Hindi bala sa kanyon ang masang magsasaka at mangingisda

,


Kabulastugan ang panukala ng AFP na sanayin ang mga mangingisda at magsasaka bilang pwersang pananggol sa West Philippine Sea (WPS). Isinasangkalan nila ang usapin ng ‘nasyunalismo’ at ‘patriyotismo’ upang maging katanggap-tanggap ang kanilang adyenda. Ngunit bakit hindi ang puu-puong libong nagsasakyadang pwersang militar nila na walang inaatupag kundi ang panggugulo sa mga komunidad, pananakot at pang-aabuso sa masa, pamamaslang at pangmamasaker sa mga sibilyan, pagpapalabas ng mga gawa-gawang engkwentro at pambubomba ng mga sakahan ang hugutin nila mula sa mga baryo sa kanayunan at italagang pwersang pananggol?

Sa isang banda ay sasabihin nilang kulang ang kanilang pwersa ngunit sa aktwal naman ay namumutakti sa militar at nakakwintas sa mga baryo sa kanayunan ang kanilang mga detatsment. Hindi dapat ibala sa kanyon ang masa. Tungkulin ng AFP ang ‘ipagtanggol ang soberanya ng bansa’. Una sa lahat sila ang dapat tumupad nito.

Palibhasa, sanay lamang ang AFP at buong sandatahang lakas ng reaksyunaryong gubyernong itutok ang mga armas nito laban sa mamamayan. Napakabangis nila sa sibilyang populasyon ngunit nangangatog naman ang tuhod at bahag ang buntot sa harap ng dayuhang kapangyarihan. Sa katunayan, habang lalong tumitindi ang tensyon sa WPS at ilinalako ng AFP ang ideyang sanayin sa gawaing militar ang masa, tuluy-tuloy naman ang mga operasyon ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa rehiyon. Abala ang pwersa ng militar at pulis sa panghahalihaw ng mga komunidad at pampublikong pasilidad na tuwirang labag sa mga internasyunal na batas ng digma samantalang kailangan ang dagdag-pwersa sa pinag-aagawang teritoryo ng bansa.

Hindi nila maaaring kwestyunin ang patriyotismo ng masa. Matagal nang ipinapanawagan ng taumbayan ang pangangailangang kumawala ng Pilipinas mula sa kontrol ng mga dayuhang kapangyarihan. Magiting na ipinapakita ng masa ang kanilang pagiging makabayan sa walang kapagurang pakikibaka para itulak ang gubyernong kumalas mula sa mga tagibang na kasunduang militar at pang-ekonomyang naglalagay sa bansa sa panganib at tiyak na kapahamakan. Walang ibang may kasalanan sa krisis sa soberanyang kinalulugmukan ng bansa kundi ang patuloy na pangangayupapa ng gubyerno sa imperyalistang US at Tsina at iba pang makakapangyarihang bansa sa kabila ng maigting na pagtutol ng sambayanan. Nalantad pa nga kamakailan na mayroong tuwirang kasunduan ang Tsina at ang pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng dating pangulong si Joseph Estrada na katumbas ng tahasang pagsusuko ng karapatan ng bansa sa teritoryo nito.

Hindi ang masang magsasaka at sambayanang Pilipino ang may dapat patunayang diwang makabayan. Walang iba kundi ang mersenaryong AFP-PNP-CAFGU, ang mga burukrata kapitalista at ang mga naghaharing-uring matagal nang ipinagkakanulo ang soberanya ng bansa kapalit ng kanilang sari-sariling interes at pakinabang. Handa ang sambayanang ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa dayuhang pananakop anumang oras kailanganin. Ang mas malaking tanong ay kung nakahanda ba ang papet na gubyerno at ang sandatahang lakas nitong kumawala sa pagiging tuta ng dayuhang kapangyarihan at ipagtanggol din ang pambansang patrimonya.

Hindi bala sa kanyon ang masang magsasaka at mangingisda