Hadlangan ang huling tangkang ipuslit ang Cha-Cha!

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sukdulan ang desperasyon ng rehimeng US-Duterte na patuloy na isulong ang panukalang Charter Change kahit sa gitna ng pandemya upang maihabol bago ang darating na pambansang halalan. Sa pinakabagong tangka upang ilusot ito, pinirmahan ngayong Pebrero bago magtapos ang 18th Congress bicameral committee report hinggil sa mga panukalang amyenda sa Public Service Act. Sa pamamagitan nito, maibubukas sa 100% dayuhang pag-aari ang mga protektadong larangan ng ekonomya kahit na hindi dumaraan sa Charter Change.

Bago nito, sa pamamagitan ng alyado nitong si Cong. Alfredo Garbin, kinatawan ng Ako Bicol Partylist, ilinalako ng kampo ni Duterte ang ideyang awtomatiko na lamang na bitbitin ng Senado ang bersyon sa Cha-cha ng mababang kapulungan upang mairatsada na ito bago magtapos ang 18th Congress.

Patuloy na iginigiit ng NDF-Bikol na ang pagtatakwil sa Cha-Cha ay pagtatakwil sa pagsidhi ng paghihirap ng mamamayan sa bansa. Higit na ibinubuyangyang ng naturang batas ang lupa at teritoryo, rekurso at yaman ng bansa sa pandarambong at paghuthot ng malalaking dayuhang kapitalista hanggang sa tuluyan nang mapailalim sa imperyalistang kontrol ang buong ekonomya ng bansa. Papatayin ng pagdagsa ng dayuhang pamumuhunan ang lokal na agrikultura at mga papasibol na industriya sa bansa.

Sa Bikol, lalong patitindihin ng Cha-Cha ang pagkalumpo ng lokal na agrukultura na idinulot ng mga huwad na reporma sa lupang tulad ng CARPER at iba pang mga neoliberal na patakaran. Lalong bibilis ang kumbersyon sa lupa upang bigyang-daan ang mga dayuhang negosyo habang itinutulak ang lubusang liberalisasyon ng mga agrikultural na produkto. Tiyak na hindi makakaagapay ang atrasadong agrikultura ng bansa sa pagdagsa ng dayuhang kumpetisyon. Higit nitong ililibing ang malawak na mamamayang Pilipinong nakaasa ang kabuhayan sa agrikultura sa utang, labis na pagkalugi at kawalan ng sariling lupa at pagkakakitaan.

Hindi pa nga nakapapasa ang Cha-cha, pinabubwelo na ng rehimen ang labis na pag-aangkat ng mga produktong dumadaig sa lokal na produkto. Noong Agosto 2021, pinahintulutan ang pag-import ng 60,000 toneladang galunggong para diumano maibsan ang kakulangan ng isda sa merkado. Bago nito, pinayagan na rin ang pag-angkat ng karneng baboy, mga gulay at iba pang agrikultural na produkto. Ngunit hindi ito nagdulot ng pagbaba ng presyo ng mga produkto sa merkado. Bagkus, ilinagay lang ng mga kautusang ito sa higit na alanganin ang mga lokal na produkto.

Lalo itong mapanganib gayong alam ng publiko na hindi kailanman makabuluhang sinuportahan ng gubyerno ang mga lokal na prodyuser. Sa Catanduanes, hirap na hirap ang mga magsasaka ng abaka na makabawi sa danyos na tinamo mula sa bagyong Rolly noong 2020. Ayon mismo sa Fiber Industry Development Authority (FIDA), bumagsak sa 11,000 MT ang naaning abaka sa prubinsya noong 2021. Kalahati lamang ito ng abereyds na 22,000-23,000 MT produksyon ng prubinsya. Ngunit bagamat ganito ang kanilang kalagayan, 13,777 benepisyaryo ang maghahati-hati sa kapiranggot na P70 milyong ibibigay ng rehimeng US-Duterte para sa Abaca Rehabilitation Program. Hindi pa kasama rito ang mga parahag-ot na walang sariling lupa o kaya ay hindi rehistrado.

Hinahamon ng NDF –Bikol ang mga Bikolano sa pagpupursige sa pakikibaka para sa kapakanan at interes ng sambayanan. Dapat magawa ang lahat ng mapanlikhang pamamaraan upang mahadlangan ang mga pagtatangkang maipuslit ang Cha-cha sa panahong abala ang mamamayan sa Covid-19. Kailangan ang higit na pinahigpit na pagkakaisa ng mamamayan upang mahadlangan ang mga patakaran, batas at ibang panukalang tulad ng Cha-Cha. Ang paglaban sa Cha-Cha ay pagtatanggol sa mga nakamit ng tagumpay ng masa sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan at kagalingan.

Hadlangan ang huling tangkang ipuslit ang Cha-Cha!