Higit pa sa kabundukang Sierra Madre ang katumbas ng buhay na inialay ni Ka Wally “Km/Balat” Agudes! Magbabayad nang mahal ang PNP at 80th IBPA sa paglabag sa IHL at sa uhaw sa dugong pagpatay kay Ka Km!

, ,

Ang National Democratic Front-Rizal at ang buong rebolusyonaryong mamamayan ng lalawigan ay taas-kamaong nagpupugay kay Kasamang Wally “Km” Agudes na nag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino at ng kanyang mahal na kababayang Rizaleño. Nais din naming ipaabot sa kanyang pamilya at mga kaanak ang taos-pusong pakikidalamhati at pakikiramay.

Nagpupuyos ang aming damdamin sa pagkasawi ni Ka Km noong Hulyo 18, 2024 humigit-kumulang sa ika-10 ng gabi sa tinutukoy ng 80th Infantry Battalion na isang labanan sa Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal. Subalit kaduda-duda ang hindi konsistente at iba-ibang pahayag ng mga pulis at militar sa kanilang mga inilabas na balita hinggil sa dahilan ng operasyon at resulta nito kung sino ang napatay at ilan ang nahuli.

Hindi maitago ang kanilang kasinungalingan na lalung nagbibigay duda sa kung paano nasawi o pinatay si Ka Km. Sa unang pahayag ng 80th IBPA ay nagsasagawa diumano sila ng security operation nang sila ay pagbabarilin ng mga armadong grupo at pagkatapos nito ay may 1 kasapi ng NPA ang nasawi habang 2 pa ang nahuli. Pinangalanan ang nasawi bilang alyas Honda at ang 2 nahuli ay sina alyas Gada at isang babae na alyas Sharon subalit walang mga larawan pang inilalabas.

Sa ikalawa at huling pahayag naman na kanilang ibinalita ay matagumpay daw silang naghain ng “warrant” na nagresulta sa isang engkwentro sa mga NPA. Dito pa lamang nila pinangalanan ang nasawi na si Wally Collantes Agudes alyas Balat at ang pagkahuli ng isang Laila Calsado Ramos, taliwas sa unang pahayag na dalawa ang nahuli at puro alyas lamang ang tinukoy. Dito pa lamang din sila naglabas ng mga larawan ng nahuli at napatay.

Hindi nila mapagtakpan ang karumaldumal na krimen na kanilang ginawang pagpatay kay Ka Km kung kaya’t nagkakabuhol-buhol ang kanilang mga dila sa pagsisinungaling sa mga balitang kanilang inilalabas.

Ayon sa nakasaksi, huli nilang nakita si Ka Km ay buhay at nagtangkang tumakbo. Pero narinig pa nila itong sumigaw na hindi lalaban. Narinig din nilang may pinadadapa ang mga armadong elemento ng estado. May karamdaman din si Ka Km na malalang trangkaso (katindihan ng lagnat) at mataas na uric acid kung kaya’t hindi ito makalakad ng maayos at walang kapasidad na lumaban. Nakasando rin ito dahil may sakit nga subalit nakapagtatakang sa larawan na pinost sa social media ay hubad-baro na ito. Malinaw na paglabag sa Internasyunal na Makataong Batas (IHL) ang ginawang uhaw sa dugong pagpatay sa isang wala ng kapasidad lumaban.

Samantalang, si Laila Ramos ay isang organisador ng mga katutubong Dumagat at Remontado. Siya ay kababaihang Dumagat na sinampahan ng gawa-gawang kaso dahil sa kanyang pagiging aktibo sa pakikipaglaban sa kanilang lupang ninuno at pagtutol sa mga mapanirang dambuhalang dam ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam. Naroon siya sa lugar na iyon dahil nagpapatulong siya sa may bahay dahil siya ay may karamdaman na biglang nabubulag na nais nyang maipagamot. Nakatakda rin siyang operahan dahil sa bukol na nakita sa kanyang tainga. Kung kaya’t nararapat lamang na palayain si Laila dahil bukod sa walang batayan ang mga gawa-gawang kaso, ay naaayon ito sa batayang makatao (humanitarian grounds).

Nakapaghinala rin na hindi agad nilutang ang kanyang pangalan sa mga nahuli at ang unang inilabas na diumano’y nahuli ay ang mag-asawang may ari ng bahay. Walang pakundangan din ang pamamaril ng mga pulis at sundalo kahit pa may mga sibilyan. Dagdag na paglabag ito sa IHL na nagsasaad na dapat pag-ibahin ang sibilyan at armado upang mapangalagaan ang mga sibilyan at ang kanilang-ari-arian. Tanging ang mga target-militar lamang ang maaring maging target ng anumang operasyong militar.

Ang aming dalamhati, poot at bawat patak ng luha para kay Kasamang Km at sa lahat ng martir ng lalawigan, ng rehiyong Timog Katagalugan at sa buong kapuluan ay asahan ninyong yayabong bilang alimpuyong mag-aalsa kasama ng laksang sambayanan upang ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyon Bayan. Ito lamang ang tanging landas upang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya na ipinagkakait ng imperyalistang US at kasabwat na mga lokal na naghaharing uri sa mga uring anakpawis.

Dapat kundenahin at pagbayarin ang rehimeng US-Marcos II sa tuloy-tuloy na paghahasik ng terorismo sa mamamayan    sa kanayunan at kalunsuran at paglabag sa karapatang pantao at Internasyunal na Makataong Batas. Gayunrin ang inutang na dugo ng nagdaang rehimeng US-Duterte na kapwa mga berdugo at magnanakaw ng kabang yaman ng mamamayan.

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Wally “Km” Agudes!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDF at ang Sambayanang Inaapi!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Higit pa sa kabundukang Sierra Madre ang katumbas ng buhay na inialay ni Ka Wally “Km/Balat” Agudes! Magbabayad nang mahal ang PNP at 80th IBPA sa paglabag sa IHL at sa uhaw sa dugong pagpatay kay Ka Km!