Demolisyon at Pagpapalayas sa mga Maralita at Mangingisda ang Hatid ng Proyektong LRT Line-1 Cavite Extension

,

Mala-bulldozer kung kumilos ang mga malalaking debeloper sa dami at lawak ng masasagasaan na mga komunidad sa pagtatayo ng mga proyektong imprastraktura nito sa probinsya ng Cavite. Isa rito ang tinatayong Light Rail Transit Line-1 Cavite Extension o LRT-1 Cavite Extension na isang proyektong ekstensyon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Sa proyektong ito, tatayuan ng walong bagong istasyon sa ilalim ng LRT-1 South Extension Project na kokonekta sa Timog ng Baclaran Station at tatagos hanggang Barangay Niog sa syudad ng Bacoor, Cavite. Ang itatayong ekstensyon ay may mahigit 11.7km ang layo na may tatlong intermodal facilities o Major Transit Hubs mula sa Pasay, Parañaque, Las Piñas at Cavite.

Panahon pa ng rehimeng Duterte nang simulan ang pagtatayo ng unang limang istasyon ng LRT-1 Cavite Extension. Sinimulan ang pagtatayo ng mga paunang istasyon sa bahagi ng Timog ng ka-Maynilaan noong Setyembre 2019. Sa kasalukuyan ay natapos na ang 98.2% ng Phase 1 ng proyektong ekstensyon. Samantalang inaasahan na magbubukas at magiging fully operational na ito sa 4th quarter ng taong 2024.

Ang proyektong LRT-1 Cavite Extension ay isang Public-Private Partnership (PPP) na proyekto na nasa ilalim ng iskemang “Build-Transfer-Operate”. Binigyang daan ang proyekto sa pamamagitan ng implementasyon ng Department of Transportation (DOTr) kasama ang Light Rail Manila Corporation bilang susing tagapagtaguyod ng proyekto.

Ang LRMC ay isang pribadong rail service company sa Pilipinas. Ito ay isang consortium o asosasyon ng mga malalaking lokal at internasyunal na kumpanya sa pagitan ng Metro Pacific Light Rail Corporation, Ayala Corporation Infrastructure Holdings, Sumitomo Corporation at Philippine Investment Alliance for Infrastructure’s Macquarie Investment Holdings PTE Ltd.

May mahigit PHP64.915 bilyon ang halaga ng proyektong ekstensyon. Kung saan may PHP17.80 bilyon itong pondo mula sa Official Development Assistance (ODA) ng Japan International Cooperation Agency (JICA); PHP39.57 bilyon mula sa LRMC; at PHP7.55 bilyon ang nilaan ng gubyerno ng Pilipinas.

Pumirma rin ng isang engineering, procurement and construction agreement ang LRMC kasama ang mga dayuhang kumpanya tulad ng French Bouyges Travaux Public at Alstom Transport na magtataguyod sa pagtatayo ng railway infrastructure para sa Cavite Extension. Ang kontratang ito ay may halagang 450 milyong euro o katumbas ng PHP 28 bilyon.

Sa proyektong ito, pangunahing matatamaan ang apat na barangay sa syudad ng Bacoor, Cavite. Partikular ang mga barangay ng Zapote 5, Talaba 7, Talaba 2 at Niog 2 na may mahigit 43,056 katao ang direkta at di-direktang maaapektuhan ng proyektong LRT-1 Cavite Extension. Noong Pebrero 15 ngayong taon, nagpunta ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Barangay Talaba 2 upang ipatawag ang mga residenteng maaapektuhan ng pagtatayo ng LRT extension. Ayon sa ulat ng mga lokal, hindi lahat ng residente ay mabibigyan ng pabahay maging ng ayuda. Samantala, ang mga mabebenipsyuhan ay itatapon sa mga proyektong pabahay sa General Trias, Cavite na may mataas na amortisasyon subalit hindi “rent-to-own” ang pabahay na itataguyod.

Konektado ang pagtatayo ng LRT-1 Cavite Extension sa mga proyektong reklamasyon at kumbersyon sa baybaying-dagat ng Cavite. Gumagampan ito ng susing papel upang itulak ang development aggression sa lalawigan. Sa ibinalangkas ni Strike Revilla na Bacoor Comprehensive Land-Use Plan at Comprehensive Development Plan (CLUP/CDP), nagsilbi itong “master plan” sa hindi humuhupang development aggression ng mga malalaking negosyanteng pinag-iinteresan ang komersyalisasyon ng Lupang Cuenca. Ito ang naghahatid ng patong-patong na nakaambang demolisyon sa mga komunidad sa Bacoor.

Hindi rin malabong may kaugnayan ito sa sunod-sunod na kaso ng panununog ng mga komunidad. Ito ang dati pang mala-kriminal na taktika ni dating Mayora Lani Mercado-Revilla upang sapilitang palayasin ang mga maralita at mangingisda sa kanilang mga komunidad. Ngayon, tila walang nagbago at naging talamak pa rin ang sunugan sa kahabaan ng syudad ng Bacoor.

Maituturong salarin ang pamilyang Revilla dahil sa lantaran nitong pakikipagsabwatan sa mga malalaking burgesya komprador na nagsasagawa ng mga project operations sa lugar ng panirikan at paghahanap-buhay ng mamamayan. Isa rito ang pakikipagsabwatan ng mga Revilla sa Frabelle Fishing Corporation, Light Rail Manila Corporation at iba pa. Samantala, walang imik at binibigyang-puri pa ng rehimeng US-Marcos ang proyektong ekstensyon sa likod ng kabi-kabilang pagbatikos ng mamamayan.

Dapat tutulan at labanan ng mamamayan ang proyektong LRT-Line 1 Cavite Extension Project na naghahatid lamang ng ambang demolisyon at paninira sa kabuhayan at panirahan ng mga maralita at mangingisda. Dapat din batikusin nang ilang ulit at panagutin ang Bacoor Municipal Government sa lantarang pakikipagsabwatan sa mga dambuhalang negosyante habang naglalako ng mga artipisyal na ‘solusyon’ sa gitna ng patuloy na paghihirap ng mayorya ng mamamayang Bacooreño.

Sa kabilang banda, dapat din panagutin ang rehimeng US-Marcos sa kawalang-aksyon at pagpapahintulot sa proyektong sumisira sa kabuhayan at panirahan ng mamamayan. Palibhasa, si Marcos at ang kanyang mga kroni ang pangunahing salarin sa hindi gumagaling-galing na sakit ng korapsyon sa bayan, at nararanasang pagdurusa ng mamamayan sa pagtutulak ng ganitong mga proyekto sa tabing ng ‘development’.

Mula rito, dapat tahakin ng mamamayan ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang hawiin ang daan tungo sa tunay na pagbabago.

Demolisyon at Pagpapalayas sa mga Maralita at Mangingisda ang Hatid ng Proyektong LRT Line-1 Cavite Extension