Pahayag

Grupo ng mga bayarang ahente militar ang Uswag Sinirangan Bisayas

,

Nais naming ipagbigay-alam sa publiko na ang grupong Uswag Sinirangan Bisayas ay isang pekeng NGO na pinatatakbo ng mga ahente militar na mga bayaran ng 8th Infantry Division at National Task Force-Elcac. Itinataguyod nila ang marahas na panunupil sa masang magsasaka alinsunod sa kampanyang kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos.

Nagsisilbing executive director ng nasabing grupo si Terencio “Anjo” Eder Jr. Si Eder ay isang dating kasapi ng BHB na lumayas nang walang paalam noong katapusan ng 2023 at nahuli ng mga ahente ng estado sa Baguio City noong 2024. Taliwas sa inaasahan sa isang rebolusyonaryo na manindigan gaano man kahirap ang detensyon, sa proseso ay tinalikuran ni Eder ang kanyang mga prinsipyo at ipinagkanulo ang masa at ang rebolusyon.

Ngayon ay kasa-kasama niya ang kapwa niyang mga traydor na sina Alma “Joy” Gabin (na pinamumunuan ang isa pang pekeng NGO na Eastern Visayas Peace Builders Federation), Freddie “Dori” Bolito, at iba pa.

Bukod sa 8th ID at NTF-Elcac, pinopondohan din ng imperyalismong US ang kanilang mga grupo. Nagsisilbi silang loro ng pasistang rehimen upang siraan at patahimikin ang lehitimong pagkilos ng mamamayan ng Eastern Visayas kontra korapsyon, kahirapan at pasismo. Instrumento sila ng saywar at ng sapilitang pagpapasuko sa masang dating kumalinga sa kanila ngunit kanilang pinagtaksilan.

Nananawagan kami sa publiko na itakwil at ilantad ang mga demonyong taksil na ito. Hindi sila mapagkakatiwalaan. Ginagawa lang nilang gatasan ng kurakot ang kanilang mga pekeng NGO para sa sariling kapakinabangan.

Grupo ng mga bayarang ahente militar ang Uswag Sinirangan Bisayas