura at seagrass beds na tirahan ng mga critically endangered na dugong sa Palaui Island Protected Landscape and Seascape, sa breeding area ng humpback whales, at sa susing erya ng biodiversity at priority conservation site na bahagi ng Babuyan Marine Corridor kung saan may pinakamataas na marine mammal species diversity na kalakhan ay itinuturing na endangered species. Sa kabila nito, pinahintulutan pa rin ito ng DENR at ipinagtanggol pang pumasa sa mga pamantayan na ligtas ito para sa lahat ng may buhay.

Hawak ng JDVC Resources Corp, subsidiary ng Apollo Global, ang pinakamalaking operasyon ng off-shore mining sa Pilipinas. Sa bayan lamang ng Gonzaga, pinahintulutan itong minahin ang 1,092.59 ektarya o kabuuang 11,840 ektarya hanggang sa Sanchez Mira sa loob ng 25 tawen.

Hungkag at ipokrito ang ipinangangalandakan ng DENR na magtatayo ito ng marine research station sa Sta Ana upang “malaman kung bakit kailangan protektahan at ipreserba ang coastal at marine resources” habang tahasan namang sinisira ng pagmimina ang mga deklaradong protected sites.

Pagpatay sa kabuhayan ng mga magsasaka at mamalakaya

Sa unang taon pa lamang ng operasyon nito, randam na ng mga mangingisda ang epekto nito sa kanilang kabuhayan. Sa bayan ng Aparri, bumagsak at nawalan ng kabuhayan ang mayorya sa 11,000 mamalakaya. Dahil sa “dredging” sa Cagayan River at off-shore mining, mula sa 200 container na huling aramang (spider shrimp) sa limang araw na paglaot, maswerte na kung makahuli sila ngayon ng 50 container na minsan nga ay wala. Habang ang dating 200 kilong isda na magdamag na huli ng isang bangka ngayon ay tatlong kilo na lang. Maging ang mga umaasa sa pagtitinda ng aramang bilang kabuhayan ay apektado rin.

Sa bayan naman ng Gonzaga, problema ng mga mangingisda ang restriksyon sa kanila na pumalaot. Dahil sa mga iniwang epekto ng naunang black sand mining noon, napilitan silang lumayo dahil wala nang mahuli sa malapit. Doble dagok sa kanila ngayon ang off-shore mining sa kanilang mga karagatan.

Pahirap ito, hindi lamang sa mga direktang apektado kung hindi sa buong ekonomya at food security ng rehiyon. Nagmumula sa Cagayan ang 72.3% ng suplay ng isda sa buong Cagayan Valley kung saan 60.2% nito ay galing sa municipal waters o 15 kilometro mula sa baybayin na saklaw ng pagmimina.

Parehong kapalaran ang sinapit ng mga magsasaka sa Sta. Barbara, Iguig, Cagayan na apektado ng coal mining ng DM Wenceslao & Associates Inc; sa coastal Isabela dahil sa Dinapigue Mining Corp na subsidiary ng Nickel Asia Corp na pumatay sa kabuhayan at nagpalayas sa mga katutubong Dumagat sa kanilang mga lupang ninuno at; sa Nueva Vizacaya kung nasaan ang open-pit mining ng Oceana Gold Philippines Inc (OGPI) at FCF Minerals Inc at matapos pagpasasaan ang yamang lupa ng Vulcan Mines sa Diadi at ng Golden Summit Mining Corporation (GSMC) sa Cordon, Isabela.

Pandarambong at pagyurak sa pambansang patrimonya

Kasabwat ang lokal na gubyerno at mga burukrata, kapalit ng malalaking kikbak, malayang naaagaw at nawawalan ng tirahan at kabuhayan ang mga magsasaka at mangingisda samantalang bundat na bundat naman ang mga dayuhang kumpanyang nagpapakasasa sa mga likas ng yaman ng bansa. Tinatayang nasa 632 milyon MT ng magnetite ang ore reserve sa eryang saklaw ng off-shore mining o katumbas ng $71 bilyon o ₱3.53 trilyon (batay sa $112/tonelada presyo sa merkado). Habang 7 milyon MT naman na buhangin na may kasamang mga mineral sa ilog ng Cagayan.

