Digmang magsasaka laban sa mas brutal na gera kontra-magsasaka sa Masbate sa ilalim ng deklarasyong pagdurog sa NPA
Sa Masbate, pinatutunayan na ang deklarasyon ni Marcos Jr na pagdurog sa NPA bago matapos ang 2024 ay walang iba kundi pinatindi at mas brutal na gera kontra magsasaka. Pinangungunahan mismo ng gubernador na si Antonio T. Kho kasabwat ang militar ang brutal na kampanya ng pandarahas sa mga magsasaka upang lunurin sila sa takot at isuko ang kanilang lupa, kabuhayan at karapatan.
Dulot ng hindi na matiis na panggigipit sa kanila ng mga armadong tauhan ni Gov. Antonio T. Kho, isiniwalat ng ilang mga mamamayan sa Cataingan sa Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Masbate ang pagpatay ng mga armadong tauhan ni Gov. Kho sa mag-amang magsasakang sina Sabino Lopez, 69 taong gulang at anak nitong si Jason Lopez sa Barangay San Rafael, bayan ng Cataingan noong 2019. Naikubli ang naturang pangyayari dahil sa takot ng komunidad na mabalingan ng naturang mga goons. Pinatay ang mag-ama matapos tumangging ibenta ang kanilang lupa sa gubernador.
Nakumpirma ring mga armadong tauhan din ni Gov. Kho ang pumatay sa may kapansanang si Ian Pahid sa Sityo Latong, Barangay Santa Teresita sa parehong bayan noong Agosto 2023. Pinatay si Ian matapos paghinalaang kasapi ng New People’s Army.
Ngayon namang Enero 29, 2024, naghasik ng terorismo ang mga elemento ng CAFGU sa pangunguna ng militar na si Sgt. Ramos sa mga komunidad na sumasaklaw sa Hacienda Mortuegue sa bayan ng Pio V. Corpuz at Esperanza.
Sa Barangay Lubigan, bayan ng Pio V. Corpus, binugbog at ninakawan ng alagang manok si Johnny Compuesto. Sa Barangay Tubog sa parehong bayan, sinalakay din ang tahanan ni Ruel Menchavez. Sa Barangay Tawad, kapwa nakaranas ng pananakit sina Cadong Mendoza at Wilyn Menchavez habang ninakawan naman si Inday Canete at Ruben Menchavez.
Responsable sa pananalakay sa hasyenda ang mga elemento ng militar at CAFGU na nakabase sa Barangay Estampar na sina Jerome Bohol, Ondo Quilong-quilong at Boboy Armenion sa pangunguna ng isang Sgt. Ramos mula sa 2nd Infantry Battalion-Philipppine Army.
Ang klaster ng bayang Cataingan, Pio V. Corpuz at Esperanza, ay kinatatangian ng malalawak na kapatagang pabor sa pagsasaka. Kabilang rito ang makasaysayang Hacienda Mortuegue na nabawi ng mga magsasaka mula sa asyendero. Lahat ng ito’y desperadong mapasakamay ni Gov. Antonio T. Kho para sa kanyang interes sa rantso at ekoturismo.
Sa kabilang distrito, naghasik din ng terorismo ang mga elemento ng 96th Infantry Battalion-Phil. Army sa Sityo Malapinggan hangganan ng Barangay San Jose, Uson at Barangay Sawmill, bayan ng Mobo noong Enero 30, 7:00 ng umaga. Walang habas na nagpaputok ang mga militar matapos mapangahas na magkopra sa mga kaniyugang inagaw ng militar. Malalawak na kaniyugan sa naturang mga barangay ang pinagbawalang ipakopra sa mga residente upang mga militar ang makinabang.
Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, lalong naging marahas at agresibo ang gera kontra magsasaka. Sa ilang taon pa lamang, daan-daang pamilya na ng magsasaka ang napalayas sa kanilang lupang binubungkal sa pamamagitan ni Gov. Kho. May bahid ng dugo ang libu-libong ektarya ng lupaing inagaw ng gubernador mula sa mga magsasaka. Marahas na kinakamkam ang lupa kahit nakapailalim pa sa Comprehensive Agrarian Reform Program, patunay kung gaano kahuwad ang reaksyunaryong programa sa lupa ng gubyerno.
Reyalidad ng bulok na lipunan ang palagiang pagharap ng uring magsasaka, na siyang bumubuhay sa lipunan, sa banta ng kamatayan mula sa gutom o bala. Ito ay dahil hindi titigil ang imperyalistang dayuhan kasabwat ang mga lokal na pwersang mapang-api at mapagsamantala na durugin ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka upang tuluyang kontrolin ang lupa at ubusin ang yamang likas ng bansa.
Nananawagan ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Masbate sa mga magsasakang Masbatenyo na magiting na harapin ang teroristang gera ng rehimeng US-Marcos sa pamamagitan ng paglahok sa digmang bayan. Kailangan nilang danasin ang walang katulad na kalupitan at pagsasamantala upang mapanday ang makauring lakas bilang pangunahing pwersa sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon.
Sabik kami sa aming Hukbo. Lalong kailangan ng mga magsasakang Masbatenyo ang kanilang Hukbo sa harap ng lumalalang pang-aapi’t pagsasamantalang kanilang dinaranas.