Pahayag

Dinidilig ng dugo ng mga bayani ng bayan ang digmang bayan

Nagdiriwang at nagpipiging ang mga naghaharing uri, habang ang masang pinagsasamantalahan ay nababalot ng pighati sa pagkasawi ng kanilang mga Pulang mandirigma na ibinigay ang lahat sa paglaban sa mga pasistang halimaw sa Toboso, Negros Occidental noong nakaraang Abril 19.

Kailangan pang alamin ang buong nangyari sa Toboso, lalo’t nagkakandarapa ang pasistang rehimeng Marcos at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nito na kontrolin ang naratibo at magkalat ng disimpormasyon. Malabusaw pa ang katotohanan sa likod ng mga diumano’y engkwentrong naganap noong Linggo ng umaga. Daan-daang katao sa mga baryo at komunidad ang sapilitang napalayas sa kanilang mga tahanan sa pagpapataw ng mga pasista ng ganap na kontrol-militar sa bayan.

Walang-tigil ang paninira ng pasistang AFP sa mga nasawing bayani ng bayan bilang mga “terorista” at “kriminal” sa kanilang desperasyong bigyang katwiran ang kanilang buong-lupit na gera ng panunupil at upang itago ang malalalang pang-aabuso laban sa mamamayan.

Hindi tinatanggap ng mamamayan ng Toboso ang mga kasinungalingan ng AFP. Sila ang unang magpapatunay kung papaano silang buong pagmamahal na pinaglingkuran ng mga Pulang mandirigma ng BHB, sa kanilang araw-araw na pagpupunyagi, at sa kanilang pakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang kapakanan at mga karapatan. Itinuturing nila ang mga mandirigma ng BHB bilang sarili nilang mga anak, na walang-pag-iimbot na nagsilbi sa kanila bilang mga duktor, dentista, kasama sa pagsasaka, at guro sa kanilang mga anak.

Alalahanin at parangalan natin ang mga nabuwal na mandirigma ng Toboso. Balutin natin ang kanilang mga kabaong ng Pulang bandila ng rebolusyon, itaas ang ating mga kamao at palakasin ang ating mga tinig habang nagmamartsa sa paghatid sa kanilang huling hantungan. Ang pighati ng bayan ay ibaling natin sa ibayong rebolusyonaryong determinasyon na isulong ang digmang bayan.

Ang mga sakripisyo at kabayanihan ng mga nabuwal na Pulang mandirigma ng Negros ay tiyak na magsisilbing inspirasyon sa mas marami pang mamamayan na makibaka para isulong ang rebolusyonaryong adhikain. Nabubuwal ang mga mandirigma ng bayan, ngunit ang digmang bayan ay magpapatuloy. Mula sa lupang dinilig ng dugo ng mga bayani ng bayan ay uusbong ang mas marami pang pinuno ng mga organisasyong masa, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), at mga kadre ng Partido.

Sa gitna ng kadilimang dulot ng lumalalang pagsasamantala at pang-aapi, pang-aagaw ng lupa, dayuhang pandarambong sa likas na yaman ng bansa, korapsyon, at pasistang panunupil sa ilalim ng kinamumuhiang rehimeng US-Marcos, nagniningning ang landas ng matagalang digmang bayan, na binabagtas ng paparaming mamamayang nagsasandata upang ipaglaban ang kanilang mithiin para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

Dinidilig ng dugo ng mga bayani ng bayan ang digmang bayan