Dumaraming mga karahasang militar sa Camarines Norte ng 9th IB PA, pagpapakita ng pagiging tunay na terorista ng AFP

Mahigpit na kinukundena ng Armando Catapia Command-Bagong Hukbong Bayan Camarines Norte (ACC-BHB-CN) ang marahas at mapanupil na mga operasyong militar ng 9th IBPA sa mga kabuhayan at karapatan ng mamamayan.

Nito lamang unang linggo ng Agosto nagkaroon ng malawakang operasyon ang mersinaryong tropa ng AFP ng 9th IBPA na sumaklaw sa kabundukan ng Labo at mga laylayang barangay nito na umabot nang mahigit dalawang linggo.

Ayon sa mga nakalap na impormasyon ng ACC, mayroong isang magsasaka na nagngangalang Alex Betito na residente ng Sitio Malapat Barangay Baay sa bayan ng Labo ang hinuli ng mga militar noong alas 4:00 ng madaling araw ng Agosto 4, 2023. Ang biktima ay maagang umalis ng bahay upang patubigan ang kanyang palayan. Aksidente umanong nailawan ng flashlight ng biktima ang mga nakatagong militar sa gilid ng bulasan. Hinold at ginapos ito ng tali ng kaluban ng itak. Pinahubad rin ang biktima ng damit kaya nagtiis sa maraming kagat ng lamok. Alas 10:00 ng umaga na ng itoy pakawalan. Gutom na gutom ang biktima dahil hindi man lang ito pinakain. Hindi pa nakontento ang mga berdugo dahil inapakan pa ang palayan ng biktima.

Kaugnay pa nito, mayroon ding naiulat sa parehong lugar na grupo ng magsasaka ang hinold at hindi pinakain. Ayon sa impormasyon, nagsasagawa ng suyuan sa pagtatabas ang 10 magsasaka ng masumpungan ng mga nag ooperasyong militar.

Bukod sa mga naiulat na karahasang militar, sinira rin ng mga pesteng militar ng 9th IBPA ang mga pananim at kabuhayan ng mga magsasaka. Sa paunang pagtaya umabot ng hindi bababa sa ₱34,100 ang kabuuhang halagang napinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka. Karamihan rin sa mga militar na nag operasyon ay hindi mga nakauniporme at walang name plate.

Maaalala na nito lamang nakaraan na Hunyo 16, 2023 nasumpungan ng mga nakasibilyang militar na may dalang mga mahahabang baril ang limang magsasaka na nagkokopra na sina Ato Ramirez, Marvin Agaton kasama ang tatlo pa sa Barangay Tigbinan bayan ng Labo. Piniringan ang mga ito at pinaglaruan ang ari ng isa habang tiniik ng tali sa leeg. Pinaghukay rin ang isa na paglilibingan umano ni Ato Ramirez. Matapos ang paghuhukay ay sinapak rin ang isa nitong kasamahan. Kapal mukha itong itinanggi ng 9th IBPA at nagkunwaring inosente ng magreklamo sa barangay ang mga biktima.

Ganito ba ang sinasabi ninyong pagsisilbi sa bayan? At ito rin ba ang sinasabi ninyong sundalo ng mamamayan? Paanong naging sundalo ng bayan ang numero unong sumisikil sa karapatan ng mamamayan. Kung kayo itong duguan ang mga kamay sa hindi mabilang na kaso ng karahasan at makahayop na pagpatay sa mga sibiliyan at numero unong lumalababag sa demokratikong interes ng malawak na masa ng sambayanan. Malinaw na malinaw na ang ganitong klase ng mga gawain at pagtrato sa mamamayang maliliit ang nagpapakita ng tunay na mukha ng isang tunay na terorista.

Hinikayat ng ACC ang mamamayan ng Camarines Norte na patuloy na ilantad at ireklamo ang anumang tipo ng pang-aabusong militar sa inyong mga lugar. At sa malala at mabigat na kaso ay dapat na sampahan ng demanda ang mga militar na abusado Ang kanilang pananahimik ay mas lalong magpapalakas ng loob sa mga berdugo at pasistang 9th IBPA ng AFP.

Hinahamon rin ng ACC-BHB-CN ang mersinaryong AFP ng 9th IBPA na huwag nilang pagbalingan ang mga inosenteng sibilyan sa panahon ng kanilang pag-oopersayon lalo na sa mga liblib na lugar. At ang dumadaming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga militar ay isang malinaw na batayan na hindi nito gagap ang nakasaad sa internasyunal na makataong batas at mga batas ng digma. Na ayon sa batas na ito, walang sinumang sibilyan ang maaaring idamay sa gitna ng nangyayaring gyera sibil sa isang bansa.#

Dumaraming mga karahasang militar sa Camarines Norte ng 9th IB PA, pagpapakita ng pagiging tunay na terorista ng AFP