Hindi madidiskaril ng mga lider ng rali sa Luneta ang paghahanap ng katarungan ng taumbayan
Ang rali sa Luneta ngayong araw ay hayagang pagtatangka ng mga lider at organisador nito na idiskaril ang pagsisikap ng sambayanang Pilipino na makamit ang katarungan para sa malalaking krimen ng korapsyon at maramihang pagpatay ni dating Presidente Rodrigo Duterte at kasalukuyang Bise Presidente na si Sara Duterte.
Ginamit nila ang mapanlinlang na panawagan para sa “kapayapaan” upang ikubli ang tunay nilang layunin na gamitin ang rali bilang pampulitikang instrumento upang sindakin ang mga nagtutulak ng impeachment laban kay Sara Duterte, habang sinusubukang makuha ang pabor ng mga kandidato sa nalalapit na eleksyong midterm.
Daan-daang milyong piso ang ginastos ng mga nag-organisa ng rali para sa transportasyon, pati na rin sa pagpalipas ng gabi sa hotel at iba pang akomodasyon para sa mga kalahok. Ang mga kalahok ay obligadong sumali sa rali dahil sa kanilang relihiyosong pagkakaanib, kahit na marami sa kanila ang mulat na ginagamit lamang sila bilang mga tau-tauhan sa mapanlinlang na larong ito ng kapangyarihan at korapsyon ng mga malalaking burukratang kapitalista.
Ang mga lider ng Iglesia ni Cristo ay kilalang mga oportunista sa pulitika na sumusuporta at nakikipagsabwatan sa mga burukratang kapitalista. Mayroon silang kasaysayan ng pakikipagsabwatan sa pamahalaang Duterte at pagtanggap ng pabor mula kay Duterte. Gayundin, sinuportahan nila ang paghaharing batas militar ni Marcos Sr at nakatanggap ng malalaking pabor mula sa diktadura. Nagsagawa rin sila ng mga demonstrasyon noong 2001 bilang pagpapakita ng lakas para sa napatalsik na pangulo na si Joseph Estrada.
Sa pagpapahayag ng kanyang suporta para sa rali sa Luneta, muling inulit ni Marcos Jr—na patuloy sa pagkokonsolida ng poder at pagtataboy sa mga Duterte sa kapangyarihan—ang kanyang pusisyon laban sa plano ng iba’t ibang demokratikong grupo na itulak ang impeachment ni Sara Duterte. Sa ganito, lalo niyang inihihiwalay ang kanyang rehimen mula sa malawak na masa ng taumbayan, na hindi matahimik sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga presyo, mababang sahod at malawakang kawalang-trabaho sa ilalim ng kanyang rehimen.
Sa harap ng mga pagtatangkang ito ng mga malalaking pulitikong korap at kanilang mga kaalyado na pigilin ang sigaw para sa katarungan, dapat pahigpitin ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa upang palakasin ang kanilang mga boses at puspusang isulong ang sigaw para i-impeach si Sara Duterte, at arestuhin at litisin si Rodrigo Duterte, upang papanagutin sila sa bayan.