Sa halos tatlong dekadang operasyon ng mga dayuhang minahan, wala itong iniwan sa bansa kung hindi mga kalamidad at delubyo. Taliwas sa mga buladas ng gubyerno, hindi ito naghatid ng kaunlaran bagkus ay lalong pagkabangkarote at pagkawasak. Hindi nalilinang ang mga yamang mineral ng bansa para sa pambansang industriyalisasyon, bagkus ay pinanatili lamang ito bilang simpleng paglalagakan ng kapital at pagnanakawan ng mga hilaw na materyales at murang lakas-paggawa.

Kasaysayan ng karahasan at paglabag sa mga karapatang-tao

Kakambal ng paglitaw ng mga minahan ang militarisasyon at pag-atake sa mga karapang-tao. Ang mga mersenaryong tropa ng AFP-PNP at mga paramilitar ang nagsisilbing pribadong goons at security sa mga kumpanya ng pagmimina. Bagamat idineklara nang “insurgency-cleared” ang lalawigan ng Nueva Vizcaya, hindi pa rin umaalis ang mga tropa ng 86th IB sa mga komunidad, lalo na sa baryo ng Didipio sa Kasibu at Runruno sa Quezon upang bantayan at tiyaking tuluy-tuloy ang panggagahasa at pagwasak ng OGPI at FCF Minerals sa mga kabundukan.

Mula nang magsimula ang operasyon ng dalawang minahan, marami na ang ipinakulong at ginipit na mga lider-magsasaka na nagtatanggol ng kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Pamamaslang at red-tagging naman ang sinapit ng mga mamalakaya at mga lider ng organisasyon laban sa pagmimina sa Cagayan. Matatandaang pinaslang ng mga pinaghihinalaang tropa ng militar ang isang myembro ng Anakpawis at Save Wangag River Movement (SAWAREM) sa Flourishing, Gonzaga noong Disyembre 2021. Peke-pwersado ring pinasuko ang mga mangingisda ng Aparri at Ballesteros na tumututol sa mapanirang pagmimina.

Kasaysayan ng paglaban at sama-samang pagkilos

Dahil sa nagkakaisang lakas at paglaban ng masa, katuwang ang BHB, naparalisa, napahinto at napalayas ang operasyon ng 64,000 ektaryang coal mining sa Benito Soliven, Cauayan, San Mariano, Naguilian sa Isabela noong 2005, gayundin ang malawang protesta at kilusang masa sa hilagang Cagayan noong 2014 laban sa magnetite mining. Nitong 2022, muling dumaluyong ang mahigit 1,000 mamalakaya at mga residente ng Aparri at Ballesteros upang tutulan ang black sand mining sa Cagayan River.

Buhay na patunay ang Philippine Mining Act of 1995 na ang 100% pagmamay-ari sa lupa at likas na yaman ng bansa ng mga dayuhang negosyante at oligarkiya ay higit lamang na lulunod sa mamamayan sa kumunoy ng pagdurusa at pang-aapi. Pinasidhi pa ito nga mga neoliberal na polisiya na pumapatay sa naghihingalong pambansang ekonomya.

Sa harap ng sumasahol na pagwasak at paglapastangan sa kalikasan at tumitinding pagyurak sa mga karapatan, wala nang ibang pagpipilian ang mamamayan kung hindi ang tumindig at lumaban. Habang lalo silang ginugutom at inaagawan ng lupa at kabuhayan, lalong nag-aalab ang kanilang damdamin at galit sa estado na mas pumapabor sa mga dayuhan at naghaharing-uri kaysa sa masang anakpawis.

Lalo rin silang namumulat sa kawastuhan at pangangailangan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong paglaban. Lalo nilang sinusuportahan at pinalalakas ang Bagong Hukbong Bayan na sa kasaysayan ay siyang tunay na nagtatanggol sa kalikasan at kabuhayan ng masa. Ngayong bumalik na naman ang mga operasyon ng pagmimina matapos silang mapalayas noong 2013, muling naghahanap at nananabik sa hukbo ang masa at handang patuluyin sila sa kanilang mga tahanan.

Delubyo sa mamamayan at kalikasan ang Philippine Mining Act!